Arianna's P.O.V.
Ang layo na ng nalakad ko. Mahigit sa pito rin ang napagtanungan ko. Pero katulad ng sinabi ni Cedrick, kailangan magbibigay ka ng advance at deposito, bukod sa, ang iba pa sa kanila, ang hinihingi pang buwanang upa, ay higit pa sa kung magkano ang mayroon ako sa bulsa.
Unti-unti nang dumidilim ang paligid, pero wala pa rin akong masisilungan. Ang hirap pala ng wala ka na ngang pera, wala ka pang matutuluyan.
Kung matutulog naman ako kung saan-saan, baka magising na lamang akong wala na ring kagamitan. Laking Maynila ako, kaya't alam ko ang likaw ng bituka ng mga tao rito. Malingat ka lamang ng kaunti rito, nanakawin pati ang dignidad at kaluluwa mo.
Nakalampas na ako sa mga bahayan, at ngayon nga'y, puro mga kainan at tindahan na ang aking nadadaan. Alas-otso na ng gabi, pero heto't pagala-gala pa rin ako sa kalsada. Ano bang gagawin ko? Ubos na ang lakas ko, bukod sa nanakit na rin ang mga paa ko. Kakain ko lang kanina, gutom na naman ako. Kaiinom ko lang kanina, pero ang pakiramdam ko, tinakasan na rin ako ng lahat ng likido sa katawan ko.
Ang lagkit at ang dumi na ng pakiramdam ko. Sa layo ng nilakad ko, pakiramdam ko, balot na ng dumi at alikabok ang buong pagkatao ko.
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2015, All rights reserved.
Saan kaya ako pwedeng maligo, o maghilamos man lang? Gusto ko na sanang makapagpalit ng damit, kahit pang-itaas man lamang.
Sa Mall? Pwede nga siguro ro'n. Pero nasaan naman kaya ang Mall dito? Gusto ko sanang pumara ng taxi—dahil hindi pa ako nakaranas makasakay sa pampasaherong Jeep, pero iniisip ko pa lamang kung gaano kabilis umandar ang metro, ay nagdadalawang-isip na ako. Kakaunti lang ang pera ko, kaya't alam kong hindi ko pwedeng basta-basta na lamang gastusin ito. Kailangang tipirin ko ito—sa abot ng makakaya ko, kahit man lamang hanggang sa makahanap ako ng buwelong makatayo, mula sa mga kamalasang sunod-sunod na inabot ko.
Hay, Buhay, kay dami kong gustong itanong sa 'yo. Bakit ba puro kamalasan ang inaabot ko? Bakit hindi ako mahal ng mga magulang ko? Bakit kinamumuhian ako ng kakambal ko? Bakit hindi ako mahal ng mahal ko? Bakit namatay ang anak ko? Bakit tinraydor ako ng kaibigan ko? Bakit ako itinaboy ng asawa ko? Bakit mas mahal niya ang kapatid ko?
Bakit, Buhay? Bakit ako nag-iisa? Bakit tila walang may gustong ako'y makasama, habang lahat silang iniwan ako, itinakwil at pinabayaan, ay tila magkakasalo pang nagsasaya? Ano ba ang dapat kong gawin para tanggapin ako? Ano ba ang dapat kong...
Ilang malalakas na busina ng sasakyan ang pumutol sa aking pagmumuni-muni. Lumingon ako sa kaliwa. Hindi makapagsalita sa hindi ko mabilang na sasakyang iniilawan ang aking mukha. Nasa gitna pala ako ng kalsada. Wala sa sariling nakaharang sa daraanan nila.
"Hoy!" Hiyaw ng hindi ko maaninag na mga babae at lalake.
"Kung magpapakamatay ka, do'n ka sa kabilang kalye. Lintek na..." Sigaw iyon ng isang boses lalaki.
Hindi ko na maintindihan ang sinasabi ng iba, sabay-sabay na kasi ang kanilang pagsigaw, pagmumura at pagsasalita.
"Hija, ayos ka lang ba?" Tinig iyon ng isang babae sa aking kanan.
Hindi ko masyadong maaninag ang kanyang mukha, kaya't hindi ko rin mailarawan ang kanyang hitsura. Mukhang siya ang nagmamaneho ng magarang sasakyan na naroon mismo sa aking kaliwang tagiliran. Iyon kasi ang walang driver at nakabukas ang pintuan.
BINABASA MO ANG
Darating kaya ang bukas? [PUBLISHED]
General FictionStandalone [Completed] Language: Filipino How much pain can you endure, when the one you truly love, can't love you back in return? Published: May 2016 PUBLISHED by PSICOM A must read novella under Reedz #1 https://psicomshop.com/products/reedz-vo...