[7] Itim na Dumi

311 13 0
                                    

Itim na Dumi

Ian Joseph V. Barcelon




            Alas-kuwatro na nang makarating si Ericka sa kanilang bahay. Dama niya ang pananakit ng paa at kanyang likuran sa napakahabang biyahe mula Manila hanggang dito sa bahay nila sa Cavite. Uwian kasi siya tuwing weekends dahil sa kanyang pag-aaral sa unibersidad na pinapasukan niya.


            "Nandito na po ako," wika niya nang buksan ang pinto nila.


Iniayos niya ang suot na sapatos sa shoe cabinet. Binitawan niya ang dala niyang paper bags nang makapasok siya sa loob. Si King ang nadatnan niya—ang sumunod sa kanya at bilang silang dalawa lamang ang anak, siya ang panganay. Subalit, limang taon lamang ang lamang niya rito kung kaya't itinuturing silang Irish Twins ng pamilya. May kasama si King na bata, nakakapit ito nang mahigpit na animo'y ayaw nitong kumawala sa kanyang kapatid. Bago ang mukha ng bata at sa kanyang tantiya'y nasa anim hanggang pitong gulang ito.


"Ate, nandito ka na pala," ani King at kinuha nito ang remote na nasa mesa saka pinatay ang TV.


Tumango siya at ngumiti sa kanilang dalawa. "Sino s'ya?" Tinutukoy niya ang bata.


Halatang iritado si King na sumagot. "May nangyari kasi sa pamilya niya nitong Martes, kaya kailangan ko siyang bantayan. Pinapabantayan siya nila papa sa 'kin dahil nasa trabaho sila ngayon." Tumingin ito sa bata, papunta sa kanya. "Mabuti at nakauwi ka na." Sinubukang alisin ng kanyang kapatid ang pagkakahawak ng bata, at sinabing, "Kanina pa nga nakakapit ito, e. Ang hirap tuloy kumain at uminom ng tubig."


Umiling-iling siya rito upang ipakita na hindi niya ito sinasang-ayunan. "King, ayusin mo ang pagtrato sa bata. Bata 'yan, okay?" Pumasok na siya sa loob at dumiretso sa kuwarto niya. Iniayos niya ang mga gamit sa loob. Matapos magbihis, lumabas na uli siya. Nakatayo na si King nang madatnan niya ito. Nakatayo na rin ang bata na napakahigpit pa rin ng kapit.


"Ate, iiwan ko na muna siya sa 'yo. May basketball pa kami, e! Sige, ha!" Tagumpay nitong naalis ang pagkakahawak ng bata sa bisig nito. Tumakbo itong palabas ng bahay. Gusto pa sanang sumigaw ni Ericka ngunit kilala na niya ang kapatid—pilyo at napakatigas ng ulo n'on.


Nagulat siya nang kumapit ang bata sa kanya. Gaya nang kanyang inaasahan, mahigpit iyon na parang takot na takot ang batang maiwanan. Sa bisig niya rin ito kumapit. "Ano'ng pangalan mo?" tanong niya pero wala siyang nakuhang sagot dito. Tahimik lang ito na animo'y takot na takot. "Ako si Ate Ericka. Ano ba'ng nangyari sa inyo?" Ngunit wala pa rin itong naging sagot.


Upang palipasin ang oras, nanuod muna sila ng TV dalawa. Pansin niya ang pagkabalisa ng batang babae. Hindi niya pa rin alam ang pangalan nito o ang kuwento ng nangyari rito. Wala pa rin kasi itong sinasabi at wala rin itong imik. Maririnig lamang ang minsang malalim na paghinga nito.

Mga alas-singko, naisipan ni Ericka na puntahan ang kanyang mga magulang sa bakery nila na hindi naman kalayuan. Pinatay niya ang TV at tumayo.


"Bata, sandali lang, ha? Mag-C-CR lang ako," paalam niya rito. Hinintay niyang alisin ang kamay nito sa kanya ngunit mas humigpit pa iyon. "Mag-C-CR lang si ate. Babalik din ako kaagad." Pilit niyang inalis ang kamay nito pero hindi kagaya ng pag-alis ni King na biglaan. Inalis niya iyon sa paraang hindi masasaktan ang bata.

WHISPERS OF HORROR [Volume I]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon