PINTAKASI
Sa bulong ng kasinungalingan, darating ang kasalanang hindi kayang pawiin ng mga 'patawad'; makukulong sa inosenteng paghuhusga ang tunay na makasalanan.
_______________________________________________________________________________
Walang makapang emosyon si Ada habang nakatanaw sa bangkay sa tabing ilog—nakamulagat ang mga mata nito, maraming sugat at nagingitim na mga pasa sa buong katawan. Ang mukha nito ay halos hindi na makilala sa daming pasa at sugat; maging ang labi nito ay putok dahil sa pagkakasuntok ng kung sino.
Hindi niya makalilimutan ang binata kahit halos hindi na ito makilala, kilalang-kilala niya ang binatang minsan nang humingi ng tulong sa kanya. Ang binatang nagdala ng liwanag sa madilim na mundo niya—Adonis Imperial.
Ngayon, mas naging magulo pa ang lahat. Gusto niyang tumulong upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito pero hindi niya alam kung saan magsisimula. Pero isa lamang ang alam niya tiyak na dadanak ang dugo sa San Angeles dahil sa pagkamatay nito. Hindi hahayaan ng mga Imperial ang nangyari hangga't walang napananagot.
"Magiging madali sana ang lahat kung nakapagsasalita lamang ang mga patay," bulong niya sa hangin umaasahang dadalhin ng simoy ng hangin ang bawat salita papunta kay Adonis.
Mula sa kawalan ay biglang may humigit sa buhok niya. Agad na naramdaman niya ang hapdi sa anit pero mas gumuhit ang latay ng mga sumunod na salita nito. "D-Don't ever act as an innocent. Huwag kang magkunwari! Ikaw ang pumatay sa kanya! Pinatay mo s'ya kagaya nang pagpatay mo sa kapatid mo!"
Hindi siya sumagot. Wala siyang makapang salita sa isipang punong-puno ng mga katanungan ngayon. Paanong siya?
Muli niyang tiningnan ang bangkay pero nanlamig siya nang makitang wala na roon ang katawan ni Adonis. Nang humarap ay napasigaw siya sa gulat nang mabungaran sa harapan si Adonis na nakatayo at nanlilisik ang mga matang nakatingin sa kanya. Ngumisi ito saka dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang palapit nang palapit ay tumitindi ang panginginig ng tuhod ni Ada.
Ibang Adonis na ang nakikita niya sa kanyang harapan. Hindi tulad nang dati ay kadiliman na ang bumabalot sa binata.
BUMALIKWAS ng bangon si Ada mula sa kinahihigaang sofa. Habol niya ang bawat hanging kaya niyang habulin. Pasabunot na hinawakan niya ang buhok saka kinapa ang namamawis na noo. Inikot niya ang tingin sa kuwarto kung saan nagkalat ang gamit: ang mga paint brush, canvass, pencil, at iba't ibang kulay ng maliit na lalagyanan ng acrylic paint. Nakahinga siya nang maluwang nang mapagtantong panaginip lamang ang lahat.
Pero hindi na muli siya nakatulog. Marahil kinain na ng takot ang antok niya.
"Ada?" Hindi niya napansin si Nay Alma na ini-umang ang baso ng tubig sa harapan niya. Nang makabawi ay may ngiting tinanggap niya iyon.
"Binabangungot ka na naman," mahinahong wika ng matanda.
Matagal na nilang kasambahay si Nay Alma simula nang mamatay ang ina niya at lumipat silang mag-aama sa San Angeles. Nang mamatay ang ama niya ay hindi umalis sa tabi niya si Nay Alma kahit na wala siyang maibigay na pera. Mabuti na lamang at nakakuha siya ng trabaho bilang ghostwriter ng public figure na nagpumilit na maging manunulat sa syudad.
"Wala po ito, Nay," aniya saka tumayo at pasimpleng inayos ang damit.
"Lalabas po muna ako." Bumuntong hininga lamang si Nay Alma pero hindi na rin siya pinigilan. Alam nitong kapag nakapagdesisyon na siya ay iyon na iyon.
Pasimpleng sinulyapan niya ang bagahe ng matanda sa sala. Paalis na ang matanda para magbakasyon sa anak nito sa kabilang bayan. Ayaw sana siya nitong iwan siya pero siya ang nagpumilit. Kailangan nitong lumayo sa kanya para hindi ito madamay sa anumang gulong napasukan niya.
BINABASA MO ANG
We All Lie
Mystery / ThrillerSoon to be Published under CLP. Sa bulong ng kasinungalingan darating ang kasalanang hindi kayang pawiin ng mga 'patawad'. *** Perpekto ang imahe ng bayan ng San Angeles hanggang sa mabahiran ito ng dugo nang lumitaw ang makapanindig balahibong 't...