4 | kaibigan lang

24 2 0
                                    







Ang sabi ko sa sarili ko, makakausad din ako. Makakalimutan ko rin ang sakit na dulot mo – sakit na kung tutuusin, hindi mo naman intensiyong iparating sa aking pagkatao.





Sa paanong paraan nga ba ako nasaktan? Sa mga pagkakataon bang ako'y nakinig sa iyong mga kuwento pero nang kailanganin kong sandalan ang balikat mo, wala ka upang pakinggan ang mga problema ko? Sa punto bang ika'y tila nangako na babalik para damayan ako pero ni hindi man lang nahagip ng mga mata ko ang iyong anino? O sa eksenang ako'y iyong nilapitan pagkatapos ng mga panahong walang pagpaparamdam, hindi para mangamusta man lang kundi para humanap ng kaibigan?





Nagalit ako bilang iyong matalik na kaibigan pero pinili kong 'wag magsalita sa kalagitnaan. Pero nang lumaon, hindi ko napigil ang aking emosyon. Pinili kong maging tapat sa kabila ng takot na hindi na tayo bumalik sa dati nating mga ganap.





Nasaktan ako sa ginawa mo. Nasaktan ako dahil tila ba naramdaman kong iyon lamang ang halaga ko sa iyo. Nasaktan ako dahil hindi mo maibalik ang atensiyon at oras na kaya kong ilaan sa'yo.





Pero mas masakit palang matuklasan na kaya pala ako mas nasusugatan ay dahil higit pa sa atensiyon at oras ang inasahan kong maibabalik mo. Mas masakit palang matuklasan na ako'y nagkaroon sa'yo ng malalim na nararamdaman at kahit hindi ko kongkretong mawari noo'y hinangad kong ito'y iyong masuklian.





Kaya patawad. Patawad kung ang galit na aking nadama ay nag-ugat pa pala sa pagtinging itong hindi ko naman inakalang magbubunga. Patawad kung ika'y aking nasaktan sa mga salita kong binatawan kahit hindi mo alam na iyo'y may mas malalim na dahilan.





Pero huwag kang mag-alala, hindi ko hangad na masaktan ka't hindi kayo magkaiging dalawa. Para sa inyo – sa'yo, kaya kong maging masaya, pero para sa sarili ko,sa tingin ko'y hindi pa ako handa.


---

TugMARUPOKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon