Bakit ba ang hirap-hirap para sa akin ang pakawalan ka? Bakit ba ang hirap-hirap para sa akin ang sabihing ako naman muna? Malinaw na ang eksena: nasasaktan lang ako kapag nakikita ka.
Hindi naman nagkaroon ng tayo. Ni hindi mo alam ang nararamdaman ko. Pero bakit pakiramdam ko, 'pag umiwas ako, masasaktan lang din naman ako, tayo?
Tiyak akong magtataka ka kung malaman mong nagkakaganito ako. Tiyak mayroon kang mga katanungan kung mapansin mong didistansiya ako. Ang totoo, ayaw ko namang lumayo. Subalit itong aking puso ang tila sumusuko.
Masasaktan din naman ako kung mananatili akong hanapin ang mga bagay na hindi ko naman makukuha o mahahanap sa iyo. Siguro, mas maigi nang ako'y kumalas bago pa muling dumulas ang mga luha ng pag-ibig kong walang tiyak na landas. Oo, mahal kita. Pero sana, mapagtanto ko nang sarili ko muna ang dapat kong unahin kaysa sa iba.
Sana, maging madali ito. Ika'y dati na namang estranghero sa buhay ko. Ngayon, ako'y nasa puntong nagnanais na sana, nanatili ka na lamang estranghero. O kung pagbibigyan ng pagkakataon, bumalik na lang tayo sa pagiging estranghero sa buhay ng isa't isa. Baka sakali, iyon nama'y uubra. Baka sakali, tuluyan ng humilom ang sugat na sa puso ko'y nakamarka.
Sa lahat kasi, bakit ikaw pa?
---