Chapter 14

7 2 0
                                    

NATUYONG TALUTOT

Sa panahong bumagsak ang mga talutot ng puting rosas sa madugong digmaan ng pag-ibig at kapangyarihan. Mga pangakong nilipad ng hangin patungo sa lumalagabgab na apoy ng paghihiganti. Tara! Tunghayan natin ang pagtupok ng galit na apoy sa mga taong nagpatinghulog sa nakababaliw na laro ng pag-ibig.

___________________________________________________________

Matamang nakikinig si Ada sa mga detalyeng sinasabi ni Thomas kila Kaleb nang sunod-sunod na tumunog ang kaniyang cellphone. Para hindi makaistorbo ay lumabas muna siya saka sinagot ang tawag.

"Clara?"

"A-Ada! Hmmmmp. He-lp..." Biglang may umahong kaba sa kanyang dibdib nang hindi na muling narinig ang boses ni Clara.

Napalitan iyon ng baritonong boses ng isang lalaki. Nanginig ang mga tuhod niya. Nanginginig man ay pinilit niyang maglakad para puntahan si Kaleb sa loob pero hindi pa man siya nakalalayo nang nagsalita ang lalaki sa kabilang linya.

"Huwag mo nang tangkaing pumasok sa loob, Ada kung ayaw mong mapadali ang kamatayan ni doktora." Mabilis na lumingon-lingon siya. Maliban sa mga puno ay wala na siyang ibang taong nakikita sa malapit. Pero alam niyang nasa malapit lamang ang kausap kung talagang nakikita siya nito ngayon.

"Nakikita ko ang mga galaw mo."

"S-Sino ka?" namamawis ang mga kamay niya habang pasimpleng lumilingon-lingon sa paligid. Umaasang makikita niya kung sino man ang kausap niya sa cellphone.

"Hmmm...Hindi na importante iyon. Kung gusto mong iligtas sila pumunta ka sa lumang pantalan."

"Hindi ako tanga para gawin iyon. Hindi mo ako maloloko." Lakas loob na naglakad siya papasok sa presinto pero hindi pa man siya nakalalapit ay muli siyang natigilan nang marinig ang impit na iyak ng dalaga. Si Camille. Umiiyak ito habang nagmamakaawang tulungan siya.

"One more step, Ada. At baka maisipan ko na ring idamay ang Kaleb na iyon." Mas lumakas ang tibok ng puso niya kasabay nang pangangatal ng mga labi. Hindi...Hindi niya kaya kung maging si Kaleb ay madamay rito.

Narinig niya ang baritonong tawa ng lalaki bago pumailanlang ang matinis at takot na boses ni Clara sa kabilang linya. "Ahhh...T-Tulungan mo ko, Ada...P-Please," umiiyak na samo ng dalaga sa kabilang linya.

"Hindi ako nakikipaglokohan sa'yo Ada. Hindi ako magandang magalit," seryosong babala ng lalaki.

"A-Anong gusto mo?"

"Sampung minuto. Sa lumang pantalan ng bayan, maghihintay silang dalawa sayo ro'n." Biglang naputol ang tawag.

Muling sumulyap si Ada sa presinto saka tiningnan ang hawak na cellphone bago patakbong nilisan niya ang lugar. Hindi na siya nakapag-isip pa nang maayos at kaaagad nagpahatid malapit sa pantalan ng San Angeles. Tago ang lugar na sinasabi ng lalaki. Ang dulong bahagi ng lumang pantalan ng San Angeles.

Maingat na sinuyod niya ang lugar. Iniikot niya ang mga mata sa lugar nang tumunog ang cellphone. Sumandal siya sa may kalakihang puno bago sinagot ang tawag.

"Ada? Nasaan ka?" Kagat-labing nag-isip siya, nag-aalangan kung sasabihin niya kung na saan siya. May hinuha rin kasi siya na baka may kasabwat na pulis ang criminal dahil sa tawag na natanggap niya kanina.

"K-Kaleb? Pupuntahan ko si Clara."

"Bakit?" May humalong pag-aalala sa tono ng binata.

"Tutulungan ko siya. N-Nasa panganib siy—"" Hindi na niya nasabi ang lokasyon niya nang biglang may nagtakip ng panyo sa kanyang ilong.

We All LieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon