THE FALL OF MARCOS | Draven Black
NALUNGKOT ang lahat sa pagkamatay ni Marcos Villanueva. Minahal siya ng marami dahil sa kakayahan niyang magpagaling ng malulubhang karamdaman. Siya rin ang nilalapitan ng mga taong namatayan ng mahal sa buhay para muling buhayin ang taong iyon. Oo, bumubuhay rin siya ng mga patay. Diyos nga kung siya'y iturin ng mga tagaroon.
Sa lugar nila ay halos wala nang naniniwala sa mga duktor. Wala nang nagpapagamot sa mga ospital. Siya lagi ang nilalapitan kapag sila'y may karamdaman. Nalulugi na nga rin ang ilang mga punerarya doon dahil tuwing may namamatay ay binubuhay lang din ni Marcos Villanueva.
Noong nabubuhay pa siya, marami ang nagtatanong. Saan ba niya nakuha ang kapangyarihang taglay niya?
Ang sagot niya lagi rito noon ay isa raw siya sa mga napili para mapagkalooban ng ganitong kakayahan. Kailangan daw niyang gamitin sa maraming tao ang biyayang ipinagkaloob sa kanya habang nabubuhay pa siya.
Marami nang natulungan si Marcos. Hindi na mabilang ang mga taong napagaling niya, pati ang mga patay na kanyang binuhay. Kaya sa unang araw ng kanyang lamay ay dinagsa ng tao ang lugar kung saan siya nakaburol.
Ang masaklap pa, inabutan pa siya ng kamatayan sa mismong Semana Santa. Kaya sa halip na ginugunita ng mga tao ang talambuhay ni Hesukristo ay kay Marcos nakatuon ang atensiyon ng lahat.
Ni wala na ngang nagpapabasa, nag-aayuno at namamanata sa buong lugar. Lahat ay nagluluksa at nagbabantay sa burol ni Marcos.
Kabilang si Marites sa mga pinagaling noon ni Marcos. Nagkaroon siya ng stage four cancer. Bilang na lang dapat ang oras niya sa mundo pero dahil sa matandang ito ay nadugtungan pa ang kanyang buhay.
For the first time in the history kung maituturin ang pagkawala ng stage four cancer ni Marites. Nakaratay na rin siya noon sa ospital, oras na lang ang hinihintay sa kanya. Pero mula nang dinasalan at hinawakan siya ni Marcos, isang araw lang ang lumipas ay bigla na lang siyang gumaling at nanumbalik sa normal.
Kahit ang mga duktor ay hindi pa rin makapaniwala sa milagrong iyon.
Umiiyak ngayon si Marites sa harap ng kabaong ni Marcos. Ni hindi nga niya kadugo ito pero kung magluksa siya ay parang asawa niya ang nawala.
"Paano na lang kami ngayong wala ka na? Sino na ang lalapitan ng mga tao? Bakit gano'n? Bakit kung sino pa 'yong nakakatulong sa kapwa ay sila pa ang maagang nawawala? Bakit kinuha ka pa ng Diyos sa amin?" tumatangis na wika ni Marites. Inawat pa nga siya ng anak dahil muntikan na niyang mapatakan ng luha ang kabaong.
Isang matandang babae naman ang dumating at humagulgol din sa harap ng kabaong. Emilia ang pangalan nito. Dati na siyang hindi makalakad dahil sa kanyang pilay at katandaan. Sinusubuan na lang din siya ng pagkain noon sa higaan pero mula nang haplusin siya ni Marcos ay biglang nanumbalik ang sigla ng kanyang katawan.
Ipinatapon na nga niya ang wheelchair niya ngayon dahil mas malakas pa siyang maglakad kaysa sa mga apo niyang tatamad-tamad.
"Napakabait mong tao, Marcos! Akala ko'y hindi na ako makakalakad muli dahil sa aking edad, pero dahil sa 'yo ay nalibot ko pang muli ang mga lugar na pangarap kong puntahan. Pakiramdam ko nga ay hindi pa ako nobenta'y nuebe dahil sa lakas ng aking katawan. Bakit, hijo? Bakit kailangan mo pang mawala sa mundo?"
Isang lalaki rin ang lumapit sa kabaong ni Marcos at umiyak. Naaalala pa niya kung paano siya nasawi sa isang aksidente. Pero nagulat na lang siya dahil muli siyang nagising. Doon lang niya nalaman na ginamot pala siya ng taong ito kaya muling nanumbalik ang daloy ng kanyang buhay.
"Maraming salamat sa ibinigay n'yong pangalawang buhay sa akin. Kung hindi dahil sa inyo, malamang mag-iisang dekada na akong patay ngayon."
Habang nag-iiyakan sa harap ng kabaong ang ilang mga taong pinagaling at binuhay ni Marcos, nagbubulungan naman sa tabi ang ilang mga taong napadaan lang doon dahil sa kuryosidad.
BINABASA MO ANG
UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]
HorrorBawal sa mga relihiyoso. Narito ang mga kuwentong wawasak sa iyong paniniwala. Samahan mo ako. Sabay tayong masunog sa impiyerno!