Kabanata 11: Opening up

25 0 0
                                    

KAIDEN

Masaya kong pinaghahalo ang lahat ng ingredients nang marinig ang mga hakbang ng mga magulang ko sa hagdan.

"Mama, Dad, gusto niyo fruit salad? Gawa ko po—"

"Minsan lang kami magkikita, Hon, sumama na tayo..." pilit sumusunod si Mama sa bawat hakbang ni Dad.

Inayos tuloy ni Yaya Mendel ang salamin habang nakatingin sa kanila, nagtataka kung anong nangyayari habang papalapit sa pwesto ko.

"Nag-aaway na naman ba?" Turo ni Yaya sa kanila.

Nagkibit-balikat ako sabay tingin sa fruit salad na hinahalo ko.

"That party was the party you attended last time, right? Kaya mo iniwan ang mga bata noon?" tanong ni Dad saka inilagay ang telepono sa tainga.

"Pag-aawayan na naman ba natin 'yan?!" sigaw ni Mama.

"Pwede namang ikaw lang mag-isang pumunta doon diba?" tanong ni Dad. "Marami akong ginagawa sa kumpanya."

Pilit natawa si Mama sa sinabi ni Dad. "Ako? mag-isa? Ako lang ba ang nang-iwan sa mga bata noon?"

Sumulyap si Dad sa kaniya, nakataas ang kilay. Agad niyang pinatay ang tawag at tinago sa bulsa.

"Ikaw rin 'di ba?"

May kung anong pumipilit sa akin na patigilin sila. Pero 'yung pinag-aawayan nila, 'yung mga nangyari dati, pumapasok sa utak ko.

"You can't leave your job! Kaya kahit umalis ako, pinilit mo pa rin pumunta sa trabaho!"

Parang sumasabog na bulkan na sila parehas. Nanatili lang kami ni Yaya na nakikinig kahit parang may luha nang namumuo sa mata ko.

Ang sakit lang. Bintang sila nang bintang sa isa't-isa, kahit alam ko naman na dapat ako ang sinisisi nila.

Dahan-dahang naglakad si Mama papunta kay Dad.

"Kara died because of us."

Nawalan ako ng lakas sa sinabi ni Mama. Napunta pa sa fruit salad ang kutsara na pinanghahalo ko.

Namula ang mukha ni Dad, naapektuhan sa narinig. Tinaas niya ang kamay at muntikan nang sampalin si Mama.

Napayakap si Mama sa sarili.

Mabilis akong pumunta sa kanila at sa kalagitnaan ng pagtakbo, napatigil ako.

Hindi tinuloy ni Dad. Nasa ere lang ang kamay niya. Tumigil ito habang nanlulumong nakamasid kay Mama. Umiling siya at pilit pinipigilan ang galit.

Maya-maya ay lumingon siya sa akin, namilog ang mga mata niya at saka tumingin kay Mama, balot na balot ng luha sa pisngi at nakayakap sa sarili.

Mabilis binaba ni Dad ang kamay. Humakbang na siya paalis habang dala-dala ang suitcase at susi ng kotse. Huminga si Mama nang malalim at pinahid ang luha. Umalis rin siya pagkaraan.

Tinapik ni Yaya Mendel ang likod ko. Kahit 'yon lang, naramdaman ko na ang pagdamay niya sa akin.

Ngumiti ako. Magiging ayos rin kami. Hindi man ngayon, pero sigurado ako na magiging masaya ulit kami.

"Hi, Anna."

Nakasimangot siya nang buksan ang gate.

"Nagpunta ka pa talaga, 'no?"

Ngumisi ako. "Syempre."

"Maggagabi na, Kaiden," sabi niya at tumingin sa langit. Nanatili ang tingin ko sa kaniya.

"Alam ko."

Napatingin siya sa akin. "Seryoso ka ba?"

"Seryoso ako sa'yo, Anna."

Crossing Roads Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon