MADALING ARAW
Ian Joseph V. Barcelon
"Sige, ate. Ako na ang bahala."
Pinutol na ni Gian ang tawag, pinasadahan ng tingin ang paligid at huminga nang malalim. Marami-rami pang gawain, sa isip-isip niya.
Kararating niya lamang mula Maynila papunta sa isang simbahan sa Cavite na napili ng kanyang nakatatandang babaeng kapatid sa kasal nito dalawang araw mula sa araw na iyon. Siya ang hiningan ng pabor ng kanyang kapatid na mag-ayos ng bawat dekorasyon sa kasal nito. "Alam ko namang kaya mo iyan. Ikaw pa," sabi pa nito. Idagdag pa ang ibabayad sa ibang gagawa.
Isang mag-aaral ng kursong interior designing si Gian. Kasalukuyang nasa huling taon na siya sa kolehiyo. Nais niya sanang tumanggi sa gusto ng kapatid dahil hindi naman mga simbahan ang forte niya, pero dahil hiling ito ng pinakamamahal niyang ate at ang natitira niyang miyembro sa pamilya, wala na siyang nagawa kung hindi ang pumayag. Maaga kasi silang naulila sa ina, at sino pa ba ang dapat na magtulungan bukod sa knila? Isa pa, maaari niya rin itong ituring na pagsubok—ang pagdi-disenyo ng isang simbahan para sa kasal.
Ang bilin pa ng Ate Crystal niya, gawing simple lamang ang paggamit ng mga dekorasyong inihanda nito.
Bandang alas-kuwatro, nagpahinga muna si Gian kasama ang ilang church volunteers. Nagpa-deliver siya ng pagkain mula sa isang restaurant. Habang naghihintay, ginugol ng binata ang oras para suriin ang simbahan at gawing pamilyar ang sarili niya rito.
Hindi gaanong malaki ang simbahan, hindi rin gaanong maliit. Katamtaman lamang ang laki nito para sa isang maliit ding komunidad. Gawa sa matibay ar antigong bato ang simbahan sa kanyang pasya. Luma na ito sa kanyang tantiya, mga mahigit dalawampung taon na siguro. Malamig ang simbahan na hindi naman nakapagtataka dahil sa ilang naglalakihang mga puno na nakapaligid sa likurang bahagi nito.
Alas-singko nang sila'y bumalik sa paggawa at paglalagay ng dekorasyon. Si Gian ay tumulong sa paglalagay ng puting mga bulaklak sa bawat gilid ng kahoy na mga upuan. Lahat sila ay abala sa paglalagay ng mga dekorasyon. Kapag nakatapos na ang isa, tatawagin nito si Gian upang hingin ang opinyon nito.
Lumalim na ang gabi ngunit hindi pa rin sila natutulog. Nang pumatak na ang alas-dyes, sinabi ni Gian na ipagpapatuloy na lamang nila kinabukasan ang pag-aayos. Nagpasalamat siya sa ilang mga church volunteers na walang pagod na tumulong sa kanya. Ang ilan, katulad niya, nagpasya na lamang na magpalipas ng gabi sa simbahan.
Tulog na ang lahat at si Gian, dilat na dilat pa rin ang mga mata. Marahil ay hindi siya sanay na matulog sa ibang lugar kung kaya't hirap siyang makatulog. Kaya naman, tumayo muna siya sa pagkakahiga sa isang upuan at naglakad-lakad sa loob ng simbahan.
Maya-maya, may narinig siyang hagikhik ng mga bata na animo'y ume-echo sa buong simbahan. Hindi malakas, hindi rin mahina, ngunit sapat para marinig niya ng klaro. Para bang naglalaro ang mga batang kanyang naririnig. Bilang hindi naman maniniwala ng mga multo o ng kahit anong katatakutan, inisip ng binata na baka dala lamang ng antok ang kanyang narinig.
Subalit hindi na naman nagtagal, nakarinig siya ng tunog ng kadenang hinihila mula sa ikalawang palapag ng simbahan. Nanindig ang mga balahibo ni Gian.
Saan naman kaya galing ang tunog na iyon sa ganoong oras ng gabi?
Tiningnan niya kung may kulang ba sa ilang kasamahan niya pero kumpleto ang lahat at mahimbing na natutulog. Tinanggal niya sa isipan ang takot at muling bumalik sa puwesto. Pilit niyang pinatulog ang sarili at kalaunan ay dinalaw na rin siya ng antok.
Bandang alas-dos ng madaling araw, muling nagising si Gian sa ingay ng kampana. Nag-unat siya at pumungas-pungas. Mahimbing na natutulog ang mga kasamahan niya at nag-iisa siyang gising. Binalingan niya ang kanyang relo: 2:02 AM.
Iginala niya ang mga mata at nakita ang ilang tao na nakaupo sa upuan sa bandang harapan. Sinipat din niya ang mga upuan sa likod at doon, nakaupo ang hilera ng mga babaeng nakataklob ng itim na belo. Lahat ng kanyang nakikita, nakaharap sa altar na akala mo'y nakikinig ng mataimtim sa isang misa.
Hindi nagtagal, may naglakad na matandang lalaki at umupo sa isang bakateng upuan. Tahimik lamang iyong umupo sa puwesto, at kagaya ng ilan, para itong tahimik na nanalangin habang nakikinig.
Gumapang ang kilabot sa katawan ng binata. Nabalot siya ng labis na takot.
Sa ganitong oras, bakit may mga tao bukod sa kanila? Isinara nila ng maayos ang mga pintuan bago sila matulog kung kaya't paanong nakapasok ang mga ito sa loob?
Noon din ay hindi makapaniwala si Gian sa nakikita. Unti-unting nadagdagan ang mga tao sa loob ng simbahan. At para bang sa pakiramdam niya'y lumalaki ang kanyang ulo sa nakikita at sumisikip ng sobra ang paligid. May nararamdaman din siyang hindi niya maipaliwanag.
Bakit din siya natatakot kung tao ang mga ito?
Bumalik siya sa paghiga, hinintay na matapos ang kung anong nagaganap. Inisip niya na lamang na baka mayroon talagang nagaganap na misa. Ngunit, kung mayroon, nasaan ang pari? Bakit katahimikan lamang ang bumabalot sa loob ng simbahan?
Isang oras siyang naghintay bago muling umupo at tingnan ang paligid—nawala na parang bula ang kanyang mga nakita. Imposible, sa isip-isip niya. Ni hindi niya narinig na tumayo o gumawa ng kahit na anong ingay o kaluskos ang mga nilalang na nakita niya kanina upang maging senyales ng pag-alis ng mga ito. Wala rin siyang ingay na narinig sa pagbukas at pagsara ng pinto ng simbahan.
Kung hindi naman sa harap na pintuan dumaan ang kanyang mga nakita kanina, iisa na lamang ang posibleng daanan ng mga ito, ang pintuan sa kanang likuran ng simbahan. Ngunit kung doon dumaan ang mga ito, sanay nakita niya. Pero wala.
Hindi na nagawa pang makatulog ni Gian sa natitirang oras bago sumapit ang pagsikat ng araw.
***
Inabangan ni Gian si Father Antonio, ang pari ng naturang simbahan. Ikinuwento niya rito ang nakita niya noong madaling araw, at ang sagot nito'y:
"Hindi na ordinaryo ang iyong nakita, iho. Madalas ko rin silang nakikita. Espiritu, mga espiritu ang iyong nakita na humihiling at patuloy na nagpupunta sa tahanan ng Diyos upang mabigyan ng kapayapaan ang kanilang hindi matahimik na hinagpis.
Bago pa man itayo ang simbahang ito, at bago pa man maging isang ganap na komunidad ang lugar, usap-usapan na dito sa lugar namin itinatapon ang mga patay noong panahon. Hindi nabigyan ng tamang libing ang mga katawan at unti-unti na lamang na nabulok sa ibabaw ng lupa at naibaon na sa limot sa paglipas ng panahon.
Pero buhay na buhay para sa akin ang kuwentong iyon dahil hanggang ngayon, kahit na isa ng ganap na komunidad ito, narito pa rin sila at patuloy na humihiling ng katahimikan."
At para bang unti-unting nawala ang takot sa dibdib ng binata. Bago matapos ang pag-aayos sa simbahan ng mga dekorasyon at bago matapos ang araw, nagsindi ng kandila si Gian at taimtim na ipinagdasal ang mga kaluluwang hindi pa rin matahimik sa lugar na iyon.
WAKAS.
#[;
BINABASA MO ANG
WHISPERS OF HORROR [Volume I]
Short StoryWhispers of Horror Volume I. Collection of 13 short horror stories. [Status: Ongoing]