"Tumira ng tres, hiniwalayan ng gf, Anton na-depress!"
Hiyawan at kantiyawan ang maririnig sa buong court nang mapang-asar na isigaw iyon ng isa sa mga kasalukuyang kalaro namin. Inis na pinunasan ni Anton ang pawisang noo at nagdadabog na sinugod ang lalaki. Pero bago niya pa magawa, mabilis na akong nakalapit sa kaniya at nahila siya sa braso.
"Gago mo ah!" nangangalit na sigaw ni Anton.
Napaatras man ang nang-asar kay Anton, hindi naman nawala sa labi nito ang isang mapanuyang ngisi.
"Kalma, bro. Nagbibiro lang naman ako. Masyado ka namang seryoso diyan," katwiran nito na hindi naman bumenta kay Anton, maging sa akin mismo. Jokes are meant to be funny, not the other way around.
Ramdam ko ang namumuong tensyon dito sa court pati na rin ang kagustuhan ni Anton na makawala sa pagkakakapit ko sa kaniya upang tuluyang masugod ang kaharap. Kaya bago pa man magkaroon ng gulo, ako na lang mismo ang gumawa ng paraan upang matuldukan ang nagbabadyang away sa pagitan ng mga ito.
"Ton, kumalma ka muna," pag-awat ko sa aking kasama.
"At ikaw naman... mag-sorry ka kay Anton. Nandito kami para makipaglaro ng basketball sa inyo, hindi para magsimula ng gulo. Hindi natuwa ang kaibigan ko sa biro mo and it's valid for him to ask for an apology," baling ko sa nang-asar sa kaibigan.
Nawala ang ngisi sa mukha ng lalaki. Halatang hindi nagustuhan ang narinig mula sa aking bibig.
"Ang yabang mo ah. Sino ka ba?"
Tumiim ang bagang nito at sunod ko na lang namalayan ay ang paghila nito sa suot kong jersey.
"Huwag mong gaganyanin si Ube!" dinig kong angal ni Anton sa aking tabi. Huli na ang lahat para mapigilan pa ito sa pagsuntok sa kaharap ko. Mabilis namang nakabawi ang huli. Gumanti ito ng suntok at nagkagulo na nga sa buong court lalo pa't nakisali na rin sa kaguluhan ang iba naming mga kalaro at ilang nakikinood.
Ang ending, hinatid ko lang naman sa bahay nila si Anton na may ilang galos, pasa, at sugat sa mukha dahil sa nangyaring away.
"Aray... tangina, ang solid manuntok ni Valiente," nakangiwing reklamo nito habang sapo ang kaniyang namamagang mukha. Bumuntong-hininga ako at napailing-iling.
Kanina nang dumating kami ay agad na sinalubong ng mga kasambahay si Anton. Mukhang sanay na ang mga ito sa ganoong eksena dahil himalang nakapaghanda na agad sila ng first aid kit sa pagsalubong nila kanina sa amin.
"Ba't kasi sinuntok mo pa? Kakausapin ko na nga sana nang maayos 'yung tao eh," pangangaral ko.
Kumunot ang noo ni Anton.
"Ginawa mo na 'yon, Ube. Isa pa, walang saysay ang pakikipag-usap nang matino sa isang 'yon. Magsasayang ka lang ng laway."
Hindi na lang ako umimik at nakipagtalo pa. Naalala ko naman ang rason at puno't dulo ng lahat ng ito.
"Totoo ba talaga? Hiniwalayan ka na talaga ng girlfriend mo? Ulit?" naninigurong tanong ko. May ideya na ako sa dahilan ng pag-aya nito sa akin kanina na mag-basketball daw kami. Alam kong may kinalaman ito sa kutob namin ni Lalaine na talagang wala na sila ng nobya.
Gusto ko lang makumpirma at marinig mismo mula kay Anton ang kasagutan sa aking tanong. Isang malalim na hininga ang pinakawalan nito at tingin ko, sapat na iyon para maging sagot sa tanong ko.
"Akala ko talaga, siya na ang hinahanap ko, Ube. Pero wala... olats pa rin pala."
Hilaw na tumawa si Anton at napayuko. Tikom ang mga labi ko habang pinag-aaralan ang reaksyon ng aking kasama. I am really not good in giving advices and comforting someone kaya awkward para sa akin ang maipit sa ganitong klaseng sitwasyon.
BINABASA MO ANG
King's Delight (Completed)
Teen FictionJon Delight Santiago never thought that befriending the guy who once caught his attention would only make him question himself, his choices, decisions, and most importantly... his perspectives on what true love really is. Credits to @youraesthete_ f...