Hindi ko alam kung bakit masakit.
Ayaw kong maging dahilan upang masaktan niyo ang isa't isa, pero normal bang ako'y matuwa sa ideyang nagkakausap na naman tayong dalawa dahil sa tingin ko'y may hindi kayo pagkakaunawaang magsinta? Dapat ba akong maging masaya dahil tingin ko'y bumalik ka na, pero marahil ikaw lamang ay nahihiya na hindi ako kibuin matapos kong sabihing ako'y nasaktan mo sa nakaraan buhat ng ako'y tila iyong kinalimutan samantalang nanatili akong naghihintay lang?
Lumapit ako sa'yo sa kabila ng sitwasyong hindi ko alam kung saan patungo. Lumapit ako kahit hindi ko alam kung gaano ka magiging totoo kung sakaling mag-usap tayo. Oo, natuwa naman ako at napangiti pa nga dahil muli ay naramdaman ko ang presensiya mo kahit na tila tumakbo ka mula sa magulong mundo. Pero oo rin, na nasaktan ako. Nasaktan ako nang malaman ko mula sa'yo na ika'y malungkot at tila problemado. Ang hinala ko, siya ang dahilan ng nararamdaman mo.
Gustuhin ko mang ibsan ang sakit na iyong nararamdaman o pawiin man lang ang mga bumabagabag sa'yong kalooban, ngunit hindi ko magawa sapagkat nagkalamat na ang ating samahan. Gusto kong maramdaman mong mananatili ako sa tabi mo, pero maging ako ay nahihiya sa mga salitang binitawan ko – mga salitang akin lamang binitawan dahil nakaramdam din ako ng sakit, sakit na 'di ko inakalang dulot pala ng ilang mga bagay na hindi mo sa akin maipaparamdam.
Mahal kita. Mahal mo siya. Mahal ka rin niya.
Sa kuwentong ito, saan ako pupuwesto? Handa na naman ba akong ipain ang sarili ko sa bitag mong hindi mo alam ay nagawa mo? Handa na naman ba akong masaktan at umasa kahit alam kong sa una pa lang ay mali naman?
Oh, pag-ibig, ika'y maligalig.
---