Chapter Seven

2 0 0
                                    

Emilia Claudette Boston-Lardizabal

Nasa harap ko si inay. Ang tunay kong mama. Pareho kaming nakaupo sa sofa habang hawak ng isang kamay niya ang pisngi ko, habang ang isa ay sa aking mga maliit na kamay.

"Napakabilis ng panahon, anak. Ang laki mo na," sabi niya.

Hindi ko alam kung bakit maluha-luha ang ina habang ako ay pinagmamasdan.

"Ika'y nagiging madamdamin na naman, Josephina," sabi ni ama kaya naman ay napatingin sa kaniya si ina na kung saan tuluyan nang tumulo ang isang luha mula sa kaniyang mata.

Si ama ay mayroong mababang boses at kung makipag-usap siya sa iba ay tila nangangain siya ng tao, ngunit pagdating sa akin at kay ina ay napakalambing ng kaniyang boses.

"Paano ako hindi magiging emosyonal, Nicholas, kung malaki na agad ang ating anak. Parang kahapon lang ay isa pa siyang bilugang sanggol na kaya ko pang buhatin at ihele, ngunit ngayon ay nag-aaral na siya ng pagtugtog ng biyolin. Napakabilis ng oras, mahal ko. Hindi natin namamalayan ang mga araw. Sa isang kisap ng mata ay baka inilalakad na natin siya papunta sa kaniyang iniibig."

Iniibig?

Napakunot ang aking noo sa aking narinig mula kay ina. Ang salitang 'yon ay hindi bago sa akin. Narinig ko na iyon at saka nabasa sa mga kwento ng mga prinsesa sa silid-aklatan kaya naman ay alam ko na ang kahulugan ng salitang iyon. Natawa si ama sa mga salitang binitawan ng ina.

"Josephina, tunay na malaki na ang ating unica iha, ngunit pupunta lamang siya sa bahay ng kaniyang guro ngayon dahil batid mo namang hindi muna maaaring gamitin ang silid-aralan ni Emilia dahil ito ay iniaayos. Isang linggo lang ito mangyayari at saglit lamang natin siya hindi makikita, ano at kasal na agad ang nasa iyong isipan?" Mapang-asar na ngiti ang ipinakita ng labi ni ama kay ina kaya naman ay mahinang pinalo ni ina ang hita nito.

Naiintindihan kong nag-aalala lamang si ina sa akin sa kadahilanang ngayon lamang ako mawawalay sa kanilang piling. Sabagay ay lagi lamang akong narito sa bahay, pati ang aking mga aralin ay rito sa bahay nagaganap. Kung lalabas man ako ay kasama ko pa rin si ina o si ama.

Ayaw nilang nawawala ako sa kanilang paningin sapagkat ako ay nag-iisa lamang nilang anak. Ngunit ngayon ay dalawang oras akong mawawala sa kanilang paningin ng isang linggo. Kasama ko naman si Aling Dolores, ang personal kong tagabantay, upang ako ay samahan.

Hindi na sinagot ni ina ang tanong ni ama at muling ibinalik ang tingin sa akin. "Mag-iingat kayo, mahal ko. Galingan mo sa iyong pag-aaral, at sa iyong pag-uwi ay sasalubungin ka ni ina at kakain tayo ng paborito mong meryenda habang ika'y nagkekwento sa naganap sa iyo." Tila talang nagningning ang aking mga mata nang sabihin iyon sa akin ni ina.

Ipaghahanda niya ako ng paborito kong tinapay na mayroong palaman na purong tsokolate. Ang purong tsokolate na ito ay hindi basta-basta, sapagkat ito ay produktong galing pang Espanya. Sa kabilang banda, ang tinapay naman ay gawa ng isa sa mga pinakamagaling na panadero rito.

Gusto ko ng gumayak agad upang ako na rin ay makauwi para akin nang makain ang ihahanda niyang meryenda na sobrang sarap.

"Talaga po, inay?" Tumango si ina kaya naman ay ako ay napayakap sa kaniya nang mahigpit. Ginantihan naman ni ina ang yakap ko at saka ibinaon ang kaniyang mukha sa aking leeg.

Humiwalay na ako sa yakap. "Gagalingan ko po para makauwi na rin ako agad at matikman ang meryendang handa niyo."

Nagdaan na ang dalawang oras at tuluyang natapos ang aralin namin ngayong araw ni Lady Ophelia. Ang araw na ito ay kakaiba sa mga nagdaang araw ng aking aralin sapagkat ako ay nanibago. May tatlong batang babae kasi akong nakasama sa aking aralin. Sila rin ay mga matagal nang mag-aaral ni Lady Ophelia na nais matuto ng pagtugtog ng biyolin. Sabi sa akin ng aking guro ay makakasama ko sila ng dalawang araw pa habang iniaayos niya ang iskedyul nila. Dati raw silang panghapon na nagpalipat sa umaga sapagkat may balak umano silang mag-aral ng ballet sa hapon.

Her First and LastTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon