CURSE AFTER CURSE | Draven Black
SIGURADO na sina Josephine at Melfino sa isa't isa. Pagkatapos lumipas ng mga problemang pinagdaanan noong nakaraang taon, napagkasunduan na rin nila sa wakas na magpakasal.
Nag-uumapaw sa saya si Josephine habang isinusuot sa kanya ang customized gown niya. Siya na yata ang pinakamasayang babae sa araw na iyon. Parang ayaw na niyang matapos ang sandaling ito habang inaayusan siya ng kanyang designer at makeup artist. Pakiramdam niya, ganap na ang pagiging babae niya dahil sa ayos niyang ito.
Nang ihatid na siya ng sasakyan patungo sa simbahan, magkahalong kaba at saya ang namayani sa kanya. Nanginginig siya sa sobrang saya habang ini-imagine kung gaano kaya kaguwapo ang kanyang asawa ngayon na siguradong naghihintay na sa kanya sa simbahan.
Araw-araw siyang kinikilig kay Melfino. Ngunit iba ang kilig niya sa araw na ito. Parang gusto na niya itong makita, mahawakan at mahalikan sa harap ng altar. Pero at the same time, gusto niyang mas humaba pa ang biyahe ng sasakyan dahil masyado rin siyang nao-overwhelmed sa mga nangyayari. Sobrang saya talaga. Nag-uumapaw sa saya.
Lalo pang nadagdagan ang kaba at saya niya nang makarating na sila sa simbahan. Ang driver na mismo ang nagbukas ng sasakyan para makababa siya. Habang naglalakad na siya papasok sa loob, dinig na niya ang kasiyahan ng mga tao sa loob. Lalo iyong nakadagdag sa excitement niya.
Parang bumagal ang takbo ng oras habang naglalakad na siya patungo sa harap ng altar. Bumabaha ng ngiti sa paligid niya. Ngunit ang ngiti na pinakainabangan niya ay ang sa lalaki. Nakita niya itong nasa harap at naghihintay na sa kanya. Napakatamis ng pagkakangiti nito. Nag-uumapaw na rin ito sa pagkasabik na makasama siya roon sa harap ng altar.
Naging masaya ang daloy ng mga sumunod na sandali. Ngunit habang nagkakasiyahan na ang lahat, bigla namang may pumasok na babaeng pulubi sa simbahan.
Pinagtitinginan ito ng mga tao. Hindi sila makaimik sa labis na pagtataka. Umiiyak ang babae habang masama ang titig sa dalawang ikakasal.
Ilang sandali pa, bigla itong sumigaw na ikinagulat ng lahat. Doon na rin napalingon sina Josephine at Melfino. Gulat na gulat silang dalawa nang makita ang babae. Kilala nila ito.
"Marianita?" sambit ng dalawa, magkasabay.
"Mga hayop kayoooo!" asik sa kanila ng galit na galit na babae. "Habang nagdudusa ako, nagpapakasarap kayo ng buhay dito! Ano'ng karapatan n'yong magpakasal na dalawa? Ha!"
"Ano'ng ginagawa mo rito, Marianita?" usisa rito ni Melfino.
"Bakit kayo nagpapakasal, Melfino!"
"Dahil mahal namin ang isa't isa!" sigaw ng lalaki. Hindi na ito nahiyang sagutin ang baliw na babae."Paano naman ako? Tayong dalawa?"
"Matagal na tayong wala, Marianita! Alam mo 'yan! Kaya hindi mo puwedeng sabihin sa 'kin na mali itong ginagawa namin dahil bago pa kami magkakilala ni Josephine, matagal na tayong hiwalay! Ikaw na lang itong sunod nang sunod sa akin!"
"Hindi mo ako naiintindihan, Melfino! Kaya kita hinahabol dahil gusto kong makipagbalikan sa 'yo. Nais kong baguhin ang sarili ko. 'Di ba iyon naman ang gusto mong gawin ko para mapatawad mo 'ko? Sinabi mo sa 'kin 'yon! Sinabi mo na kapag tinalikuran ko na ang pagiging mangkukulam ko, at kapag hindi na ako nanakit ng tao, patatawarin mo ako at babalikan!"
Nagulat ang mga tao sa narinig nilang iyon. Nagkatinginan ang lahat. Pati ang pari na nasa harapan nila ay napaatras sa takot. Kinilabutan silang lahat sa babaeng ito na nakaitim, buhaghag ang buhok, madungis ang buong katawan at halatang matagal nang walang ligo.
BINABASA MO ANG
UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]
HorrorBawal sa mga relihiyoso. Narito ang mga kuwentong wawasak sa iyong paniniwala. Samahan mo ako. Sabay tayong masunog sa impiyerno!