6 | saya at lungkot

10 0 0
                                    



Patuloy na nabuklat ang mga pahina ng aklat nating dalawa – sa aklat kung saan kahit pansamantala, tayo ang bida. Ang itinadhana. Ang para sa isa't isa.



Ganunpaman, ang mga pahinang aking binabanggit ay pawang umiiral lamang sa aking isipan. Malayo sa katotohanan. Isang temang hindi naitawid sa epilogong pagwawakasan.



Narito pa rin ito – ang pusong binihag mo. Ang damdamin kong sa halip na lumipas sa pagtakbo ng oras ay lalong nakaramdam ng pagkasabik sa'yo. Ayaw kong pakawalan ang mga sandaling nagkukrus ang ating mga landas, kahit alam kong hindi naman ako ang destinasyon kung nasaan ang iyong pahimakas. Ayaw kong bitawan ang mga panagpong ika'y aking katabi, kahit sa totoo lang, sa pagsapit ng gabi, siya pa rin ang sayo'y makapagpapangiti.



Sa maraming beses, hiniling kong sana, ako na lang. Ako na lang ang dahilan ng masaya mong mukha sa mga larawang iyong iniingat-ingatan. Ako na lang ang iyong karamay sa tuwing ika'y nasasaktan. Ako na lang, ang iyong minahal – handang ipagsigawan sa mundong mapanghusga na ako'y iyong paninindigan.



Pero ang mga sanang iyon ay hanggang sana na lang. At sa dahil sa mga sanang ito, ikaw – na dati kong kasiyahan, ay siya na ring dahilan ng aking kalungkutan.




---


TugMARUPOKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon