NAGSAKIT-SAKITAN si Avery nang sandaling bumalik si Jake at ang ina nito. Alam niyang nang gabi ding iyon babalik si Jake para mamanhikan. Si Cheska ay hindi kakikitaan ng pagkabahala sa ginawa nito samantalang nagtataka naman ang mommy nila sapagkat hindi siya napilit na makiharap mga bisita.
"Masyado mo kasing inabuso ang sarili mo sa term paper na iyan, malayo pa naman yata ang deadline," anang mommy niya. Sinalat pa nito ang noo niya.
Kagyat siyang umiwas. "Hindi naman ako nilalagnat, Mommy. Masakit na masakit lang ang ulo ko."
"Sa mata siguro iyan. Bukas, magpa-check up ka. Nakakahiya pa naman sa mama ni Jake."
"Mommy, halika na du'n," inip na sabad ni Cheska. "Alam naman ni Avery na abay siya. Tayo na lang dalawa ang bahala sa ibang detalye."
Tumalikod na ang dalawa.
"Ang Papa mo, Cheska, hindi mo ba pasasabihan?" Narinig niya ang papalayong tinig ng kanyang ina.
"Tatawagan ko pagkatapos ng pamamanhikan," sagot naman nito.
Pinaalpas niya ang pinipigil na luha nang maipinid ng mga ito ang pinto. Gustuhin man niyang magprotesta ay may pakiwari siyang mababalewala lang iyon. Naka-focus ang isip ng mommy niya sa pagpapakasal ng mga ito at malamang ay hindi pa siya paniwalaan.
Isa pa, sa kabila nang pambabaligtad na ginawa ni Cheska ay nakikita naman niyang masaya na ito ngayon na natanto na kung sino sa dalawang lalaki ang gusto.
Higit na sinisisi niya ang sarili sapagkat hindi siya nagpigil ng damdamin. Hinayaan niyang mahulog ang loob niya kay Jake gayong alam din naman niya na nananatili itong kasintahan ng Ate Cheska niya.
Sa kabila ng sama ng loob at takot kay Jake sa pag-aakala nitong niloko niya ito ay nakuha pa niyang hilingin ang kaligayahan ng dalawa. Umaasa siya na ngayong nakapagdesisyon na si Cheska ay magiging maayos na ang relasyon ng mga ito.
ILANG araw na mula nang makapamanhikan si Jake. Hindi man siya magtanong tungkol sa detalye ng nalalapit na kasal ng mga ito ay boluntaryo namang nagkukuwento ang mommy niya kapag oras ng almusal.
Sa hapon, pagkatapos ng klase ay sinasadya niyang maantala sa pag-uwi. Idinadahilan niya ang pagiging busy sa eskuwela sapagkat graduating na siya.
Hindi na sila halos nagkakausap ni Cheska. Kung hindi ito busy sa trabaho ay sa pag-aasikaso naman ng kasal ng mga ito. At alam niya, ang hindi nila pag-uusap ng kapatid ay tanda rin na mayroon silang gap tungkol kay Jake.
Halos gabi-gabi ay tahimik siyang umiiyak. Iyon lang ang alam niyang magagawa at wala nang iba pa. Kasabay ng piping hiling na patawarin nawa siya ni Jake sa maling akala nito ay inutuusan niya ang sariling makalimutan na ang anumang damdamin iniukol niya dito.
NAGMI-MIDNIGHT snack si Avery nang mamalayan niya ang paghinto ng isang sasakyan sa tapat nila. Ibinaba niya ang hawak na kutsara at sumilip sa bintana. Inaasahan na niyang ang Ate Cheska niya iyon sapagkat hindi pa ito dumarating.
Ang ikinabigla niya ay ang di-pamilyar na kotseng binabaan ni Cheska. Alam niyang hindi kay Jake iyon sapagkat lahat ng sasakyang ginagamit ng binata ay kilala niya. Pilit niyang inaninag kung sino ang lalaking nagbukas ng car door para kay Cheska suubalit nalalambungan ng dilim ang mukha nito.
Aalis na sana siya sa pagkakasilip nang makitang sa halip na ihatid sa may gate si Cheska ay nagyakap pa ito. Ang lalo niyang ikinabigla ay ang pagdidikit ng mga mukha nito. Alam niyang naghalikan muna. Bagay na nagpagalit sa kanya.
Hindi niya masukat ang galit na bumangon sa dibdib niya. Anong klaseng babae ba si Cheska? Magpapakasal na ito kay Jake pero bakit may iba pang lalaking naghahatid dito at ang malala ay ang makipaghalikan pa?
Hindi ba at pinili na nito si Jake?
Gamit ang sariling susi ay nakapasok ng bahay ang Ate Cheska niya. Napagibik pa ito sa gulat nang pagbukas ng ilaw ay makitang nasa may komedor siya at nasa anyong naghihintay dito.
"Bakit gising ka pa?" tanong nito na hindi makatingin ng direkta sa kanya. Nasa tono ang guilt.
"Nilalamay ko ang assignment ko," matabang na tugon niya. "Nag-overtime ka?"
"M-maraming trabaho sa opisina," wika nito na humakbang para lagpasan na siya.
Sumunod siya bitbit ang baso ng gatas na itinimpla niya. "Hindi ba dapat naka-leave ka na para sa kasal ninyo?"
"Hindi ko maiwanan ang trabaho. Siyempre, aayusin ko muna ang lahat ng iyon bago ko iwan." Naghikab ito at alam niyang paraan nito iyon para umiwas nang makipag-usap sa kanya. "Si Mommy nga pala?"
"Tulog na. Hatinggabi na, eh. Saka napagod siya kanina. Inasikaso nila ng mama ni Jake ang mga imbitasyon ng kasal ninyo saka iyong hotel reservation."
Napatigil ito. "Nagpunta dito si Jake?"
"Hindi. Bakit pupunta dito, eh, wala ka naman," may pasaring na tugon niya.
"Gusto ko nang matulog," pagtatapos nito. "Ikaw na ang magpatay ng mga ilaw. Nai-lock ko na ang pinto. I'm tired."
"Tingin ko nga," sarkastikong sabi niya. Nagkatinginan sila ni Cheska at alam niyang alam nito na nakita niya ito at kung sinuman ang lalaking iyon.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect Chance
RomanceMatigas na matigas ang leeg ni Avery para lingunin si Jake, ang lalaking sinasabi ni Maia na makaka-partner niya sa trabaho. May feature assignment siya sa Boracay at ang lalaki ang underwater photographer na kinontrata ni Maia. Late ang lalaki sa...