Mychael's P. O. V.
5 Taon ang nakalipas.
Ang bilis ng panahon, akalain niyong limang taon na agad ang nakalipas mula noong mapunta ako rito. Sa limang taon na iyon marami na kaming napagsamahan ni Win. Marami na rin kaming bagong kaibigan. Nakapasok na rin siya sa trabaho kung saan ako naroroon. Isang taon din kasi siyang nagtiis sa trabaho niya dati na napakaliit lang talaga ng suweldo.
Sa mga panahong iyon may mga ilang pagsubok na rin kaming hinarap ni Win. Gaya na lamang noong dalawang taon pa lang kami ni Win dito. Nagkaproblema kami pareho, ako, nagkasakit ang mama ko kaya kailangan ng malaking pera para sa pagpagamot niya. Si Win naman ay namatayan ng tatay kaya kinailangan din ng pera para sa burol at pagpapalibing. Dahil doon ilang buwan kaming hindi nakabayad ng renta, hati kami sa lahat ng bayarin sa bahay. Kinakaya naman namin kaso ayon nga nagkaproblema. Buti na lang at pumayag si Ate Rita-- ang may-ari ng apartment na 'wag nang bayaran ang 2 buwan na utang sa renta at tulong niya na sa aming dalawa ni Win. Malaking tulong iyon sa isipin namin.
Noong nakaraang taon, tinanggal kami pareho sa trabaho dahil sa amin naibintang iyong pagkawala ng benta. Buti na lang at may tumestigo at napagbayad ang totoong may sala. Pinabalik din kami sa trabaho dahil kinulang na sila sa tauhan dahil sa pagkakatanggal sa amin. Sa ngayon maayos kami pareho ni Win sa tulong narin syempre ng mga bago naming kaibigan na taga rito at ang ilan ay kasama namin sa trabaho.
"Hello p're?" Pagsagot ko sa cellphone ko.
Tumawag sa akin ang isa naming kaibigan para uminom daw sa labas. Ganito kami tuwing day off namin. Lalabas tapos iinom pero sa totoo lang nangchi-chicks lang naman talaga sila. Naghahanap ng masho-shota. Pero hindi ako kasama sa ganoon. Nando'n lang talaga ako para uminom.
"Gago linggo ngayon alam mo na. Alak." Sagot ni Rico sa kabilang linya. Ang pasimuno ng lahat ng inuman, kasamahan namin sa trabaho ni Win.
"Sige p're intayin ko lang si Win dumating, para sabihan ko rin"
"Sige p're"
Pinatay ko na ang tawag. Wala si Win ngayon pinuntahan daw ang girlfriend dahil 3rd anniversary raw nila. Mag-isa lang ako ngayon dito sa bahay at hilig ko maglinis ng bahay kapag mag-isa lang ako. Nalinis ko na ang kwarto ko, sala, pati cr. Ngayon kusina na ang nililinis ko. Inaayos ko ang mga gamit ng bigla akong nakarinig ng pagsarado ng pinto. Pinto ng kwarto ni Win. Hindi ko lagi namamalayang dumarating siya. Pero ang aga yata niya umuwi ngayon?
Lumakad ako papunta sa tapat ng kwarto niya. Pagkarating ko ay kumatok ako ng tatlong beses bago ko binuksan ang pinto. Pagbukas noo'y nakita ko siyang nakahiga sa kama na balot na balot ng kumot. Nilapitan ko siya.
"P're may inom daw mamaya, sama ka ba?" Tanong ko sa kanya, nasa may dulo ako ng kama niya.
Hindi siya sumagot. Nagpapawis ang mukha niya at iyon lang ang tanging nakikita sa kanya. Balot na balot siya ng kumot na parang nanginginig pa.
Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang noo niya dahil wari ko'y may sakit ang loko.
"Gago p're ang taas ng lagnat mo!" napatayo ako na parang praning.
Tumakbo ako sa kusina at pagdating ko doon ay hindi ko alam kung anong gagawin ko. Bumalik ulit ako sa kanya.
"Kumain kana ba?" tanong ko ulit, umiling lang siya sa akin.
Kumalma ako at lumabas ulit. Bumili na lang ako ng lugaw sa labas dahil hindi ako marunong magluto no'n. Bumili rin ako ng gamot para ipa-inom sa kanya.
Bumalik ako sa bahay. Inihanda ko muna ang binili ko at inilagay sa mangkok ang lugaw. Naglagay na rin ako ng tubig sa isang baso para sa gamot. Pumunta ako sa kwarto niya. Gano'n pa rin ang pwesto niya balot ng kumot at nagpa-pawis. Pero hindi na siya naginginig.
Inilapag ko sa table sa tabi ng higaan niya ang lugaw, tubig at gamot. Binalingan ko siya ng tingin. Kita mo ang panghigina sa kanya. Bakit kaya bigla 'tong nagkaganito? E, ang lakas niya naman kahapon, pati kaninang pag-alis niya.
"Kumain ka na, inomin mo rin 'tong gamot pagkatapos mo kumain" sabi ko sa kanya.
Tumayo ako at akmang aalis ng hawakan niya ang kamay ko. Napatingin ako sa kanya. Hindi siya nakatingin sa akin pero hawak niya pa rin ang kamay ko. Nanghihina siyang tumingin sa akin.
"H-hindi ko kaya" nanghihina niyang sabi.
Napasampal ako sa noo ko. Bigla pa 'kong nagka-responsibilidad na alagaan siya. Ginagawa akong babae amputs. Wala naman akong magagawa. Lumapit ako at inalalayan siyang umupo. Nang makaayos na ay kinuha ko ang lugaw at itinapat sa kanya. Pareho kaming nag-aantay na may gumalaw ng kutsara.
Pota 'wag niyang sabihing susubuan ko pa siya? Pota talaga.
Hawak niya ng dalawang kamay ang kumot kaya binigyan niya 'ko ng makahulugang tingin. Bigla ko na lang nakita ang sarili kong sinubuan na siya. Sobrang awkward nito dahil pareho kaming lalaki. Pero hindi ko alam kung bakit parang gusto ko rin naman ang ginagawa kong pag-aalaga sa kanya. Nang maubos niya iyon ay tinulungan ko na rin siyang uminom ng gamot. Pagkatapos ay kinuha ko na ang mga ginamit niya para hugasan.
Sa lahat ng gawain dito sa bahay salitan kaming dalawa. Sa paghuhugas, paglalaba, pati pagbili ng lulutuin. Sa paglilinis naman ng bahay ay inako ko na iyon dahil magulo siya sa bahay. Parang hindi naman nalilinis kapag siya ang kumikilos. Sinanay kasi ako ng nanay ko na maging malinis sa bahay e.
Pagkatapos kong hugasan ang ginamit ni Win ay tinawagan ko si Rico.
"Oh p're sa'n ka na? Nandito na kami, sa dati pa rin" sagot niya agad sa tawag ko.
"P're 'di ako makakapunta. Nandito na si Win p're kaso ang taas ng lagnat"
"Oh tapos? Kaya niya na 'yan" sabi ulit ni Rico
Sinabi ko sa kanyang walang makakasama si Win. Sabi ba naman sa akin para raw akong shotang hindi maiwan ang shota niya dahil may sakit. Ginago ko lang siya at natawa.
Sa totoo lang pwede naman akong pumunta at iwan si Win dito. P'wede ko rin namang itext ang shota niya para alagaan si Win dito dahil minsan niya na iyong ginawa noong dati ring nagkasakit si Win. Sakitin pala 'tong housemate ko.
Kaso parang may kung anong pumipigil sa akin na umalis at sinasabing dumito lang ako at alagaan si Win. Noon ko pa napapansing nagkakaganito ako. Noong ikalawang taon namin dito sa bahay. Taon rin noong namatay ang tatay niya. Sobrang lungkot niya ng time na 'yon, lugmok na lugmok siya. Ilang araw siyang hindi pumasok sa trabaho noon. Gusto niyang umuwi pero hindi niya magawa dahil parang ako, kailangan mag-trabaho para may magastos doon sa probinsya. May nag-aaral pa siyang kapatid sa kolehiyo.
May kung ako sa akin noon na gustong-gusto siyang tulungan pero hindi ko noon magawa dahil may kailangan din ang pamilya ko. Pero simula noon may ganito na akong pakiramdam na hindi ko maalis ang koneksyon ko kay Win.
"L-lalim ng iniisip mo Kel" bigla na lang siyang nagsalita sa tabi ko.
Napatingin ako sa kanya at umiinom siya ng tubig. Mukha pa rin siyang mahina pero hindi na gaya kanina.
"Kanina ka pa riyan?" takang tanong ko sa kanya.
"Hindi, kakarating ko lang galing akong cr" sagot niya sa akin sabay lapag ng baso
"Kumusta pakiramdam mo?"
Sabi niya okay-okay na raw siya at kaya nang kumilos. Sabi ko magpahinga na lang muna siya at ako na bahala sa kakainin namin mamaya. Kahit siya nakatoka sa lutuin. Bigay ko na 'to sa kanya. Nagpasalamat pa siya bago bumalik ng kuwarto niya.
Hindi ko namamalayang nakangiti akong nakatanaw sa kanya hanggang sa makapasok na siya sa kwarto niya.
BINABASA MO ANG
Pare Mahal Mo Raw Ako?
RomanceAlam nating ang pag-ibig ay hindi isang tanong. Bigla na lang itong dumarating sa atin. Walang explanation, walang kahit anong rason. Pero anong gagawin natin kapag nandiyan na? Tutuloy ba tayo o Isusuko na lamang ito kahit na alam mong sobra kang m...