Chapter 25: Gakuwesaribig

138K 2.7K 5.7K
                                    

Gakuwesaribig

(png.) pakiramdam na gusto mo gawan ng kuwento ang sarili mong kuwento ng pag-ibig


Kailangang ituloy ang buhay. Kumukuha na ako ng creative writing, at ni isang klase, wala akong pinaglagpas. Pero espesyal ang araw na 'to dahil ngayon ang death anniversary ni Yuan. Nag-cut ako ng klase para bisitahin kung saan siya nakahimlay.

Huminga ako nang malalim at tumingin sa langit.

"Ang ganda ng langit, 'no?" bulong ko sa hangin.

Pagpunta ko roon, may mga bulaklak na. Siguro, dumalaw na sina tita rito sa kanila. Maganda yung araw, maulap.

Binigay ko yung bulaklak tapos nagsindi ng kandila. Ngumiti ako.

"Kumusta ka na? Sayang . . . di ka makakasagot sa 'kin."

Umupo ako sa may damuhan katabi ng batong kinakausap ko. Nandoon lang ako. Doon ako kumain ng lunch, at doon na rin ako nakinig ng music. Matagal-tagal akong walang ginawa hanggang sa napaluha ako.

"Alam mo," sabi ko sa puntod niya, "di ba, sabi mo sa 'kin, gusto mo matutong mag-piano? Pinag-aaralan ko na 'yon ngayon. Kasama nga ako sa org na mahilig sa music."

Kinuha ko yung panyo ko at saka ko na-realize na . . .

"Isang taon na, ganito pa rin ako."

Pumikit ako, at muli, nandoon ulit yung mga alaala. Masakit pa rin at hindi ko rin alam kung bakit sa 'min 'yon ginawa.

Oo—sa amin.

"Para talaga akong sira-ulo. Wala man lang akong video mo o record ng boses mo para marinig ko araw-araw. Miss na miss na kita."

Tumingin ako sa langit. Dumidilim at unti-unti kong naramdaman yung kaba sa dibdib ko. "Pinapaalis mo na agad ako?"

Tapos kumidlat.

"Okey, fine. Pero, please, mga ten minutes pa. Maghahanap pa 'ko ng taxi—"

Plok.

"Sh——."

Tiningnan ko kung saan siya nakahimlay at nagbigay ng isang halik sa isang batong walang kamalay-malay.

"Bye."

Plok. Plok.

At saka ako tumakbo at naghanap ng masisilungan.

Plok. Plok. Plok.

Tumindi nang tumindi yung patak, at naiiyak ako. Para akong mababaliw dahil hindi ko alam kung saan sisilong. Ayokong mahawakan ako ng ulan o malanghap man lang 'to.

Ito—ito yung pinakamalalang nadulot sa 'kin ng pagkawala niya.

Umiyak ako habang may mga patak ng ulan na dumadampi sa braso ko. Bawat patak, parang asido ang tumatama sa 'kin. Sumigaw ako ng tulong pero walang tao sa paligid.

Umiyak lang ako habang tumatakbo hanggang sa—

"Bakit kasi hindi ka nagdala ng payong?" sabi ng isang pamilyar na boses.

Niyakap ko yung taong biglang nagpayong sa 'kin. Sa di ko alam na dahilan, binantayan niya 'ko sa loob ng isang taon. Ang alam ko lang, nandiyan siya para sa 'kin palagi.

"H-hindi ko alam na u-ulan . . . Takot . . . t-takot ako . . ."

Niyakap ko siya nang mahigpit habang nakapikit. Naglagay siya ng earphones sa may tainga ko. Yung earphones na bigay ko kay Yuan.

Sobrang ingay. Hard metal na punong-puno na puro sumisigaw at hindi ko maintindihan yung pinagsasasabi.

Tiningnan ko siya. Parang may sinasabi siya na hindi ko naririnig.

Kinuha niya yung bag ko, at binuhat niya ako sa may likod niya. Tinanggal niya saglit yung earphones para sabihing, "Hawakan mo yung payong. Saglit lang, makakahanap rin tayo ng taxi. Ipikit mo lang yung mga mata mo para di mo makita yung ulan."

Tapos ibinalik na niya ulit yung earphones sa tainga ko at nakita ko siyang ngumiti.

Pero pagkatapos no'n, pumikit na ako.

Sa bawat tapak namin papalayo, lumalayo rin ang puso ko sa tao kung bakit ko nga ba naisip isulat yung kuwentong 'to. Lumalayo ako kay Yuan.

Hinding-hindi ko siya makakalimutan. Sigurado 'yon.

May mga pagkakataon lang talaga na masayang-masaya ka na, pero bigla siyang aalis. Ang masaklap pa do'n, hindi niya ginustong umalis.

Mas masakit pa yata 'yon kaysa sa kahit anong breakup.

Ang hirap magalit sa Diyos. Wala akong karapatan. Pero 'yon ang gusto kong gawin. Sabi nga ng iba, may iba sigurong plano ang Diyos para sa 'kin. Pero tao lang ako, at aaminin kong ayoko ng plano niya.

Siguro, ngayon lang.

Sana, ngayon lang.

Habang tila pagod na pagod sa mga balikat ng taong kumakarga sa 'kin, naisip ko kung ito ba yung plano niya.

Ang daming tanong na bumabagabag sa 'kin, pero wala akong natatanggap na sagot. Gano'n ang realidad—masakit. Pero dito masusukat kung gaano ka kalakas bilang isang tao.

Ang saklap maging isang tao.

Pagsakay namin sa taxi, napapikit na ako nang tuluyan. Nauntog ako, pero hindi ko naramdaman yung sakit doon sa untog ko. Basta ayokong makita ang ulan. Ayoko. Dahil kada nararamdan kong uulan, naalala ko yung araw na 'yon. At ito, hindi ko na rin alam kung paano 'to tatapusin. Dahil yung totoo, natapos na 'to simula no'ng nawala siya.

Mga ilang minuto matapos, naramdaman kong tinanggal niya yung earphones ko. Unti-unti akong dumilat. Nakita kong tumigil na yung ulan.

Tiningnan ko siya at napatanong, "Bakit mo 'to ginagawa?"

Pero ang natanggap ko lang ay isang tapik sa ulo.

***

May mga salita na may kakaibang mga kahulugan, tulad ng mga pangyayari sa buhay natin na hindi natin alam kung bakit kailangan mangyari 'yonpero nangyari pa rin.

Katulad ng kuwento ko, Anna Marie R. Villanueva, at kuwento niya, Mark Yuan V. Yap.

At kung sakaling may mga susunod pang kabanata sa buhay ko, hindi ko na ipagsisiksikan sa kuwentong 'to.

Dahil alam ko na minsan, kailangan ring gumawa ng mga bagong pahina.

Gakuwesaribig (Book 1 of the Gaku Series) (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon