Wintercearig
(png.) kalungkutang maihahalintulad sa lamig ng nagniniyebeng panahon
Mugtong-mugto ang mga mata ko habang inaalala ko kung paano ako naghintay sa lugar na 'yon, kung paano huminto ang ulan, kung paano ako nagpabalik-balik sa bahay nila, kung paano ako naghintay ng dalawang araw sa balita habang nagdadasal, umiiyak, at kung paano ko nalaman na . . .
Wala na siya.
Wala na ang pinakamamahal kong si Yuan.
Naaalala ko kung paano ako tumakbo noong sinabi ng mga magulang niya na nakita na raw yung katawan niya.
At sa harap ng katawan niyang hindi na humihinga na pinupugaran na ng kung ano-anong insekto, humagulgol ako. Hindi ko matanggap. Hindi ko matatanggap na sa ganito siya mawawala sa 'kin.
Nakaupo ako doon, nagbabantay. Ang sakit-sakit pa rin. Ramdam kong lumulutang ako dahil gusto kong gawing panaginip ang lahat, pero alam kong ito na ang realidad ko.
Dumating sina Ciara at Belle. Wala silang ibang nasabi. Niyakap na lang nila 'ko. "Condolence," sabi nilang dalawa bago tingnan si Yuan. Pagbalik nila sa 'kin, niyakap lang nila ulit ako.
"Iwan ko muna kayo," sabi ni Belle. Nanatili si Ciara, hawak-hawak ako sa balikat.
"Ano'ng mas masakit?" tanong ko sa kanya. "Yung hindi mo makita yung mahal mo sa huli nilang sandali"—tumulo ulit yung luha ko—"o yung nandoon ka sa tabi niya habang nakikita mo siyang nawawalan ng hininga?"
Hinawakan ni Ciara yung kamay ko nang mahigpit bago sabihing, "Pareho."
"Bakit?"
"Dahil pareho kang walang magagawa."
"Ciara," bulong ko, "Ciara, ang sakit pa rin."
Niyakap niya ulit ako. Mula kahapon hanggang sa isang araw, ito lang yung nangyayari. Niyayakap lang ako ng mga tao, umiiyak, o di kaya nakakatulog dahil pagod na umiyak.
"Bakit kaya hindi maubos yung luha ko, 'no?"
"Matulog ka na," sagot ni Ciara. "Aalis lang kami pag nakatulog ka na."
"Ano ka ba? Wala 'kong ginawa kundi matulog at umiyak. Nasobrahan na 'ko."
"Tss. Anna naman e."
Nagbigay ako ng isang ngiti.
"Sana . . . sana di na lang pala 'to nag-umpisa."
"Pinagsisisihan mo ba?"
Natahimik ako. Napaluha. Dahil kahit ang sakit-sakit ng nangyari, hindi ko pagsisisihan na minahal ko siya.
"Hindi. Kahit kailan. Hinding-hindi."
Bago sila umalis, niyakap nila ako ulit. Marami pang batchmates ang dumating. Galing siguro sila sa kung saang enrollment. Buti pa sila, nakapag-enroll na. Ako, hindi ko na alam kung paano uumpisahan ang college na masaya.
Habang tinulungan ko si tita na magbigay ng pagkain, biglang dumating sina Kenli at yung iba pa. Nandoon din si Dane. Natutuwa ako na kahit nag-break sila, magkasama sila in peace para dumalaw.
Lahat sila, immediately, niyakap ako.
Tae naman talaga.
Ayokong makaramdam ng yakap ng kahit sino.
Gusto kong maramdaman ang yakap niya—yakap ni Yuan.
Yuan. Bumalik ka na . . . please.
![](https://img.wattpad.com/cover/10950600-288-k607362.jpg)
BINABASA MO ANG
Gakuwesaribig (Book 1 of the Gaku Series) (Published)
Ficción GeneralSi Anna Marie at si Mark Yuan -- dalawang ordinaryong high school student na may karaniwang pangalan. Ang pagkakaibigan nila ay dahil sa pagkakaparehas ng kanilang mga hilig -- sa mga kanta, sa mga libro, sa mga pinakikisamahang mga tao . . . at sa...