Matapos ang ilang mga araw na nagdaan, bahagya akong nagulat nang aking matagpuan ang ngiti sa mukha kong natatakpan ng maskarang makapal, ngiting sa tingin ko, hindi na ikaw ang dahilan.Nakakabigla. Hindi ko inakala. Akala ko noong una, ikaw lang ang sa labi ko'y makakapagpakurba at siyang makakapagpakinang ng aking mata. Akala ko, wala nang iba pang makakahuli ng aking kiliti.
Marahil, ito'y magandang pangitain. Marahil, isa itong magandang hakbangin — ang mapagtantong kaya pa palang sumaya ng aking puso at humanap ng dahilan para hindi manlumo.
Siguro, masyado ko lamang ikinulong ang sarili ko sa'yo. Masyadong nakatitig ang aking mga mata sa galaw mo. Mga tenga ko nama'y sa boses mo lamang nakatutok; presensya mo ang siyang sinisilayan saanmang sulok.
Datapwat, nagkamali ako. Dahil makita man kitang nakangiti habang siya — ang 'yong minamahal — ang tanging dahilan, kaya ko rin palang ngumiti nang bukal sa kalooban nang hindi ikaw ang tinitingnan o ang laman man lang ng aking isipan.
---