Nang makauwi ay agad din akong nagbayad kay Aling Miriam. Nasa akin naman na rin ang pera na galing kay Jeycee. Kay Jeycee ako mas maraming utang dahil siya ang natatakbuhan ko kapag gipit na gipit na ako.
“Aling Miriam, magkano po ang utang namin?” tanong ko agad sa kaniya.
Siya ang nakabantay sa tindahan kaya naman agad niya ring kinuha ang notebook na listahan niya. Naghihintay naman ako sa sasabihin niyang presyo.
“Apat na libo at anim na raan,” sagot niya.
Dito pa lang sa tindahan ay ubos na pala agad ang unang bayad ni Cielo sa akin. Pero okay na rin iyon para naman anytime pwede na ulit kaming kumuha rito ng mga kailangan namin.
“Ito po.” Inabot ko sa kaniya ang bayad. Kumpleto at walang kulang.
“Mukhang may trabaho ka na, a? Ang bilis mo namang kumita ng pera. Anong trabaho mo? Sa bar ba?” natatawang tanong niya sa akin.
Hindi ako umimik. “Uutang ho sana ulit kami ng mga kailangan namin dito...” sabi ko na lang.
“Sige lang. Basta ba magbabayad ka agad at hindi mo patatagalin ng ilang buwan. Mukha namang may nahanap ka ng trabaho kaya mabilis mo rin akong mababayaran,” malakas niya pang sabi.
“Anong trabaho mo, Alexis? Huwag mong sabihing hostes ka na?” natatawang tanong sa akin ng mga matatandang tsismosa na tambay rito sa harapan ng tindahan niya.
“Kay ganda mo nga namang bata, marami kang magiging pera,” makahulugang sabi pa ng isa.
Tipid akong ngumiti sa kanila. “Hindi po ako hostes. Kahit gumapang na ako sa hirap, hinding-hindi ko po papasukin ang ganoʼng trabaho. Pinalaki ako ng magulang ko ng maayos, hindi ko po sasayangin iyon,” magalang na sagot ko sa kanila.
Nagbulungan pa sila pero hindi ko na pinansin. Wala akong mapapala sa mga tsismosang tulad nila. Mauubos lang ang oras ko sa kanila.
“Ma, konting tiis pa at makakapagpa-confine na tayo sa Ospital. Gagaling ka na, ha...” mahinang sabi ko nang makapunta ako kay Mama.
Natutulog siya ngayon. Kapapalit ko lang din sa kaniya ng damit niya dahil ang init-init ngayon. Piangpapawisan siya kaya naman sando na lang ang sinuot ko sa kaniya.
Si Jassie naman ang sunod kong pinuntahan. Kausap niya si Julius at mukhang nagkukwentuhan sila, natigil lang nang lumapit ako. Tipid akong ngumiti sa kanila.
“May pagkain na sa lamesa, Julius. Kumain ka kung gusto mo, bigyan mo rin ang ate Jassie mo kung nagugutom,” utos ko kay Julius.
Mabilis naman siyang tumayo para pumunta sa kusina. Tanghalian na pero hindi pa rin ako kumakain. May pupuntahan pa ako at magbabayad ng utang sa iba pang pinagkakautangan ni Papa. Sa mga maliliit na utang muna ang inuuna ko para kay Mr. Ling na lang ang huli at poproblemahin ko. Ang kay Jeycee ay pwede kong hulug-hulugan sa kaniya.
“Pasensya ka na, Ate. Imbes na makatulong ay nagiging pabigat pa ako sa ʼyo,” sabi ni Jassie.
Hinagod ko ang buhok niya at tipid na ngumiti sa kaniya. Sheʼs 17 years old, hindi ko matukoy kung anong sakit niya pero ilang linggo na siyang nilalagnat at nanghihina. Hindi ko sila magawang dalhin sa Ospital dahil wala kaming pambayad.
“Kain tayo, Ate!” malakas na sabi ni Julius na may bitbit na dalawang plato para sa kaniya at kay Jassie. “Ito sa ʼyo, Ate. Hati kami ni Ate Jassie rito. Susubuan ko na lang siya,” dagdag niya pa.
Gusto kong maiyak pero pinilit kong pigilan ang luhang gustong kumawala sa mga mata ko. Hindi ko na kayang makitang nahihirapan ang mga kapatid ko. Imbes na mag-aral na lang sila at magkaroon ng magandang childhood... hindi nila magawa dahil ganitong buhay ang iniwan sa amin ni Papa.
BINABASA MO ANG
Seducing Mr. Hirano (COMPLETED)
Romance©All Rights Reserved COMPLETED✔️ Started: June 7, 2022 Ended: June 29, 2022 Falling inlove with someone is the last thing I wanted to do. But why am I inlove with Mr. Hirano? The guy that I need to seduce for money.