Nakita kita.
At kasama mo siya.
Kahit hindi man halata, kita kong masaya kayo sa isa't isa. Kahit inyo pang ipagkaila, hindi naman nagsisinungaling ang inyong mga mata.
Nakita kita.
Pero sa pagkakataong iyon, gusto ko na lang lamunin ng lupa. Pakiramdam ko, 'pag nakita mo ako sa mga sandaling iyon, hindi ko kakayanin ang tensiyon. Hindi ko alam ang aking magiging aksiyon. Hindi ko alam kung saan ibabaling ang aking atensiyon.
Pakiramdam ko, 'pag lumapit pa ako sa'yo, parang hinahayaan ko lang din ang sarili kong saksakin ng isang kutsilyo. Ang nakakatawa lang, alam kong dito hahantong ang lahat ng ito, pero hinayaan ko lang munang masugatan ang sarili ko hanggang sa mamanhid ang puso ko sapagkat sa maraming pagkakataon, ikaw ang pinili ko.
Kaso, ako ang mali. Puso mo'y ganap nang nakatali. Ako lang 'tong kumapit sa mga 'sana ako na lang' at 'ako sana iyon', kahit pa ikaw ay masaya na't may karelasyon.
Sabi naman kasi nila, masakit daw ang pag-ibig. Pero pag-ibig pa ba ito kung puro na lang sakit?
---