Katok

309 23 0
                                    

KATOK | Draven Black

Kapag may kumatok sa pinto, huwag mong bubuksan! Baka makita mo ang iyong sarili!

Iyan ang babala ng karamihan sa kanilang mga kapitbahay at kamag-anak ngayong dumating na ang Semana Santa.

Kinatatakutan sa Baryo Makisig ang mga nilalang na kumakatok sa gabi at nanggagaya ng mukha. Kinokopya ng mga ito ang anyo ng taong magbubukas sa pinto. Oras na sila'y mapagbuksan ng pinto ay papatayin nila sa marahas na paraan ang biktima.

Sadyang mapanganib at makapangyarihan ang nilalang na ito. May pagkakahawig ito sa tinatawag nilang Doppelganger na kilala sa panggagaya ng mukha. Pero sa baryong iyon, ang tawag nila rito ay Bakubu.

Tuwing sasapit ang Semana Santa ay nagbabalik sa kanilang lugar ang mga Bakubu. Kaya naman ang mga tao roon ay nagsasabit ng kahit anong bagay na kulay pula sa harap ng kanilang pinto bilang pantaboy sa mga ito.

Ayon sa kanilang paniniwala, takot ang Bakubu sa mga bagay na kulay pula dahil nakakabulag ito ng kanilang paningin. Oras na mabulag ang isang Bakubu, mawawalan na ito ng kakayahang makapatay at makapanakit ng tao. Kaya sa malayo pa lang ay umiiwas na ang mga nilalang na ito kapag nakakita ng kulay pula sa harap ng pinto.

Pero siyempre, hindi naman lahat ng tao roon ay naniniwala rito. Kadalasan ay sila iyong mga tao na hindi pa kinatok ng Bakubu kahit kailan kaya inaakala nilang ito'y kathang isip lamang na inimbento bilang panakot.

Kabilang ang magkakapatid na sina Raffy, Erwin at Ben sa mga hindi naniniwala sa Bakubu. Ilang Semana Santa na kasi ang dumating sa kanila pero ni minsan ay wala silang naingkuwentrong kababalaghan sa buong buhay nila. Tinatawanan nga lang nila ang mga taong nababaliw sa takot dahil dito.

"Kung may dapat man tayong katakutan, iyon ay ang kapwa tao natin na hindi mo alam sinasaksak ka na pala kapag nakatalikod," katwiran ni Raffy.

Ngunit sa pagkakataong iyon ay mag-isa lang si Raffy sa bahay. Sumama kasi ang dalawang kapatid niya sa vacation trip ng mga barkada nila sa Baguio.

Kapag Semana Santa ay hindi na dapat gumagala ang mga tao kung saan-saan, lalo na kapag Biyernes Santo. Pero sa tatlong magkakapatid ay hindi uso ang mga ganoong kasabihan. Ni hindi nga nila sinusunod ang mga pamahiin tuwing Mahal na Araw. May sarili silang batas at mundo.

Katunayan nga, sa buong lugar na iyon ay si Raffy lang ang nagpapatugtog ng malakas tuwing umaga. At ang mga tugtugan niya ay hindi basta-basta. Karamihan dito ay mga uri ng metal na may bahid ng kademonyohan ang lyrics.

Isang bagay na hindi rin dapat ginagawa tuwing Semana Santa dahil nga ito ay araw dapat paggunita, pag-aayuno at pamamanata sa Panginoong Diyos. Dapat ay tahimik lang ang buong linggo ng Semana Santa.

Nabubulabog nga araw-araw ang mga kapitbahay ni Raffy kapag sinimulan na niya ang mabibigat na tugtugan sa kanyang sound system sa bahay. Akala tuloy ng mga tao sa labas ay nagtatawag na siya ng Demonyo sa style ng tugtugan niya.

Karaniwang laman ng kanyang playlist ay ang mga kanta ng bandang Marilyn Manson, Black Sabbath, Slipknot, Behemoth, Cannibal Corpse at iba pang mga bandang iniuugnay sa satanismo.

Isang ale ang sumita sa kanya nang mapalabas siya ng bahay para magtapon ng basura. "Hoy, Raffy! Mas malakas pa 'yong tugtugan mo sa mga kumakanta ng pabasa rito! Hinaan mo naman at nakakaistorbo ka!"

"Aba bakit naman? May batas bang nagsasabi na bawal magpatugtog ng ganito tuwing Holy Week? Kung meron balitaan mo 'ko at magkita tayo sa korte. Pero kung wala, manahimik ka at huwag mo akong pakialaman!"

Napaurong na lang ang dila ng ale sa talas ng bibig ni Raffy.

Biyernes Santo nang araw na iyon. Nananahimik ang lahat sa kanilang mga tahanan pero si Raffy ay nagpa-party mag-isa sa kanyang silid. Ganoon siya kapag naiiwan mag-isa. Bukod sa solo niya ang buong sulok ng bahay, kanyang-kanya lang din ang lahat ng pagkain sa pridyider.

UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon