KUWENTO
Matapos ang walong oras na pagpatinghulog sa mahiwagang mundo ng panaginip na natapos sa pakikipagkasundo sa sinumpang anino. Inimulat ang mga bulag na mata. Bumulong sa hangin saka muling humabi ng mga salita.
___________________________________________________________
"Isang taon na kaming magkarelasyon. Syempre tago lang. Alam n'yo naman siguro na hindi ako matatanggap ng mga Imperial. Lalo na ang isang ex-convict na tulad ko. Siya ang dahilan kung bakit ako tumigil sa pagca-carnap..." paglalahad ni Rafael na hindi nakatiis na pumasok at daluhan si Adelaida sa loob ng investigation room.
Maraming impormasyon ang nakuha nila kay Adelaida. Kasama na ang katotohanan sa pagkatao ni Adonis.
"Bakit ba paulit-ulit kayo sa pagkatao ko!? Ako ang tunay na anak. Ampon lang si Kuya Adonis. Inampon siya dahil kailangan ni daddy ng lalaking anak para magpatuloy ng mga negosyo ng Imperial. Dahil kapag si kuya Adonis ang namahala sa mga negosyo ni lolo ay tiyak na malaki ang makukuhang kayamanan ni daddy. Hindi ko alam kung sino ang nagpakalat ng maling impormasyong ako ang ampon pero hindi ako...Si kuya Adonis ang ampon." Pagbabalik tanaw niya sa sinabi ni Adelaida kanina matapos ungkatin ng mga pulis ang tungkol sa pagkatao nito.
Hindi sila nagulat ni Kaleb sa sinabi ni Adelaida dahil may hinala na silang ampon lamang si Adonis. Isa pa ay napagtagpi-tagpi ni Ada ang dahilan kung bakit palaging sinasabi sa kanya ni Adonis na gusto nitong makilala ang totoong pagkatao nito. Pinatibay pa ang haka-haka niya ng mga ikinwento ni Trudies. Hindi nga lang sumang-ayon kay Simoun ang tadhana dahil hindi talaga tunay na lalaki ang sanggol na binili nito.
"At ang pera?"
Umingos si Rafael habang yakap si Ade na nakatulog na sa bisig nito. "Sinabi na niya sa inyo. Ginawa niya iyon para may perang ipangtutubos sa akin si Ema...Hindi ko naman alam na nagawan na pala ng paraan ni Ema. Hindi ba buo pa rin ang pera? Ano pa bang problema?"
"Do the math, Rafael. Hindi pa nga nagagalaw ang pera pero ang kabuuhang perang nasa bangko ng kapatid mo ay nasa isa't kalahating milyon. Kung nanggaling kay Adelaida ang kalahating milyon...Kanino manggagaling ang isang milyong natitira?" paliwanag ni Kaleb.
Napasabunot sa buhok si Rafael saka matigas ang mga pangang nagsalita. "Hindi ko alam, okay? Hindi ko rin alam. Ilang araw ako sa loob ng kulungan sa Victoria at hindi ko alam kung ano ang ginagawa ng kapatid ko ng mga araw na iyon. Kung may alam ako matagal ko nang sinabi sa inyo para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay niya. Kaya nga tumutulong ako hindi ba?"
Binuksan ni Chief Gary ang puting folder na nasa lamesa saka hinugot ang isang papel na may nakadikit na litrato saka ibinigay kay Rafael. Inabot iyon ng binata saka binasa at tinitigan ang nakalagay.
"Nag-positibo si Ema sa drugs. Lumabas na rin ang autopsy. May nakitang mga pasa sa katawan ng kapatid mo. Indikasyong nanlaban siya. Kasalukuyang ipinopro-proseso ang DNA na nakita sa kuko ng kapatid mo. Malapit na malaman kung sino ang posibleng pumatay sa kanya."
Mariing itinikom ni Rafael ang mga labi hanggang mag-isang linya iyon. Nanigas rin ang mga panga nito habang matalim na pinagmamasdan ang litrato at papeles na nasa kamay.
"Tutulong ako."
Kaagad na umiling ang hepe. "Hindi pwe—"
"Tutulong ako," desididong wika ni Rafael. "Pinatay nila ang kapatid ko. At ngayon damay na rin ang girlfriend ko. Hindi ako tatahimik sa isang tabi habang pinaglalaruan tayo ng hayop na iyon!" he hissed.
Wala na ring nagawa pa ang hepe kung hindi payagan si Rafael na tumulong bagama't limitado lamang ang pwede niyang malaman at maitulong sa pulisya. Sinang-ayunan din kasi ni Kaleb ang sinabi ni Rafael. Mas mapadadali nga naman kung magtutulungan sila para tuluyan nang mahuli kung sinuman ang may kagagawan ng lahat.

BINABASA MO ANG
We All Lie
Детектив / ТриллерSoon to be Published under CLP. Sa bulong ng kasinungalingan darating ang kasalanang hindi kayang pawiin ng mga 'patawad'. *** Perpekto ang imahe ng bayan ng San Angeles hanggang sa mabahiran ito ng dugo nang lumitaw ang makapanindig balahibong 't...