12 | ang pinakamatamis na pagkakamali

10 1 0
                                    



Sa lahat ng mali kong nagawa, ikaw ang pinakatama.



Sa lahat ng pait ng pag-ibig na aking naranasan, sa'yo ko pa rin natagpuan ang tamis na hinding-hindi ko makakalimutan.



Sa lahat ng sakit na aking napagdaanan, ikaw ang sugat na aking pinaka-pinaglaanan ng panahon upang mapadali ang proseso ng paghilom.



Pero ilang beses ko mang kumbinsihin ang sarili ko maging ang ibang tao na maayos na ang kalagayan ko, mayroon pa ring mga pagkakataong hinihila ako pabalik sa kirot ng kahapon. Dumarating pa rin ang mga gabing mayroong pagbabadya sa pagpatak ng aking mga luha. Pumipitik pa rin ang mga sandali kung kailan dinadalaw ako ng kalungkutan, panghihinayang at mga kaisipang muling binubuksan ang mga nagsara nang marka ng aking nakaraan.



Marahil, may ilang mga bagay ang naghahatid sa akin ng ngiti; ako ma'y nabibigla rin sa aking sarili. Subalit, ako'y lubhang naiinip. Nais ko nang gumising mula rito sa panaginip. Ayaw ko na muling magpalamon sa mga imahinasyong nililikha ng aking isip. Gusto ko nang manahimik; gusto ko na nang payapang tulog at hindi yaon lamang mga idlip.



Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ibig ko rin naman ang sa'yo'y lumapit. Gusto kong muli tayong manumbalik. Gusto kong muling maramdaman iyong pakiramdam na ikaw ang una kong hahanapin sa karamihan bitbit ang pananabik na ikaw ay makausap nang paulit-ulit.



Ganunpaman, alam kong 'pag ginawa ko ito, pinalalaki ko lamang ang pagkakamaling buhat ng pagtingin ko sa'yo. Kailangan kong itatak sa aking sarili na hindi mo na ako mapipili dahil puso mo ngayo'y mayroon nang nagmamay-ari. At sino ba naman ako, isang hamak na nilalang na binigyang-kahulugan ang mga salitang minsan mong binitawan nang tayo'y magkaibigan pa lamang at sa kasalukuya'y pilit na humahakbang mula sa sakit na dulot ng mga pagtatantong wala namang kabuluhan 'pagkat ako lamang ang nag-isip na ang mga salitang iyon ay may patutunguhan?



Siguro nga, ikaw ang pinakamatamis na pagkakamaling aking nagawa, na buhat ay mga aral na sa aki'y iyong tinuro at dinala nang hindi mo sinasadya at labas sa iyong pag-aakala. Ngunit ang pagkakamali'y pagkakamali pa rin sa kahit aling anggulo man natin silipin, kaya't ang dapat tamang gawin ay ituwid ang pagkakamaling ito bago pa ulit ako masaktan na parang ako'y iyong minahal kahit sa totoo'y hindi naman.



---

TugMARUPOKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon