Patuloy lang ang buhay. Pagkatapos ng day off ko, balik ulit sa gabi't umagang pagta-trabaho. Medyo nakatulong iyong pagka-busy sa pagmo-move on.
Syempre, nasayangan. On the bright side, may new experience naman akong hindi na siguro mauulit. Count my blessings, sabi nga nila.
Al, pwede kang mangarap, pwede ka ding masaktan pero syempre, tandaan mong wala ka pa ring karapatan. Naging mantra ko na iyon. Alam ko na ang routine ng moving on. Ako pa na palaging olats sa pag-ibig.
"Anong chismis natin of the day, Aling Daring?"
"'Anong chismis' ka diyan? Hindi kami nagchi-chismis ah." Agad na deny niya. "Bibili lang ako ng barbeque para sa mga apo kong laging naamoy ang niluluto niyo. Kayo ha, napapagastos tuloy ako."
"Aling Daring naman. Walang ganyanan. Suki nga kami ng suman mo, araw-araw. Shanghai, gulay, kahit iyong lumpiang turon bumibili kami ah." Sagot ni Mars habang nagpa-paypay ng order.
Napatawa ang matanda. "Kaya nga gustong-gusto ko kayo eh. Peyborit ko nga kayong kapitbahay."
Himala ngayon, walang baong chismis. Baka naman kaya walang chismis na dala kasi kami pinagchi-chismisan nito. Subukan niya lang at baka magkaroon na siya ng estimated na pang-limang record sa barangay.
"Wala si Adie?"
"May binili lang. Tapos may babayaran daw. Baka matagalan sabi niya."
"Naniwala ka naman?"
"Syempre, hindi." Sabay kaming napatawa.
Alam namin iyong kaibigan naming iyon. Bigla-bigla na lang mawawala, hindi naman namin alam saan pumupunta. Babalik din iyon maya-maya.
"Bakit kasi ayaw niyang sabihing may date siya. Madali naman tayong kausap, noh. Hindi half kundi full support ibibigay ko." Sabi ko. "Baka nga ipa-pause ko pa sa dyosa ng pag-ibig ang sarili kong love life para sa kaniya."
"Para namang may worth iyang sakripisyo mo, ineng. Hayaan mo na. May ipapakilala din iyan."
Tinulungan ko siyang maghanda ng lulutuin. Ang bango talaga ng niluluto namin. Ang lakas pa ng benta kasi walang nagbebentang iba. Sa ngayon. Baka next week, magsulputan na din iyan sa mga kapit-bahay. Ang bilis pa namang dumating ng kompetensya. Parang sa lovelife lang.
Pagkatapos magligpit sa baba, umakyat naman ako sa kwarto kung nasaan ang computer ko.
Napahikab ako sa pagod pero syempre, may katabing kape. Mawala na ang lahat huwag lang ang trabaho at kape ko.
In-on ko ang timer at nagsimula nang gumawa ng mga task. Gumawa ng infographics para sa client, nagsulat ng content, nag-ayos ng appointment. Ang bilis nga ng oras. Hindi ko napansin na break ko na pala.
Wala naman talaga akong break pero kailangan kasi, para hindi ako masiraan ng bait. Walang masama mag hustle pero kung ang kapalit naman ay ang physical at mental health ko, syempre big no-no. Napakamahal magkasakit pa naman. Iyong ilang buwan mong ipon ay ilang araw na stay lang sa hospital. Naku po, gagaling ka naman pero sakit sa bulsa naman ang susunod.
Saktong nag-vibrate naman ang phone ko. Mga kamag-anak ko talaga. Hindi man lang pina-abot ng ten minutes. Alam na kung kailan ako nagpapahinga para guluhin na naman ako. Alam ko dahil kapatid ko ang tumatawag. Hindi naman ito nangungumusta, diretso na humihingi ng kailangan. Kung mangungumusta man, siguradong may kailangan pa rin.
"Ano?" Hindi ko mapigilang magsungit.
Tahimik lang sa kabilang linya.
"Andrei, magsalita ka diyan." Medyo tumaas na ang boses ko kaya bumaba muna ako sa kusina.
BINABASA MO ANG
Ray of Sunshine
General FictionMga bilihin lang ba ang pwedeng magmahal? Gusto din kasi sanang kiligin ni Althea. Slice of life sprinkled with romance.