Alam mo bang nasasaktan ako na hindi ka man lang kumikibo tulad ng dati nating usapa't mga pagbibiro? Teka muna, baka akalain mong ako'y nagsasalita bilang isang nilalang na sa'yo'y nagkaroon ng pagtingin noong una nating mga kabanata – hindi, ika'y nagkakamali. Ngayon, pakinggan mo sana ako bilang isang matalik na kaibigan...isang dating kaibigan.
Hindi ko naman sinasabing hindi na tayo magkaibigan pero malaki na ang pinag-iba ng ugnayan nating dalawa mula nang ipaalam ko sa'yong ako'y nasaktan dahil hindi ko naramdamang ika'y pwede kong lapitan sa mga panahong aking kailangan. Hindi na tayo tulad ng dati. Marahil, ang pisikal na distansiya sa pagitan nati'y lumiit. Subalit pakiramdam ko, ang layo-layo mo pa rin kahit nariyan ka lang at malapit.
Alam mo bang hindi ito ang mga bagay na inisip kong mangyayari sa ating dalawa sa paglalim ng ating pagsasama? Nang sabihin kong kapatid na ang turing ko sa'yo, inasahan kong ikaw ang magiging kasangga at kakampi ko. Inakala kong magmimistula pa akong mas matanda sa ating dalawa dahil ako 'tong laging may baong pangaral at paaalala. Inisip kong ikaw lagi ang aking makakasama at mapagsasabihan ng problema – siyang magiging aking sandalan at sandigan sa panibagong yugto ng ating samahan.
Ngunit siguro, nabiktima na naman ako ng mga pag-aakala ko. Tingnan mo tayo ngayon, malaki na ang pinag-iba kung ihahambing sa kahapon. Marahil, marami kang ginagawa; ako rin ma'y walang takas sa mga hamong ibinabato ng tadhana. Subalit marahil din, may mga bagay talagang hindi na maibabalik kahit naisin man natin ito nang paulit-ulit.
Kung sakali manghumantong itong pagkakaibigan natin sa isang katapusan – na sana, sa ganangakin, ay huwag naman – nais kong ikaw ay tanungin: nanghihinayang ka ba sa mgapinagsamahan natin? Kasi ako ay oo, dahil bago pa man lumago ang naramdaman kosa'yo bilang isang taong sabihin na nating bago sa larangan ng pag-ibig, alamkong isa ka sa mga tinuring kong kaibigang hindi ko kayang talikuran atipagpalit.
---