Malalim na ang gabi pero hindi iyon alintana ng mga tao na walang sawang sumasayaw sa gitna ng dilim habang nakisasabay sa indayog ng ritmo na dala ng musika ng bandang sikat na sikat sa lugar namin. Hindi ako sanay sa mga ganitong klaseng event. Mabilis marindi ang tenga ko kaya hindi ko hilig makinig ng music. Iba lang talaga kapag nahihila ka para makisabay sa kanila kahit na ayaw mo naman.
Hindi ko nga alam kung bakit nasali ako sa circle of friends na opposite sa ugali at mga hilig ko.
Ngayon, nasaan na sila? Iniwan na lang ako mag-isa at nasa kani-kanila ng mga mundo. Ako naman ay hindi magawang makisabay sa hindi pamilyar ngunit kahit papaano ay nakaaakit na musika.
Nakatayo ako sa gilid at hindi alam ng mga mata kung saan titingin. Sa iba't ibang kulay ba ng mga ilaw na ang liwanag ay papalit-palit ng direksyon, akala mo'y parang nasa party o bar. Pero baka dahil sa lalaking kanina pa agaw pansin sa akin. Kung ihahambing mo ang mga mata ko sa isang bagay, para itong kasing linaw ng salamin. Hindi ko maipagkakaila na hindi magpatay malisya sa pagtitig niya sa akin na kahit nasa malayo ay kapwa parang abot namin ang isa't-isa.
Hindi ko siya kilala.
Hindi siya ang may-ari ng tinig na puwedeng makapagbigay sa'yo ng hindi matawarang pahinga na sasabay sa layaw ng kaluluwang naliligaw. Hindi rin siya ang may-ari ng kamay na may mahahabang daliri na humahabi sa mga kuwerdas ng gitara na nagpapadagdag sa lamig ng musikang hatid ng mga awitin nila o kaya naman ang taga-piyano na puwedeng maging mahinhin o maging rakista dahil sa haba ng buhok nito.
Pero siya ang tunay na rakista sa kanila — ang unaagaw sa pansin ko.
No'ng una, hindi ko siya dahil dumidilim kapag kalmado ang awitin. Ilang mahinhin na awit din ang inawit nila bago nagsayawan ang lahat dahil sa panibagong musika nila na may kakaiba at masayang indayog sa mga tagapakinig.
Doon ko nakita ang mapupungay niyang mga mata. Hindi siya maputi, hindi rin naman maitim. Kung gayon, edi kayumanggi siya! Hindi lang talaga ako sigurado, masyado niya kasing dinudulo ang sarili.
Ang nag-iisang drummer ng banda. Sa bawat hampas niya'y kakaiba ang hatid niyon sa akin. Nakasuot siya ng itim na t-shirt, itim na pants, iilang pilak na kuwintas at purselas, ang iba ay yari sa balat ng puno o halatang sariling gawa. May apat na hikaw siya sa dalawang tenga at isa sa ilong. Iilan lang ang mga iyan sa hindi ko makalilimutan sa mga oras na ito.
Nang matapos sila, napagdesisyunan kong hanapin at magpaalam na sa mga kasama na wala pa atang balak na umuwi. Napag-usapan namin na sabay-sabay sanang uuwi dahil malalim na ang gabi pero mas gugustuhin ko na atang ipahinga ang sarili kesa manatili. Mukhang hindi ko na sila mahihintay pa.
Hindi ko masabing naenganyo ako sa mga nakita pero sige, hindi ko rin naman masabing hindi.
Papalabas na ako ng event center kung saan ginaganap ang mini concert ng banda nang may nakabangga ako. Napayuko ako sa hiya at saka humingi ng pasensiya sa kaniya. Kita ko lang ang mga singsing niya sa lahat ng daliri ng kamay niya. Sa may likod ng kanang palad ay may tattoo siyang itim na nakasulat sa mga letrang hindi ko maintindihan pero pamilyar. Ano kasing tawag sa alpabeto natin noon? Alibata ba? Baybayin?
"Ayos lang," sagot niya. Akma sana siyang lalapit nang mabilis akong tumalikod at naglakad palayo. Baka kung ano ang gawin niyon sa'kin. Delikado na talaga ang panahon ngayon.
Nagmamadali ako sa paglalakad nang maya-maya pa ay may narinig ako mula sa stage. Napagtanto ko na hindi pa pala ako masyadong nakalalayo dahil sa dami at siksikan na mga tao. Kanina pa ako naiirita na ako pero bigla na lang nawala iyon dahil sa narinig. Hindi ito ang boses ng mang-aawit ng banda.
Habang naglalakad ay lumingon ako sa pinagmumulan ng boses. Malinaw ang ilaw at makikita ang kabuuan ng stage na may nakatayong isang lalaki. Nakangiti ito sa amin pero kitang-kita na hindi mapakali ang mga mata niya. Para bang may hinahanap siya sa kumpol-kumpol na mga taong kaharap niya.
Napatigil ako sa paglalakad at nawala ang lahat ng iniisip.
Nagpasalamat siya sa mga dumalo ngayong gabi at nagpakilala bilang drummer at lider ng banda nila. Sinabi niya ang tunay niyang pangalan na hindi naman gawain ng mga sikat na personalidad na katulad niya. Napasinghap at nagulat ang lahat.
Maging ako na ngayon lang sila nakilala ay nagulat.
Nahuli niya ang mga mata ko. Nakatitig lang siya sa akin sabay ulit niya sa pangalan niya.
"Noa Gonzales."
Ayokong mag-isip ng iba.
Pero parang sa akin niya sinasabi ang pangalan niya. Na sinadya niya na pumunta roon at magpakilala sa akin.
Sinabi niya na may nakabangga siya kanina na hindi man lang siya tiningnan. Nagbulungan ang mga babae na malapit sa akin na ang kapal naman daw ng mukha ng nakabangga ng binata para hindi ito tingnan. Bumilis naman ang tibok ng puso ko. Tiningnan ko ang mga daliri niya sa kamay at pamilyar na tattoo. Isa lang ang alam ko, nasusulat nga iyon sa baybayin na alpabeto.
Dagdag niya pa na kung magkakabanggaan ulit sila ng taong iyon, sana ay tingnan na siya nito. Bahagyang napatili ang mga nakikinig dahil sa lawak ng ngiti ng lalaking iyon.
Parang ayoko pa atang umuwi ngayon. Bahagya kong kinurot ang sariling tagiliran. Hibang ka na!
Hindi ko pa siya kakilala at hindi niya pa talaga ako nakikilala. Sikat din siya, malinaw na rason na hindi tugma ang mga mundo namin.
Ano ngayon ito?
Nagkuwento pa ang lalaki at nag-anunsiyo ng ilang bagay para sa mga upcoming events nila. Nasabik ang lahat. Weird dahil pati ako ay parang nasabik din. Aaminin kong hindi ko tipo mga kanta nila, pero ready na akong makinig.
Guguhit na sana ang masayang linya sa mga labi ko nang may marinig pa akong panibagong bulong malapit sa akin.
Nakakikilig naman daw talaga ang lalaki dahil maginoo't mabait ito. Maswerte ang babaeng nakabangga dahil halatang tipo ito ng lalaki. Oo, maswerte talaga ang babaeng nakabangga... kung ang lalaki ay walang sinisintang iba.