[6] Kulong na Kaluluwa

295 12 0
                                    

KULONG NA KALULUWA

Ian Joseph Barcelon

            Malapit na ang kaarawan ni Eliza. Napabuntong-hininga si Dingdong nang maisip niya iyon. Dalawang araw na lang mula ngayon, magiging anim na taon na ang kanyang anak. Gusto niya itong bigyan ng magandang regalo, ng maayos na pagdiriwang, ng masayang kaarawan. Ngunit paano? Noong umulan yata ng kasuwertehan, natutulog siya at anak niya.

            Siya na lamang ang nagpalaki kay Eliza sa pamamagitan ng pagbebenta ng bakal at bote sa umaga, pagco-construction naman sa gabi at kung sinisuwerte, pagsa-sideline bilang karpintero. Limang taon na nang pumanaw ang asawa niya, isang taon lang din matapos ang panganganak nito kay Eliza. Simula noon, siya na ang may hawak ng responsibilidad sa anak, siya mag-isa.

            Gabi bago ang nalalapit na kaarawan ng anak, naglalakad si Dingdong pauwi. Pawisan ang mukha niyang may bahid ng dumi, at ang damit niya’y may tira-tira pang buhangin na kahit napagpagan na ay naroon pa rin. Nakasuot pa rin siya ng uniporme, katatapos lang ng kanilang ginagawa sa highway. Binibilang niya ang perang nakuha niya, kasama na ang ipon. Mayroon na siyang mahigit na isang libo. Napangiti siya. Kaya na niyang bilhin ang manikang gusto ng anak at makakakain pa sila sa labas.

            “Sige, pre,” wika ni Arthur, kaibigan ni Dingdong. “Mauuna na ako. Pakisabi kay Eliza na bukas ko na ibibigay ang regalo sa kanya.”

            “Ayusin mo pre, ha? Aasa ‘yon.” Tinapik niya ito at naghiwalay na sila ng daan pauwi.

            Naisipan ni Dingdong na dumaan sa shortcut, sa kakahuyan upang makarating kaagad sa bahay. Kailan niya lamang iyon nalaman at parati, tuwing may trabaho at pauwi, doon na siya dumadaan. Napaisip tuloy siya kung ano ang ginagawa ng anak sa bahay. Pinatulog na kaya ito ng kanyang lola?

            Habang naglalakad, napansin ni Dingdong ang isang bahay na sa ilang beses na niyang dumaan dito ay ngayon lamang niya napansin. Malaking bahay iyon, napakaganda. Bakit kaya nagkaroon noon sa kakahuyan?

            Nagdalawang-isip siya kung pupuntahan niya ba iyon o hindi, ngunit sa huli kusa siyang dinala ng kanyang mga paa sa tapat ng bahay.

            May tao kaya rito? tanong niya sa sarili.

            Nakiramdam muna siya kung may gumagalaw ba sa loob. Idinikit niya ang tenga sa may pintuan, umaasang may maririnig doon. Ngunit wala, senyales na walang tao sa loob. Isang nakabibinging katahimikan lamang. Pinihit niya ang door knob ng pinto at nakakagulat na bumukas iyon. Naamoy niya ang kalumaan at alikabok ng bahay na bumati sa pagbukas niya niyon.

            Maingay na bumukas ang pinto. Nakaramdam siya ng paggapang ng takot sa kanyang likuran. Hindi niya dapat ginagawa iyon pero hindi niya alam kung bakit parang may humahatak sa kanyang pumasok sa loob. Hanggang sa natagpuan na lamang niya ang sarili sa kalagitnaan ng bahay, nakatayo siya sa gitna ng carpet na may burdang bilog.

            Sa magkabilang gilid niya, punong-puno ng mga manika ang naglalakihang see-through cabinet. Namangha siya. Punong-puno ng manika ang cabinet na kahit kumuha siya ng isa, hindi mapapansin ng may-ari kung nabawasan ba iyon. At iyon na nga ang gagawin niya.

            Natatandaan pa niya ang gustong manika ng anak niyang si Eliza, tamang-tama dahil kaarawan na nito bukas. May oras pa siya ngayong gabi na ibalot iyon. Naghanap siya ng kamukhang manika na gusto ni Eliza, o kung wala man, maghahanap siya higit na mas maganda roon. Magpapalusot na lamang siyang nabili na iyon kung magtataka ang anak. Mahilig sa kulay na berde at pink ang kanyang anak kaya’t ganoong kulay ng damit ng manika ang hahanapin niya.

WHISPERS OF HORROR [Volume I]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon