7

29 5 1
                                    

"Al." Pormal na nakaupo si Adie sa isa sa mga table namin.

"Bossing na bossing, ah. Meeting ba 'to." Medyo nabigla pa ako nung tumango siya. "Talaga? Tayong dalawa lang?"

"May kailangan lang akong itanong sayo una tapos, usap na tayong tatlo."

Bigla akong nagpanic. Hala. Magsasara na ba kami? Aalis na ba siya? Paano ba iyan eh, binitawan ko pa naman iyong isang client ko. Sabi ko kasi sa sarili ko, magpapahinga muna ako. Hindi ko naman lubos akalain na talagang wala na pala akong babalikan? Totoong magugutom na talaga ako at baka bumalik pa sa probinsya. Paano na ako pag bumalik ako doon? May mga utang pa naman na babayaran.

"Huy! Bakit naiiyak ka na diyan?"

"Adie..." Kung luluhod ba ako sa harapan ni Adie, mapapaki-usapan ko ba siyang huwag niya muna kaming iiwan at ang Sunshine?

"Ako ha. Kinakabahan ako sa namumuong luha diyan sa mata mo, Al."

"Ako dapat ang kabahan."

"Bakit ka naman kakabahan? Sasabihin ko lang naman na kung okay lang sa iyo at baka may extra time ka, plano ko kasi medyo ano- i-upgrade ang karinderya. Karinderya pa rin naman. Ang kapal ko naman mang-ambisyon ng restaurant ngayon, ano? Naisip ko lang what if... mag-upgrade ng menu tapos magdadag ng desserts?"

Napanganga ako. Pinatapos ko siyang magsalita at nung hindi na siya magsalita, naghintay pa rin ako dahil baka may sasabihin pa siya pero wala naman nang lumabas na salita sa bibig ni Althea. "Iyon lang?"

"Iyon lang. Kilala kita, eh. Pinangunahan mo naman ako, noh? Kung saan-saan na naman napunta iyang isip mo at kung ano-ano na naman na-imagine mo?"

Nakahinga din ako ng malalim sa wakas. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Mas lalong hindi ako makapaniwala sa mga walang-kahiyaang naisip ko. Dapat kasi, matuto din ako nung manifest-manifest hindi iyong puro kasakiman at kasamaan iniisip ko.

"Adie..." Nagsink-in din sa akin iyong sinabi niya. Ang ganda ng timing. Minsan talaga, kailangan mo lang maghintay. Syempre, andyan pa rin iyong aksyon. Hindi naman mawawala iyon pero nakakatawa lang na kung kailan ko naisip magpahinga, diyan naman dumating ang mga solusyon sa problema ko. "Para akong nabunutan ng napakalaking tinik, Adie. Sobrang laki ng tinik, kasing-laki ng kutsilyo na pantadtad natin ng manok."

"Edi sana patay ka na." Sagot niya saka ako pinagtawanan habang umiiyak.

Napakawalang-hiyang kaibigan nito.

***

"Ang liit ng extension... pero iyong tuwa ko, napakalaki."

Akala ko, ako ang pinaka-dramatic sa amin. Si Mars na akalain mong pusong-bato ay biglang naging pusong-mamon habang naghahanda kami sa opening namin. Wala naman masyadong bago. Andito pa rin kami sa dating karinderya ng Tiya ni Adie, sa baba ng bahay na tintirhan namin.

Iyong menu lang namin ang nadagdag, dahil may menu na kami na buong magdamag kong tinitigan lalo na sa dessert section. Nakakataba ng puso. May dessert section na ba talaga kami?

Naramdaman ko kagabi na hindi ko naman pala kailangan maging milyonaryo o bilyonaryo. Masaya na ako habang nagagawa ang gusto ko kasama ng mga taong hindi ako iiwan. Ilang buwan din akong nagsakripisyo ng tulog. Iniisip kung paano kami mabubuhay ng pamilya ko. Pero ngayon, buhay na buhay talaga ako.

Wala naman masyadong nagbago. May maliit lang kaming panalo. Pero kahit na, hindi naman kailangang ikumpara... panalo pa rin iyon.

"Imagination ko lang ba o dumami iyong customers natin?"

"Pansin ko din." Dahil sa kabusy-han namin, hindi na muna kami magbubukas ng ihawan. Sabi ko sa kanila, para naman ma-miss kami ng mga customer namin. Baka mamaya, magsawa na ang mga iyon.

"Medyo dumami iyong estudyante, no?" Tanong ni Mars.

"Nakakaloka iyong mga high school, ang sweet-sweet kanina."

"Hoy, huwag mong paki-alaman iyong mga batang mag-boyfriend at girlfriend." Banta sa akin ni Adie.

Ako? Makiki-alam sa kanila? "Hindi ako makiki-alam, no? Excuse me. Sa totoo nga naiinggit ako. Ano, Adie? Masaya ka na? Inamin ko na naiinggit ako? At gusto ko din mag-order ng isang lemonade na may dalawang straw!"

Hindi talaga pwede sa akin ang walang lunch kaya kung anu-ano na ang nasasabi ko. Don't talk when your mouth is full and when your stomach is empty kasi dapat!

Bago pa maka-react ang dalawa, ay may customer na dumating. Ang galing talaga ng timing. Kung kailan gusto ko ulit magka-jowa, dumating naman iyong taong never kong magiging jowa. Napaka-walang hiya talaga ng tadhana, may mga favorite pikonin.

"Congratulations sa... rebranding." Bati pa ni Yael sa amin. Oh, may pa ganun siya ha. Rebranding. Masulat din iyan sa diary ko mamaya.

Hindi naman siguro siya andito para sa akin, no? Magsisinungaling ako sa sarili ko kung sasabihin kong hindi ako nag-assume dahil 0.1 second pa lang simula nung dumating siya, kahit anino niya pa lang ang nakita ko, may parte na ng utak ko ang umasa. Honest ako sa sarili ko, eh. Tulad ng pag-amin kong mali din iyon.

"Salamat." Simpleng sagot ko. "May gusto ka ba?" Bigla pa talagang nanuyo ang lalamunan ko sa parte na iyon. Tinuro ko ang mga natitirang pagkain namin. "-dito? May gusto ka ba dito? Na bilhin? Ulam? Dessert? Drinks?" Agad na pambawi ko. Bumawi ba o sumobra ng daldal?

At talagang hinayaan ako ng dalawa kong kaibigan dito. Mukhang si Yael lang naman ang hindi nakakapansin ng pagpa-panic ko deep inside.

"Two boxes of butterscotch."

"Nagpapabili si Kelsey?" Tanong ko.

Tumango siya. Nagbayad siya. Tinaggap ko ang bayad at saka binigay sa kaniya ang order niya.

"Thank you," Maikling sagot niya bago umalis.

Ganun lang dapat. Simple, mabilis, walang drama. Kasi, ako lang naman ang naglalagay ng drama.

"Iyon na iyon?" Tanong ni Mars na aba, parang nakulangan pa. Akala niya ba nanonood siya ng libreng sine?

"Althea...may nabanggit nga pala sa akin si Kelsey." Hindi ko alam ang sasabihin ni Adie at hindi ko din alam kung gusto ko bang marinig iyon pero bago pa man ako makasagot, nagsalita na siya. "Hindi naman pala gusto ni Yael iyong engagement. Hindi din niya kilala iyong babae noon. Uso din daw kasi sa kanila ang arranged marriage kaya-"

"Ano ka ba." Awat ko sa kaniya. "Okay lang ako no. Crush lang naman iyon, kayo talaga. Iyong first love ko nga, kinasal na. Hindi naman ako naki-alam ng love story nila. Kaya, ganun din ako kay Yael. Mukhang wala namang problema. May engagement party pa nga, diba?"

"Paano kung-"

"Ayaw ko ng mga paano, Mars. Iyong mga tulad niyang tao, dapat tinitingalaan lang mula sa malayo. Pwede din namang sumubok pero... pero, ganun lang. Hanggang subok lang."

"Althea, ano ka ba. Parang ang liit-liit naman ng tingin mo sa sarili mo."

"Iba naman kasi talaga sila, Ad. Nakita mo naman kung gaano ka-iba ang mundong ginagalawan nila? Parang alien lang."

"Taga saang planeta ba sila, ha?"

"Earth." Si Mars na ang sumagot para sa akin.

"See? Ibang mundo ka diyan. Pareho lang tayong mga naninirahan sa Earth."

Gusto kong matawa. Para saan ba itong pag-uusap na ito at ano bang pinaglalaban namin? Wala naman.

"Oo na." Inabutan ko ang dalawa ng tig-isang cupcake. "Pareho tayong mga tao pero ganun pa rin. Hindi pa rin siya iyong tao na para sa akin."

Ray of SunshineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon