[10] Nanlilisik

148 4 0
                                    

NANLILISIK

Ian Joseph V. Barcelon

"Alfonso ho, kuya?" ang tanong ko sa dispatcher ng bus na huminto. Tumango lamang siya at hiningi ko na ang kanyang tulong na buhatin ang ilang plastic bags na dala ko.

'Pagpasok sa loob ng bus, puno na halos ang lahat ng upuan. Kinailangan ko munang tumayo hanggang sa may ilang bumabang pasahero. Sa wakas, sa aking isip-isip nang magkaroon na ng espasyo para sa akin at sa aking mga dala.

Inabot ng mahigit isang oras ang aking biyahe.

Malapit nang magdilim nang ako'y makarating sa bayan. Muli, hiningi ko ang tulong ng lalaking dispatcher ng naturang bus na ibaba ang aking mga gamit. Ako'y nagpasalamat matapos.

Tumawag na ang aking nakatatandang kapatid na si Emma habang ako'y naglalakad. "Nasaan ka na Grace?"

"Narito na ako sa bayan, Ate Em. Kabababa lang."

"Oh siya, pinapunta ko na riyan si Tonyo upang sunduin ka. Mag-iingat kayo sa daan." At doon na naputol ang linya. Si Kuya Tonyo, ang asawa ni Ate Emma. Hindi sila sa mismong bayan nakatira, sa masukal at magubat pang bahagi ng Alfonso.

Ang araw na iyon ay ilang araw bago sumapit ang Nobyembre. Naisipan kong manatili sa kanilang munting tahanan sapagkat tapos na silang makapag-ayos. Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas nang sila'y makalipat. Medyo bago pa sa akin ang lugar ngunit may kaunti na rin naman akong nalalaman.

Matapos kong makabili ng aming uulamin, sumakay na ako ng tricycle at nagpahatid sa lugar na kung tawagin ay "putol na daan" ng mga naroon. Binansagan nila marahil ang lugar na iyon ng "putol na daan" dahil doon na rin natatapos ang batong kalye, at ang susunod na doon ay maputik at bato-batong daan. Isa pa, doon na rin magtatapos ang singkwenta pesos na bayad mo sa tricycle na iyong masasakyan—depende na lamang kung nais mo pang magpahatid sa mismong paroroonan mo at magdadagdag ng bayad. Pero naroon na naman si Kuya Tonyo, naghihintay sa akin.

"Putol na daan, kuya," sabi ko sa driver. Ipinasok ko nang maayos ang aking mga gamit sa loob.

Sa paghinto ng tricycle sa putol na kalye nakatayo ang susundo sa akin. Si Kuya Tonyo. Nasa tipikal niyang kasuotan siya—maong na pantalon at isang ordinaryong pang-itaas. Matapos kong magbayad sa tricycle, isang mahaba-haba at mabato-batong lakarin naman ang aming tinahak. Sa gilid ng mabato at bako-bakong daan ay mga makakapal na dahon ng halaman at naglalakihang mga puno. Iilan lamang din ang nadadaanan naming mga bahay, at karamihan pa ay napakalalaki ng agwat sa bawat isa.

Nakapapagod ang paglalakad. Ilang minuto ang binilang bago kami nakarating sa bahay. May ilang kulungan na ng manok sa bakuran, at ang tatlong anak ng aso kong si Lacey, na ibinigay ko sa kanila ay may kalakihan na. Sinalubong nila kami ng may paglikot.

***

Kinabukasan, alas-siete pa lamang ng umaga ay tumulong na 'kong mag-igib kasama si Ate Emma buhat ang tatlong may kalakihang mga bote. Wala silang anak ni Kuya Tonyo dahil sa problema ng aking ate sa matres. Ngunit hindi iyon naging sagabal para hindi nila ipagpatuloy ang pagmamahalan at buhay bilang mag-asawa.

Madulas ang daan pababa sa animo'y bangin. Umulan kagabi kaya't hindi naman nakapagtatakang basa ang sahig. Mabuti na lang at maraming halaman at puno sa paligid na maaari naming hawakan bilang suporta.

"'Wag ka ng mag-tsinelas Grace," ang payo sa akin ng aking ate dahil daw madulas ang daan. Hindi ko naman kaya iyon dahil takot akong masugatan ang paa. Sa dalawang linggo pa lamang nilang pananatili sa bahay, kala mo'y kabisadong-kabisado na ni ate ang lugar. Sinabi niyang dahil wala pang linya ng tubig ang bahay, pansamantala silang bumababa ni Kuya Tonyo sa ilog upang manguha ng tubig.

WHISPERS OF HORROR [Volume I]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon