C H A P T E R • T W O

51 5 0
                                    

Mychael's P. O. V.

Ilang araw na ang lumipas mula noong magkasakit si Win. Parang walang nangyari sa kanya, balik trabaho at pabalik-balik na ulit sa gym. Ginagawa niya iyon pagkalabas namin sa trabaho, dumederetsyo na siya sa gym at ako ay sa bahay. Kung iisipin mo parang wala akong social life dahil bahay at trabaho lang ang ginagawa ko. Lalabas lang tuwing may inom o kaya nama'y outing ng barkada. Pero sa pang-araw-araw, bahay-trabaho lang ako.

"P're saan ang lakad natin?" tanong ko kay Win.

Bihis na bihis kasi siya ngayon at parang may lakad. Naglalaba ako ngayon, napansin ko lang siya na lumabas kaya napatanong ako.

"Samahan ko si Liz p're may bibilhin daw. Tapos date na rin kami pagkatapos" sagot niya

Tumango ako at napangiti na lang sa kanya. Sinabi ko na lang na ingat silang dalawa. Sa totoo lang noong tinanong ko siya noong nakaraan kung bakit ang aga niyang umuwi ay wala siyang naisagot at natahimik lang. Bukod kasi sa nagkalagnat siya e, parang may iba pang bumabagabag sa kanya. Kagaya noong isang araw, kausap niya si Liz pero grabe 'yung pagmamakaawa niya. Hindi ko marinig ng buo yung mga sinasabi niya kay Liz pero sigurado akong tungkol iyon sa relasyon nila.

Kagabi, parang balisa na naman siya. Paulit-ulit siya ng tanong ng oras na parang may inaantay. Tapos nung hindi na nakatiis mabilis na umalis ng bahay at pumunta kung saan. Hindi ko alam dahil hindi niya naman sinabi kung saan siya pupunta. Pero pagbalik niya mga alas-onse, lasing na siya. Tinulungan ko pa siya makapasok sa kwarto niya dahil lasing na lasing siya. Kaya kahit kalalaki kong tao nagiging chismoso ako dahil sa nangyayari sa kanya nitong mga nakaraan.

Nagkukusot ako ng damit nang bigla kong marinig ang tunog ng cellphone ko sa loob ng bahay. Naka-connect kasi iyon sa speaker dahil nagpapatugtog ako. Tumayo ako at naghugas ng kamay bago pumasok sa loob ng bahay para sagutin ang tawag. Dinisconnect ko muna bago ko sinagot.

"Hello?" pagsagot ko dahil unregistered number ang tumatawag sa akin.

"Hello Mychael?" Pinipilit kong kilalanin ang boses niya dahil pamilyar iyon sa akin pero walang pumasok sa isip ko.

"Sino ito?"

"P're si Rico"

Hindi ko pala talaga nakilala ang boses niya dahil para siyang may sipon. Yung para bang barado ang ilong tapos nagsasalita ka. Narinig ko pa siyang humikbi kaya bigla akong napatanong sa kanya.

"Bakit p're? Anong nangyari? Umiiyak ka ba?" Sunod-sunod kong tanong sa kanya.

"Gago hindi, may sakit ako ngayon. Makikisuyo sana ko sa'yo na pumunta ka muna dito sa apartment ko. Umalis kasi si Vincent, gagong 'yun iniwan ako. Hindi pa 'ko kumakain e, dala ka na rin pala pagkain. Hindi kasi ako makababa, nanglalata ako p're" pagpapaliwanag niya sa akin.

Pota, ilang kaibigan ko ba ang sakitin? At ako pa ang naiisip nilang tawagan. Hindi naman nurse ang natapos ko. Ni wala rin akong alam sa pagiging caretaker. Actually mero'n pala, natutunan ko kay nanay dahil iyon ang trabaho niya dati, abroad.

"Sige p're, makakapaghintay ka pa ba? Tatapusin ko lang saglit 'tong labahin ko. 'Wag ka muna mamamatay p're" narinig ko pa siya natawa at minura ako bago ko patayin ang tawag.

Mabilis akong bumalik sa labahin ko at madaling tinapos iyon. Kakaunti lang ang nilabhan ko dahil nakapag-palaundry kami noong nakaraan ni Win dahil pareho kaming lasing, galing sa gimik. Hangover ang umatake sa amin.

Pagkatapos ko ay naligo na ako. Nang handa na akong umalis ay nakasalubong ko pa si Win sa may pintuan. Kaya huminto muna ako.

"Kumusta date pare?" Nakangiting tanong ko sa kanya.

Pare Mahal Mo Raw Ako? Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon