Chapter 8

12 2 0
                                        

ANG ANGHEL SA OBRA

Minsa'y humiling ang Anghel na maging kawangis ng Eden ang katahimikan sa mundo. Sa dalisay na panalangin sa pagtanggap ng pagkatao kapalit ay paghuhusga ng sanlibutang nagmamalinis.

___________________________________________________________

Paglipas ng mga araw, naging magulo ang lahat. Naglitawan ang samo't saring social media post at mga local na balita patungkol sa nangyari at sa plano ni Adonis Imperial nang gabing nawala ito. Kumalat ang balita kahit pilit na ipinabura ng mga Imperial iyon. Kumalat ang istorya ng nawawalang tagapagmana ng San Angeles na tila dila ng apoy sa buong bayan at mga karatig-bayan. Sa huli ay nabahiran ang malinis na record ng San Angeles.

May ilang taong naawa pero marami rin ang hindi naniwalang may dumakip sa binata lalo pa't nakalabas ang tungkol sa plano ng binata na pagtakas. Naniniwala ang iba na parte pa rin iyon ng plano ni Adonis para makakuha ng simpatya.

Sa paglipas ng mga araw, unti-unting nakita ni Ada ang epekto ng paglalaro nila sa katotohanan. Hindi niya inaasahan ang pagsasalabid ng mga hinabi nilang kasinungalingang siyang magtatali sa kanila sa kapamahakan. Hindi niya inakalang ganoon katindi ang kapangyarihan ng mga salita.

Gayunman, hindi lumabas ang pangalan niya sa anumang balita. Nang tanungin niya si SPO1 Mayumi ay pangalan lamang ni Kaleb ang sinabi nito. Nakabalik na rin siya sa bahay niya bagama't alam niyang may nagbabantay na pulis sa kanya.

Nang araw na iyon, hating-gabi na natapos si Ada sa pagpipinta. Saglit na pumunta siya sa kusina para kumuha ng tubig na inumin. Habang naglalakad ay natigilan siya nang makita ang bakas ng anino sa labas ng pinto. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Maingat na ipinatong niya ang babasaging baso sa lamesa saka tinitigan ang aninong hindi pa rin umaalis. Kinakabahan man ay dahan-dahang hinawi niya ang kurtina sa gilid ng pintuan.

Nakahinga siya nang maluwang nang makilala ang nasa labas. Lumayo siya sa bintana saka mahigpit na kumapit sa doorknob. Pinag-iisipan kong bubuksan ang pinto. Nanatiling nakatayo ang lalaki sa harapan ng pinto bago marinig ni Ada ang pagkatok nito.

Imbis buksan ay nagsalita siya sa likod ng pinto. "Anong kailangan mo?"

"Ada." Nahimigan niya ang pag-aalinlangan sa boses ng lalaki.

"Gabi na. Kung may kailangan ka bumalik ka na lang bukas," aniya saka binitawan ang doorknob at lumayo sa pinto.

Ngunit natigilan siya sa sunod na sinabi ng lalaki. "Magaling ka raw magpinta."

Natigilan siya sa pamilyar na linya pero hindi siya nagsalita. "May nakapagsabing magaling ka raw magpinta," ulit nito.

Saglit na nag-isip siya saka muling lumapit sa pinto at binuksan iyon. Bumungad sa kanya ang pamilyar na chinitong mga mata ng lalaki.

"Sino?" tanong niya. Lumamlam ang mga mata nito saka ngumiti nang mapait.

"Hindi ko pwedeng sabihin kung sino." Nagsukatan sila ng titig bago siya sumuko at tumabi sa pintuan para bigyan daan papasok si Thomas.

Wala sa sariling napangiti siya nang mapansin ang painting na tinititigan nito sa pader.

"Kilala mo siya?" tanong niya sa binatang nakatitig pa rin sa litrato.

"Kilalang-kilala ko siya." Sa sinabi nito ay napaharap siya sa binata. Ilang beses na niyang ipininta ang mukha ng babae na iyon pero ni minsan ay hindi niya naitanong ang pangalan nito kay Adonis.

"Eden." Namutawi sa kanyang mga labi ang pangalan na iyon.

Eden. Iyon ang itinawag niya sa babaeng palagi niyang ipinipinta sa iba't-ibant mundo ng obra. Mala-puso ang korte ng mukha nitong may mala-nyebeng balat at maninipis na mga labi na tila ba ipininta ng sariwang dugo sa sobrang pula. Ang mga mata nito ay kulay abo na bumagay sa misteryoso nitong presensiya. Maganda ang dalaga sa painting.

We All LieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon