God of Blasphemy

268 21 0
                                    

GOD OF BLASPHEMY | Draven Black

SA BARYO ng Silangan, matatagpuan ang isinumpang rebulto ni Upa Khafra. Ito ang sinaunang Panginoon na sinasamba ng mga tagaroon noong unang panahon. Ang rebulto ay kulay ginto at gawa sa mamahaling materyal.

May malaking korona si Upa Khafra na hugis bituin, apat ang kamay, mahahaba ang mga daliri, tatlo ang mata at may isa pang ulo sa dibdib na kakambal naman nito. Isa siya sa mga sinaunang Bathala na sinasamba noon ng mga Pilipino bago pa man magkaroon ng Kristiyanismo sa bansa.

Nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas, kabilang ang Baryo Silangan sa mga naimpluwensiyahang sumapi sa relihiyong Kristiyanismo.

Dahil sa kalupitan ng mga Kastilang dumayo noon sa naturang baryo ay napilitan ang lahat na magpalit ng relihiyon at pananampalataya.

Wala nang sumasamba kay Upa Khafra sa panahong ito. Wala na ring kumikilala sa kanya bilang Panginoon. Mula nang lumaganap ang Kristiyanismo sa bansa ay tuluyan nang nabura sa mundo ang lahat ng pangaral niya.

Ang mga bagay na sinusunod ng tao ngayon ay ang mga pangaral ng Kristiyanismo, kabilang na roon ang ten commandments.

Tila nagalit yata ang bathalang ito kaya mula nang talikuran siya ng mga tao, biglang nagkaroon ng mapanganib na sumpa ang kaisa-isang rebulto niya sa Baryo Silangan. Iyon na lamang ang natitirang alaala niya sa lugar na iyon.

Marami na ang nagtangkang wasakin ito pero lahat sila'y patay na ngayon. Sinuman ang humawak sa rebulto ay sasapitin ang malagim na kamatayan.

Iyon ang dahilan kaya hindi maalis-alis sa lugar na iyon ang rebulto ng dating bathala dahil wala nang naglalakas-loob na lumapit dito.

NALALAPIT na ang Semana Santa. Iyon na rin ang huling duty ni Cindy sa trabaho bago sumapit ang holiday break nila. Iyon na lang ang hinihintay niya para makapagpahinga. Sukang-suka na siya sa fast food restaurant na iyon dahil toxic na ang environment. Madalas din siyang pag-initan ng boss nila sa hindi malamang dahilan.

Isang kostumer ang umorder ng coke float sa kanya. Dahil sa sobrang pagod ay hindi niya namalayang tubig ang nailagay niya sa baso at ito ang nilagyan ng ice cream sa ibabaw.

Galit na galit tuloy ang kostumer pagkakita sa float na in-order nito. "Coke float ang kinuha ko hindi water float!" sigaw sa kanya ng masungit na babae. Napayuko na lamang siya habang palihim siyang tinatawanan ng mga katrabaho.

Humingi ng tawad dito ang manager nila. Pagkatapos ng pangyayari ay sinita na naman siya ng manager sa loob ng opisina.

"Lagi ka na lang palpak, Cindy! This is the 100th time na may nagalit na namang kostumer dahil sa 'yo!"


"Sorry po, Sir Gilbert. Pasensiya na po talaga. Hindi ko po sinasadya."

"Oo alam kong hindi mo sinasadya pero hindi ka rin nag-iisip! Lagi kang wala sa focus! Nasisira tuloy ang pangalan ng restaurant dahil sa 'yo!"

Hindi na nakakain si Cindy hanggang sa matapos ang duty niya. Sa sermon pa lang ng manager ay nabusog na siya.

Umuwi tuloy siyang mabigat ang kalooban dahil sa nagawang kapalpakan. Mabuti na lang at iyon na ang huling pasok nila dahil holiday na. Isang linggo na siyang makakapagpahinga sa trabahong wala nang idinudulot na mabuti sa kanya.

Matagal na niyang nais mag-resign doon ngunit hindi niya magawa, bukod kasi sa siya ang breadwinner sa pamilya nila, wala pa rin siyang mahanap na ibang trabaho. Kaya kahit hirap na hirap na sa kalagayan doon ay kailangan niyang magtiis. Buti na lang at ibinigay pa rin sa kanya ang sahod niya nang araw na iyon.

UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon