Tirik ang araw na nagsasanhi ng nagkalat na pawis mula ulo hanggang balikat na tumatalsik sa katatakbo at katatalon para mai-shoot ang bola ng mga manlalaro sa basketball na nag-eensayo ngayon sa isang open court. Kabilang ako sa mga manlalarong iyon.. pero hindi.
Ako at si Mark ay identical twins. Sa aming dalawa, siya lang ang bukod-tanging naging varsity ng basketball. Sa kasawiang palad, hindi ako naging kabilang kahit na gustong-gusto ko ang larong ito. Kinukuha kasi rito ang mga lalaking malakas ang appeal, maangas mag-ayos at pumorma at sikat na sikat pagdating sa kababaihan na tinataglay ni Mark. Kahit na magkamukhang-magkamukha kami ay hindi ko ipagkakaila na mas angat ang ayos ng itsura niya kaysa sa akin. Ang hairstyle niya ay tampok sa kagustuhan ng mga babae at ang akin naman ay parang nerd na kagagaling lang sa pambubugbog ng mga bully. Kubit din ang ngipin ko. Nagpadagdag pa sa kabaduyan ko ang salamin na nakasuot sa aking malalabong mga mata na napakapal ng lenses, hindi tulad ng kakambal ko na kasinglinaw ng salamin ko ang mga mata. Sa madaling sabi, malaki ang pagkakaiba naming dalawa.
Sa iisang bagay lang siguro kami nagkasundo, ang pagbaliktarin ang buhay na mayroon kami. Hindi niya gusto ang pangalan na Mark at hindi ko rin gusto ang pangalan na Ray. Nagsawa na raw siyang tingnan lagi ng mga tao at i-meet lagi ang expectations ng mga ito. Ayaw na raw niya ng magulo at maingay na buhay na sumisira sa sistema na mayroon siya. Dala na rin siguro ng social pressure at kauhawaan sa pagmamahal ng aming mga magulang na sa tingin niya ay sa akin lang binubuhos kaya niya naisip na gawin namin ang bagay na ito. Siya ang nagplano at nag-organisa ng ganitong paraan para magpalit ang identidad naming dalawa. Hindi ako tumutol sa proposal niyang iyon dahil kung ako naman ang tatanungin ay inggit na inggit ako sa kanya. Hindi ko kailangan ang atensyon ng mga magulang namin dahil kahit saan dako man ako magpunta at maligaw, sila pa rin naman ang aking babalikan. Mahal man nila ako o hindi, tatanggapin pa rin nila ako dahil anak ako. Ang mas kailangan ko ay ang buhay na kung saan hindi ako kukutsain at mamaliitin.
Kung nahihibang na kaming magkakambal, ang masasabi ko lang ay kapwa kami hindi nakukuntento sa kung anong meron kami. Nais namin ang uri ng pagmamahal na higit pa sa aming natatanggap.
Sa umaga, pinagbabaliktad namin ang aming mga katauhan at sa gabi lang kung kami ay babalik sa kung sino kami, kapag nasa sarili ng mga kwarto. Sinimulan namin ang ganitong klaseng buhay nang pumasok kami sa mundo ng high school... sinimulan naming linlangin ang mga taong nakapaligid sa amin.
Lalo na ang nag-iisag tao na kapwa minamahal naming magkapatid.
Bilang Mark sa umaga, ako ang dumadalo sa ensayo ng mga manlalaro sa basketball. Ako rin naman kasi ang nakikilahok sa totoong kompetisyon laban sa iba't-ibang paaralan. Ito ang hilig na hilig ko na kailanman ay hindi nahiligan ni Mark. Ayaw niya ng atensyon ng iba pero ito na mismo ang lumalapit sa kanya. Ngayon ay mas gugustuhin niya ang maupo sa sulok, makinig ng musika o 'di kaya naman ay magbasa ng kung ano-anong librong makita niya.
Ah, akala ko nga kung ano-anong libro lang iyon na nakikita niya... hindi pala.
Doon ko unang nakita ang isang babae na nagngangalang Mika na binibigyan siya ng libro paminsan-minsan at kung may pagkakataon man. Paanong hindi ko malalaman ay dahil panay ang obserba ko sa babae habang panay naman ang tingin niya sa kakambal kong nasa katauhan ko. Hindi ko mawari noong una, pero mas pinili ko na lang na hindi bigyan ng puwang o butas sa sistema ko. Naisip ko na marami naman ang babaeng nagkakandarapa sa akin dahil basketball player ako at iisa lang ang kay Mark dahil mas pinili niya ang ganyang klaseng pagkakakilanlan.
Hindi iyon kawalan. Hindi na masama. Baka nga siguro'y ito pa ang mabuti... kahit hindi tama.
Dahil sa pangalan na taglay ko, marami akong nabibihag na dilag na sinasaktan ko lang kinalaunan. Hindi nagtatagal sa akin ang isang babae ng dalawang buwan, papalitan at papalitan ko rin. Hindi ko alam. Hindi ako makuntento o baka naman hindi ko mahanap ang hinahanap ko. Ano bang hinahanap ko? Hindi ko rin mawari kung ano iyon.
