Chapter 10

13 2 0
                                        

DIEZ

Magbibilang sa mga daliri, hahanapin ang mga nawawalang detalye. Uno, dos, cuatro ... Makikita ang kulang pero hindi papansinin hanggang sa kusa itong maglaho sa lilim ng kasinungalingan.

___________________________________________________________

Walang nailigtas na gamit si Ada. Maging ang mga obra niya ay natupok ng apoy. Hindi niya alam kung paano magsisimula muli. O kung may simula pa ba para sa kanya?

Tumahimik ang loob ng sasakyan. Pareho sila ni Kaleb nahulog sa malalim na pag-iisip hanggang sa makatulog na siya. Nang magising siya ay nasa malambot na kama na siya. Bagama't pamilyar sa kanya ang kuwarto ay hindi pa rin siya mapalagay kaya bumangon siya at bahagyang hinilot ang kumikirot na ulo.

Kumikirot man ang ulo ay lumabas siya ng silid at hinanap ang binata. Inisa-isa niya ang kuwarto hanggang sa makarating siya sa malawak na library. Ngayon lang niyang napasok ang library na iyon. Umikot siya saka pinagmasdan ang mga libro sa hanay. Napatigil siya nang mapansin ang isang librong hindi maayos ang pagkakalagay itinulak niya iyon pero nagulat siya nang biglang gumalaw ang mismong cabinet. Nagkaroon iyon ng daanan na animong pinto. Sinilip niya ang loob at saka dahan-dahang pumasok.

Maliwanag ang loob ng silid. May ilang hanay ng cabinet na puno ng mga libro. Ang lamesang nasa gitna ay puno ng mga papeles at mga litrato. May ilang baril din ang nakalagay sa salaming lalagyanan sa pader. Inikot niya ang mga mata at natigilan sa corkboard na may mga nakadikit na larawan na pinagdudugsong-dugsong ng pulang sinulid na naka-pin sa bawat litrato.

Tinitigan niya ang mala-sapot na mga sinulid saka pinag-aralan iyon. Kilala niya ang mga taong nasa litrato. Mula sa mga litrato sa video ni Adonis na sinasaktan. Kay Camille na nakadikit malapit sa litrato ni Adonis. Si Thomas. Danilo Reyes. Mga Imperial. At litrato niya na katabi ng litrato ni Ema kadugsong ng mga litrato ni Adonis at Camille.

"Adonis Imperial nawawala. Last seen Abril matapos masunog ang cabin. Video..." Nakadikit ang mga litrato ni Adonis na halos hindi na makilala ang mukha sa dami ng pasa at sugat doon. "Camille Samonte. Nawawala. Cousin of Adonis and sister of Thomas. Motive...Love?"

Pinasadahan niya ang bawat larawan at sinundan ang bawat sinulid habang pabulong na binabasa ang mga nakalagay na detalye sa ibaba ng litrato.

"Thomas Samonte. Huling nakasama ni Adonis Imperial sa isang bar. Rafael Mendoza, person of interest. Emalyn Mendoza. Murder. Drugs. Motive...Pera. Danilo Reyes, suspect. Murder. Motive...Pera. Adelaida Imperial. Motive. Legacy. Jealousy. Anak sa labas ni Rizza Imperial. Carlos Montenegro. Motive. Pera..."

Hanggang sa tumigil ang mga mata niya sa litrato ng tattoo ni Danilo. "Danilo Reyes last scene with Emalyn and Thomas Samonte. Person of interest. Ada De Jesus. Motive. Passion. Money. Wrath."

Natigilan siya nang makita ang mga larawan niyang mukhang palihim na kinunan sa iba't ibang lugar. May kung anong emosyon ang umahon sa dibdib niya sa mga nakita. Lalo ang mga litrato na nagkalat sa lamesa na halos mga litrato niya kasama si Ema, Rafael, Thomas at Adonis. Isang litrato rin ang nakaagaw ng atensyon niya.

"Anong..." Natigilan siya nang pumasok si Kaleb na mukhang hindi rin inaasahang makita siya roon.

Mabilis na nakalapit siya kay Kaleb saka walang pakundangang sinampal ito saka itinapon ang mga litrato sa mukha ng binata na mukhang natigilan.

"Pinapasundan n'yo ako? Pinag-aaralan n'yo ang bawat kilos ko!? Sinabi ko na sa inyo wala akong kinalaman sa nangyari kila Adonis at Camille! Iyon ba ang dahilan kung bakit sinasabi nyo sa amin ni Rafael ang impormasyon sa kaso? Para makita kung may gagawin kami? Hinuhuli nyo kaming dalawa!?" Hindi makapaniwalang sigaw niya habang walang habas na pinaghahampas ang binata.

We All LieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon