Hindi ko nais sabihin ito pero...
...ang tanga ko.
Sino ba kasing mag-iisip na masasaktan ako nang ganito gayong aking napagtanto na imposibleng mahulog ang loob mo sa isang tulad ko? Kapatid ang ating naging turingan – o marahil, ako lamang ang nakadama ng ganoong ugnayan – kaya normal ang ika'y magbanggit ng mga salitang tila ba may kahulugan ngunit sa totoo lang ay natural sa pagitan ng dalawang magkaibigan o di kaya'y iyon lamang sadya ang iyong katangian.
Ang tanga ko.
May mga gabing umagos ang aking luha. Pero kung tutuusin, lahat naman ng ito ay para lamang wala. Hindi man nag-umpisa ang sakit na aking nadama sa isang pag-aakala – may mga emosyon muna akong prinoseso at pinigilan bago pa man lumalim ang parehong pag-ibig at sakit na aking nararamdaman – pero aking aaminin na ang mga pag-aakalang ito ang sa sitwasyon ko'y nagpalala.
Oo, ang tanga ko.
Pero hindi naman ibig sabihin na hindi balido ang sakit na pinagdaanan ko.
Magkaibigan naman kasi tayo – noon, kaya ang paghanapan ka ng atensiyon at panahon ay masasabi kong normal na reaksiyon gayong iyon din ang mga bagay na sinubukan kong ibigay sa'yo sa ilang mga pagkakataon.
Ngunit alam mo, maayos na rin na gan'to – na unti-unti kong inilalalabas ang aking sarili sa mga pag-aakalang aking hinabi. Napag-isip-isip ko rin kasi na sa kasalukuyan, masakit ang aking nararamdaman. Datapwat paano kung bigla kong maisipan na tanungin ka kung ikaw nga ba'y minsang may naramdaman, tapos ang sagot mo ay wala naman? Hindi ko sinasabing sing-sakit iyon ng aking mga pinagdaanan buhat ng pagtingin ko sa'yo, subalit ibang klase pa rin ng sakit ang madudulot ng sagot na iyon sa aking puso. Biruin mo, dinamdam ko lahat ng kirot gayong wala naman pala akong dapat maranasanang anumang masalimuot? Isa pa, imposible talaga ang aking mga pag-aakala. Alam ko 'yun. Pansin ko 'yun.
Siguro, tama na ang landas na aking sinusundan. Sana nga lang, hindi ko na muling matagpuan ang daan pabalik sa mga damdaming sa'yo ko lang naramdaman.
---