Chapter 13

8 2 0
                                    

PAGPUTAK

Siyam. Ika-siyam na linggo sa pagsiyap ng araw ay siyang pagkandirit ng inahin. Ngumiti sa laro ng buhay, tumawa sa pagkadapa saka humalakhak ng parang baliw.

___________________________________________________________

Madilim ang loob ng mansiyon nang pumasok sila Ada. Walang bakas ng taong pumasok sa loob. Habang iniisa-isa ni SPO1 Melchor ang mga kuwarto sa itaas nanatili si Ada sa tabi ni Kaleb na pinag-aaralan ang mga kuwarto sa ibaba. Nakailang beses sila sa paghahanap pero wala silang nakita. Wala kahit mga bakas.

Sigurado ba talaga ang mga pulis na nandito si Thomas Samonte? Hindi kaya napaglaruan din ang mga ito?

Iniikot niya ang mga mata sa sala. Malawak iyon at kompleto ang gamit bagama't halatang hindi nagalaw dahil puno iyon ng alikabok at may mga balot na puting kumot. Kung wala roon si Thomas. Saan naman kaya magtatago ito?

Maingat na naglakad-lakad siya saka muling pumasok sa tanging abandonadong kuwarto sa ibaba. Maliban sa maliit na kama at malaking cabinet na antigo ay wala ng gamit sa loob. Iniangat niya ang tingin sa kisame na puno ng agiw saka muling tumitig sa antigong cabinet na pwedeng magkasya ang ilang tao sa loob.

Kunot noong naglakad siya palapit sa nasabing cabinet. Tila may magnet iyong inaakit siya papasok. Kakaiba ang ukit na mga bulaklak sa gilid ng kahoy na cabinet na kulay tsokolate.

"May nakatago sa loob." Napatalon siya sa gulat nang mula sa likuran niya ay nagsalita si Kaleb.

"Kabayo! H-Huwag ka ngang manggulat," reklamo niya habang kapa ang pusong sobrang bilis ng tibok.

"Sa lahat ng gamit ang hawakan lang n'yan ang walang alikabok na parang paulit-ulit na may humawak," puna ng katabing nakatitig sa malaking cabinet.

"Bakit hindi mo pa buksan?"

"Tumawag muna ako ng back-up kung sakali man," sagot ng binatang walang takot na binuksan ng panyo ang pintuan ng cabinet. Pagbukas ay tumanbad sa kanila ang madaming damit na nakasabit.

Magkokomento pa sana siya nang hawiin ng binata ang mga naka-hanger na damit hanggang sa napamulagat siya nang lumitaw ang isang pinto na hindi mo mapapansin kaagad kung hindi ka lalapit at susuriin iyon nang mabuti. Nag-blend kasi ang kulay nito sa kulay ng buong cabinet.

Sinenyasan siya ni Kaleb na sumunod. Marahil alam na din nito na hindi siya papayag na magpa-iwan. Masyado siyang curious sa mga bagay-bagay para magpa-iwan.

Napahinto siya nang makita ang madilim na hagdanan paikot sa ibaba. Mukhang may lihim na basement ang bahay. "Hindi ba natin hihintayin ang sinasabi mong back-up?"

Kinapa ng binata ang kamay niya saka inilalayan siya paibaba. "Parating na rin sila. Come on."

Habang palapit nang palapit ay mas bumibilis ang tibok ng puso niya. Unti-unti na rin niya nararamdaman ang nanunuot na kakaibang lamig ng hangin sa loob. Niyapos niya ang sarili saka hinimas ang brasong nagtatayuan na ang mga balahibo. Hindi nagtagal at nakakita sila ng siwang ng liwanag na nanggagaling sa ibaba. Habang palapit ay unti-unti nilang narinig ang isang classical na kanta, na mas nakadagdag sa kaba na nararamdaman niya.

Nang makarating sa ibaba ay sinenyasan siya ni Kaleb na mas mag-ingat sa paglakad para hindi sila makalikha ng anumang tunog. Sumilip sila sa gilid, sa 'di kalayuan ay may nakatayong lalaki sa gilid ng higaan. Nakasuot ito ng doctor's gown at tila ino-operahan ang sinumang nakahiga sa kama. Hindi nila mapagsino ang lalaki o ang taong nakahiga dahil nakatalikod ito at nahaharangan ang nakahiga.

Mukhang hindi rin napapansin ng lalaki ang presensiya nila dahil sa musikang tumutugtog at dahil nakapokus ang atensyon nito sa taong nakahiga. Naglakad palapit si Kaleb dala ang baril habang siya ay nanatili sa likod ng pader katulad ng bilin ng binata.

We All LieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon