Haunted TikTok

285 20 0
                                    

HAUNTED TIKTOK | Draven Black

HATAW na hataw si Enzo sa pagsasayaw sa harap ng ring light habang naka-topless at itinataas ang boxer shorts. Biglang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang tatay niyang gulat na gulat sa ginagawa niya.

"Anak ng puta naman, Enzo! Ano ba 'yang ginagawa mo imbes na nag-aaral ka! Tapos na ba 'yong mga modules mo?"

"Tatay naman bakit nandito ka na naman? Kapapasok mo lang kanina, ah?"

"Kukunin ko 'yong wallet kong kupal ka dahil nandoon ang ID ko kukunin ko ngayon 'yong padala ng nanay mo, animal!"

"Mamaya ko na gagawin 'yong modules ko malapit na rin naman po akong matapos do'n kaya sige na 'wag n'yo na akong istorbohin!"

"Umayos ka ngang hayop ka! Kulang na lang ilabas mo na 'yang itlog mo sa iksi ng salawal mo!"

Nahiya na tuloy humarap si Enzo sa camera. Na-record pa man din ang eksena nilang iyon ng Tatay Mario niya sa 30 second clips ng TikTok video niya.

Hindi na niya in-edit o inulit ang video. Diniretsong upload na niya ito para makita rin ng mga followers niya kung gaano sila kakulit ng ama sa bahay.

Isa si Enzo sa mga small TikToker na ngayon ay unti-unti nang lumalawak at nakikilala. Dati ay todo effort siya sa pagbi-video ng mga drawings niya pero hindi ito gaanong napapansin. Kaya naisipan niyang maghubad-hubad na rin at magsayaw ng naka-boxer shorts gaya ng ginagawa ng ibang lalaki roon.

Sa paraang iyon niya napadami ang views at followers niya, kaya mula noon ay binago na rin niya ang content ng kanyang account. Ang dating Enzo na nagpapamalas ng likhang sining ay nagpapabukol na lang din ngayon sa TikTok.

Pabukol ang tawag sa mga lalaki sa TikTok na nagsasayaw nang nakahubad para maibida ang hubog ng katawan. Ang iba sa mga iyon ay sinasadya talagang magsuot ng maiksing salawal para bumukol ang maselang bahagi ng katawan nila na gustong-gusto naman ng mga viewers.

Katawan na lang ang puhunan para sumikat.

Binalikan ni Enzo ang bagong upload nang matapos siyang magluto. Laking gulat niya dahil nasa isang daang libo na agad ang views nito. Ang daming natuwa sa moment nila ng ama sa video na iyon.

Dinala niya ang cellphone sa banyo at binidyuhan ang sarili habang nagbubuhos ng tubig sa katawan. Sinuklay pa niya ang buhok gamit ang kamay saka nagpa-cute sa camera.

Muli niya itong in-upload sa TikTok at nilagyan pa ng caption na, "tara, paliguan mo ako!".

Pagkatapos maligo ay lumabas naman siya para mag-igib ng tubig. Boxer shorts na lang muli ang isinuot niya at ipinatong na lang sa balikat ang sando. Muli siyang nag-video sa sarili habang sinasabi sa mga followers na mag-iigib lang siya ng tubig. Ibinida pa niya ang kalahating katawan habang hawak ang balde na walang laman.

Upload uli pagkatapos mag-record.

"Hoy! Anak ng kabayo naman, Enzo! Kailan ka pa mag-iigib? Bitiwan mo muna 'yang cellphone mo!" sigaw sa kanya ng Tatay Mario niya.

Lalakad na sana siya nang maalalang wala pala siyang suot na face mask. Nagbalik siya sa loob at inilapag ang cellphone sa ibabaw ng pridyider saka kinuha ang mask at face shield niya.

"Ayan, lalabas na naman ng walang mask! Ayusin mo nga ang buhay mo, Enzo!" sermon sa kanya ng ama habang nakapatong ang mga paa sa upuan at kaharap ang telebisyon.

Paglabas ni Enzo ay binuhat na niya ang dalawang balde saka nilisan ang bahay.

Ganoon lang lagi ang trabaho niya ngayong nasa gitna pa rin ng pandemya ang mundo. Online class sa umaga, TikTok sa tanghali, mag-iigib sa hapon, module sa gabi at TikTok muli bago matulog.

UNHOLY WEEK [Holy Week Special Horror Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon