Chapter 1

487 10 4
                                    

Chapter 1 – You

GUMISING ako ng alas kuwatro ng umaga. Ngayon ang unang araw ko sa pag titindera at nakakahiya kay tita kung tatanghaliin ako. Hindi na ako pinagbantay kagabi dahil delikado raw. Si tito naman ang nagbabantay kapag gabi na, kapag lampas na sa alas-6. Kaya mula 5 am hangang 5 pm lang ang trabaho ko. Pero hindi ko alam kapag may pasok na.

Pagkatapos kong maligo at mag bihis ay bumaba ako para mag-almusal. Naririnig ko na rin naman sila tita, hudyat na gising na nga sila. Nakasimpleng pambahay lang ako, t-shirt at black na short.

"Good morning Trista, kain na at magbubukas na ang tindahan maya-maya lang," sabi ni Sasha habang naghahain. Humihikab pa siya at halatang kagigising lang din. Nakapang-tulog pa nga siya at nakapameywang habang naglalakad pabalik sa kusina.

"Morning din." Dahan-dahan akong umupo sa isang upuan pero hindi ko muna ginalaw ang kahit alin dahil hinintay ko pang bumalik si Sasha. Hindi naman siya natagalan at bumalik agad, dala ang sauce ng fried chicken na ulam namin ngayon.

Umupo na rin sila tito at tita na galing ata sa page-eherisyo sa labas kani-kanina bago ko sila marinig.

"Huwag kang mahiya, Trista. Kain na," saad ni tito kaya ngumiti ako at dahan-dahang kumuha ng pagkain habang nakikinig sa kanila. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa kinukuhang kurso ni Sasha ngayon. Hindi hilig ni Sasha ang magtinda kaya halos laging si tita ang nagbabantay, ang problema magiging busy na rin si tita. Balak na sana nilang ipasara na muna pero saktong tuwawag si mama para humingi ng tulong. Agad namang tumalima sila tita, lalo't naniniwala silang 'sa lahat, pamilya ang una'. Kahit kailan ay hindi ko pa sila nakitang mag-away na kagaya ng sa iba, sa tingin ko ay pinagpala talaga ang pamilya namin.

"Hay naku, buti na lang nandito ka na Trista. Kase naman nakakatamad magbantay, tapos yung bibili pa bugnutin. Minsan utang na, galit pa, the audacity!" saad ni Sasha na may pagrereklamo. Kitang-kita sa mukha niya ang pagka-di-gusto sa pagtitinda.
Natawa naman si tita.

"Hay naku, hayaan mo na sila. May kanya-kanya rin kasing problema," saad ni tito. Napaisip ako dahil doon. Tama siya, may kanya-kanyang pinagdadaanan ang lahat ng tao. Kaya hindi maiiwasan ang pagiging hindi maganda na kilos tungo sa iba. Pero kung ganoon sila, hindi ibig sabihin na magiging ganoon ka na rin. Mas mabuti kung it-trato natin ang iba nang mabuti at maganda dahil hindi natin alam ang pinagdadaanan nila.

"Ang kukulit kasi e!" bigay-tudo pa ring usal ni Sasha kay natawa ako nang mahina. Sumimangot siya. "Buti kung kasing bait ako ni Trista, e hindi e. Sarap nilang ihampas sa pa–" hindi niya natapos ang sasabihin nang lakihan siya ng mata ni tita. Natawa ako dahil doon.

Sumubo na lang siya ng pagkain at ngumuso. Tumingin siya sa akin at ngumisi. "Trista, nagka-boyfriend ka na?" tanong nito bigla.

Nagulat ako sa tanong niya dahil wala naman doon ang usapan, gano'n pa man ay agad akong umiling.

"Hindi pa," tanging sagot ko. Ni hindi makalapit noon ang mga kapitbahay naming lalaki sa akin dahil kay kuya at kay papa. Lagi silang natatakot. Kakausapin ako pero kapag nakita na si kuya, biglang aatras at hindi na ulit susubok pa. Naalala ko pa noon na may kaklase akong nagsabi sa akin ba liligawan niya raw ako. Ihahatid niya sana ako noon pauwi pero nakita nito si kuya na hinihintay ako sa may gate. Hindi na ako nito ulit kinausap.

"Ay talaga? May irereto sana ako e." Humagalpak siya ng tawa kaya napailing si tita.

"H-huh? Ayaw ko nga," mabilis kong sabi. Hindi lang naman sila kuya ang rason e. Hindi pa rin talaga ako handa, at wala pa akong natitipuhan doon sa amin.

Nangunot ang noo nito at pinanliitan ako ng mata, pagkatapos ay tumawa ito nang malakas.

"Joke lang, ito naman," saad niya kaya nakahinga ako nang maluwag. Wala pa talaga sa plano ko ang magkipag relasyon sa ngayon.

Whispers of Serenity Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon