Aaminin kong masakit na. Pero hindi ikaw ang may sala.
Oo, ikaw ang dahilan kung bakit ako ay nasugatan, subalit alam ko namang wala kang alam at hindi mo hangad na iyo'y aking maramdaman.
Ang panatilihin ang aking nararamdaman – ang hangad kong ika'y makita sa bawat araw; ang pananabik na ika'y makausap at makakamustahan, makakuwentuhan sa ilalim ng buwan, o makasamang kumain ng kung anuman, kahit tinapay na sorbetes ang palaman o ihaw-ihaw na paparesan ng sago't gulaman; ang sayang dulot 'pag ikaw ay magpaparamdam o magsisimula ng usapan; ang kabog ng dibdib sa tuwing ang tinig mo'y matutunugan o ang lakad mo'y mamumukhaan kahit pa sa malayuan; ang tuwina mong pagdalaw sa aking isipan buhat ng mga mumunting bagay na minsang tinahi ang ating ugnayan; at ang likas mong kakayahang pansamantalang pawiin ang pagod na aking nararanasan na ngayo'y mistulang alaala na lamang ng ating samahan – ay lalo lamang pinatitindi ang pagdudusang pinagdaanan ng puso kong tila hindi ko pa mapatahan.
Kung hindi mo ito kagagawan, sino ang dapat kong pagbuntunan?
Ang sagot ay ako. Sa una, lagi kong nasasambit na ang lahat ng ito'y tanikalang mahigpit na pinipigilan ang pag-usad kong mapait. Subalit, paano kung ako lang pala talaga ang pilit na kumakapit at lumalapit sa tanikalang mapanakit?
Kailangan kong makalaya. Kailangan kong humakbang.
Puso sana'y hindi na maitaya. Sarili'y isasaalang-alang.
Mahirap man dahil ito'y nakasanayan, pero aking susubukan at uunti-untiin kong salubungin ang kalayaan mula sa tanikalang ako rin naman ang bumuo at huminang.
---
![](https://img.wattpad.com/cover/320316880-288-k415697.jpg)