Hampas ng Palaspas

300 28 0
                                    

HAMPAS NG PALASPAS | Draven Black

PAGKAUWI sa bahay nang gabing iyon, isinabit agad ni Isabel ang biniling palaspas sa harap ng kanilang bintana sa labas.

Lumapit sa kanya ang asawang si Monicio na hawak ang basong may kape. "Bakit sa labas mo nilagay? Dapat dito sa loob ng bintana 'yang palaspas."

"Hindi puwede rito sa loob dahil tuwing aalis tayo hindi nasasara nang mabuti ang bintana kaya dito na lang. Baka mapasukan pa tayo ng magnanakaw," sagot ni Isabel habang itinatali ito sa labas ng bintana.

"Bakit naman ginabi ka? Ano bang mga ginawa mo kanina?"

"Siyempre dumalaw pa 'ko kina Tita Carmen at hinatid 'yong pinapabili nila. Tapos napahaba na rin ang kuwentuhan namin doon kaya natagalan ako."

"Pagsabihan mo 'yang anak mo. Nahuli ko kanina sa daan, naninigarilyo! Kailan pa natutong magyosi 'yang batang 'yan?"

"A-ano?" Nagulat si Isabel. Pati siya ay hindi makapaniwala.

"Nagbibisyo na 'yang si Michael. Sabihan mo 'yan at baka kung ano pa ang magawa ko d'yan. Ayoko nang mapagbuhatan uli ng kamay 'yan kaya ikaw na ang kumausap sa kanya."

Nang maisabit na niya ang palaspas ay nagtungo agad siya sa kuwarto. Doon niya nakita si Michael na kaharap pa rin ang laptop at nagbababad sa online games.

"Michael, halika nga muna rito."

Biglang nagdabog ang binatilyo. Ugali na nitong magdabog kapag tinatawag sa gitna ng paglalaro. "Ano na naman ba 'yon, 'ma? Kita mo nang busy ako rito!"

"Bakit naninigarilyo ka na? Nahuli ka raw ng tatay mo kanina sa labas! Totoo ba 'yon, Michael?"

Hindi agad nakasagot ang binatilyo. Nagkamot lang ito ng ulo.

"Sagutin mo nga ako! Kailan ka pa natutong magbisyo? Kung ang tatay mo nga ni minsan hindi nakatikim ng yosi, ikaw pa kaya?"

"Mama naman, malaki na 'ko! Pabayaan n'yo na lang ako!"

"Anong malaki ka na? Hindi dahilan 'yon para pasukin mo ang bisyo! Masisira ang kalusugan mo!"

"Wala akong ginagawang masama, 'ma! Wala rin akong tinatapakang ibang tao. Sarili ko lang ang iniintindi ko. Hindi ko pinakikialaman ang buhay ng iba!"

"Huwag mo gawing dahilan ang ibang tao o anupaman! Itigil mo na ngayon din ang paninigarilyo mo kung ayaw mong makatikim sa akin! Hindi mo bagay magbisyo, Michael. Hindi ka siga gaya ng mga kasing edad mo rito. Ni hindi ka nga makapagbuhat ng mabigat, nagpi-feeling barako ka? Ayusin mo ang sarili mo!"

Na-badtrip si Michael sa mga sinabi ng ina. Nawalan na tuloy siya ng gana sa nilalaro. Ang totoo, hindi rin naman niya hilig ang larong barilan na iyon noon. Napilitan lang siyang laruin ito para gayahin ang mga lalaking nakikita niya sa internet shop na naglalaro nito. Mga lalaking di hamak na barakong-barko kaysa sa kanya na isang lampa at mahinhing lalaki.

Hindi naman siya bakla. Sadyang malambot lang ang kanyang pangangatawan dahil lumaki siyang hindi naranasan ang mabibigat na trabaho.

Sa lugar nilang iyon ay maraming mga lalaking malalaki ang katawan dahil batak na batak sa mabibigat na gawain. Karamihan din sa mga ito ay madalas niyang makita na may yosi sa bibig.

Dahil sa kagustuhan ni Michael na maging katulad ng mga ito ay sinubukan na rin niya ang nakikita sa iba, gaya ng paglalaro ng DOTA, counterstrike, paghuhubad sa loob ng computer shop, pagpapagupit ng may hiwa sa gilid, paghiwa sa kilay at paninigarilyo.

Aaminin niyang hindi nga bumabagay sa kanya ang ganoong imahe. Pero ginagawa niya ang lahat para maging katulad ng mga barakong lalaki sa kanilang lugar. Matapang. Maskulado. Matigas ang katawan. Lalaking-lalaki.

UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon