REMORA
Tatlong butil ng luha ang tumulo mula sa aking mga mata nang makita ko ang kasinungalingan sa salamin ng iyong kaluluwa. Nakita ko kung gaano kadilim at kalakas ang nagkakagulong bagyo sa loob niyon. Nakita ko kung gaano ka naguluhan.
________________________________________________________________________________
Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang makarating sa kalye malapit sa bahay niya si Ada. Habang naglalakad ay ramdam na ramdam niya ang lamig ng simoy ng hangin. Hinimas niya ang mga braso saka binilisan ang paglalakad. Hindi lamang ang hangin ang dahilan ng panlalamig niya dahil ramdam niyang kanina pa may sumusunod sa kanya.
May mga yabag sa likuran niya.
Nang bumilis ang lakad niya ay bumilis din ang mga yabag sa likuran niya. Hanggang sa ang lakad niya ay naging takbo nang maramdaman ang palapit na mga yabag. Pero nagulat siya nang biglang may humigit sa braso niya papunta sa isang masikip na pasilyo. Sisigaw na sana siya nang takpan ng kung sino ang bibig niya.
"Shhh. Si Kaleb ito." Kumalma siya nang marinig ang boses ng binata. Kahit na hindi niya alam kung ang boses ba talaga nito o ang presensya ang nagpakalma sa sistema niya.
Ramdam niya ang kakaibang reaksiyon ng katawan sa pagkakadikit ng likod niya sa dibdib ng binata. Naramdaman niya ang kakaibang bugso ng damdaming nagpapabilis ng tibok ng puso niya. Wala sa sariling napahawak siya sa puso habang nangangatog ang mga tuhod sa kaba.
Nang mawala ang mga yabag ay pinakawalan na rin siya ng binata saka inalalayang lumabas sa pinagtataguan nila. Pero muli silang natigilan sa tatlo pang lalaking nasa unahan at palingon-lingon. Malalaki ang katawan ng tatlo at may suot na itim na bonet. Muli sana silang babalik nang tumingin sa kanilang direksiyon ang mga lalaking mukhang siya talaga ang pakay. Walang pag-aalinlangang lumapit ang mga ito sa kanila. Mabilis ang naging reaskiyon ni Kaleb na hinigit siya sa likod nito na tila pinoprotektahan.
Sumugod ang tatlong may kanya-kanyang balisong na hawak. Hindi pa man tuluyang nakalalapit ay sinalubong na ni Kaleb ang isa at ekspertong sinipa ang balisong paitaas saka pinigilan ang isa pang lalaki sa tagiliran nito. Nang makabwelo si Kaleb ay malakas na sinuntok nito sa mukha ang lalaki. Isang suntok lang at bumagsak ang lalaki. Habang nakikipagsuntukan si Kaleb sa dalawa ay nakangising lumapit naman sa puwesto ni Ada ang isa pa. Lumingon si Kaleb sa lalaking palapit na sana sa puwesto niya. Nang malapit na ay hinigit ni Kaleb ang braso nito patalikod saka sinalubong ng malakas na suntok ang mukha nito. Napangiwi siya nang marinig ang paglagatok ng buto ng lalaking naka-bonet.Pero dahil narito ang atensyon ni Kaleb ay hindi nito napansin ang isa pang lalaki na muling nakatayo at may hawak ng kutsilyo.
"Kaleb!" sigaw niya na hindi dapat niya ginawa dahil nawala sa pokus si Kaleb kaya nasaksak ito ng balisong sa tagiliran. Pero balewalang nakabawi si Kaleb na sinuntok ng kabilang kamay ang lalaking kaagad tumumba sa kalsada. Bago pa man muling makakilos si Kaleb ay nagpulasan na ang tatlong paika-ikang lumayo.
"K-Kaleb..."
Patakbong dinaluhan niya si Kaleb na hawak na ang tagiliran. Halata na rin ang dugo roon na kumulay sa puting t-shirt nito. Mabilis na kinuha niya sa bulsa ang panyo saka idiniin sa sugat nito na siyang ikinangiwi ng lalaki.
"F*ck!"
Muling nataranta si Ada sa reaksiyon ng binata. "T-Teka. Wait malapit na tayo sa bahay..." Tinulungan niya ang binatang maglakad. Nang muling sulyapan ang sugat nito ay napatigil siya.
"Teka... Hindi pwede sa bahay. Kailangan mong pumuntang hospital!" natatarantang wika niya na siyang ikinailing ni Kaleb.
"Hell no! Nasaan ang bahay mo?" Wala siyang nagawa kung hindi ituro ang malapit na bungalow house.
BINABASA MO ANG
We All Lie
Mystery / ThrillerSoon to be Published under CLP. Sa bulong ng kasinungalingan darating ang kasalanang hindi kayang pawiin ng mga 'patawad'. *** Perpekto ang imahe ng bayan ng San Angeles hanggang sa mabahiran ito ng dugo nang lumitaw ang makapanindig balahibong 't...