'To the most beautiful woman I've ever seen.'
- Noa
Ito ang mga katagang nakasulat sa isang pirasong papel na nakadikit sa kahon na nagsisilbing lagayan ng isang pares ng mamahaling sapatos na kulay abo at kapwa may disenyong ribbon sa gitna. Kumikinang ang pabalat nito at may kakaunting takong sa talampakan. Sa kabila ng aking natanggap na regalo ay hindi ko magawang ngumiti. Hindi ako natutuwa sa sarili ko at sa mga nangyayari.
Nakatatakot mahulog sa isang gaya niya. Para bang imbis na hatakin ka niya sa pagkakalunod sa kawalan ay baka lalo ka pa niyang lunurin.
"Ay shala! May regalo ang ate Claire niyo." Nakuha ni Leah ang atensyon ko, isa sa mga kaibigan ko na patay na patay sa banda, lalong-lalo na kay Noa. Hindi ko siya pinansin at inayos muli sa dating ayos ang regalo sa akin. Ibabalik ko iyon sa kanya dahil hindi ko naman matatanggap. Hinding-hindi ako tatanggap ng kahit na anong bagay sa lalaking alam ko na sa simula pa lang ay kitang-kita mo na ang baho.
"Anong ginagawa mo? Ayaw mo ba? Akin na lang!" Sabik niya itong kinuha sa akin ng walang pahintulot saka walang pasubaling binuksan at isinuot sa dalawang paa. Naglakad-lakad siya at nag-model sa harapan ko. Gusto ko siyang irapan, hilahin ang sapatos sa kanya at itulak siya pero batid ko sa sarili na hindi ko iyon magagawa. Nang matapos niyang pagsawaan ang suot-suot na sapatos ay hinubad niya ito at saka niya isinauli sa lagayan nang basta-basta lang. Pagpapasensiyahan ko na sana siya pero nagsimula na akong mainis nang kunin niya ito at ngumiti nang pagkatamis-tamis.
"Akin na lang since ayaw mo naman. Thanks, bestie!" Hinalikan niya ang pisngi ko saka mabilis na umalis sa harapan ko dala-dala ang regalo ni Noa sa akin. Huminga ako nang malalim para maibsan ang inis na nararamdaman saka inayos ang sarili.
Bahala na. Hindi ko kukunin ang sapatos na iyon sa kanya.
Simula kasi nang mangyari ang gabing iyon ay hindi na ako tinigilan ni Noa. Ang mas mahirap ay noong narinig ko ang mga bulungan sa tabi ko tungkol sa kasintahan ng lalaki ay saka kamalasan naman na may lumapit sa akin. Naging dahan-dahan ang pagkilos ng lahat, pati kung paano siya maglakad palagpas sa akin. Hindi magkamayaw ang mga luhang pumapatak mula sa kanyang mga matang nagmamarka ng hinagpis at lumbay. Doon ko napagtanto kung sino ang babaeng iyon.
Walang mga salita ang nagpaliwanag ngunit detalyado sa aking paningin ang siyang nagpalinaw ng kung ano ang pinasok ko. Pagkatapos no'n ay ilang araw ang nakalipas, nabalitaan ko na hiwalay na sila.
Her name is Ana, lovely, like her. Pero sa panandaliang pangyayaring iyon ay ang aking naging saglit na pagkakamali. Nasaktan ko ang dalaga at kahit hindi ko iyon sinasadya ay nakararamdam ako ng pagsisisi. Kasi aaminin kong nadala ako sa lalaki.
Sana ay hindi na lang... nakaiinis talaga.
Nadala ako sa isang lalaking hindi marunong makuntento sa isa. Muntik na akong nahulog doon. Ayan ang mahirap sa mga lalaking gaya ni Noa dahil kapag nahulog ka sa kanilang mga patibong, wala kang matitira para sa sarili mo.
Panahon naman ng tag-init pero nakararamdam ako ng sobrang lamig sa buong katawan lalo na nang malaman ko ang pinakadahilan ng kanilang hiwalayan. Ang akala ni Ana ay nakikipagkita ako ng palihim sa nobyo niya na wala namang katotohanan. Kahit kailan ay hindi ako sumang-ayon na makipagkita sa ganoong klaseng lalaki kahit pa pinipilit ako nito sa mga text messages at pagtawag niya na hindi ko sinasagot.
Naninikip ang dibdib ko at tila hindi makahinga. Ano ba itong ginawa at pinasok ko? Pero nang malaman ko naman na delikado ang tatahakin ko ay umatras ako. Kaya wala akong ginawang masama! Ngunit tila wari'y bakit ganito?
Hinanap ko ang dalagang nagngangalang Ana. Kahit na mukhang illegal ay nangolekta ako ng mga impormasyon at datos tungkol sa babae at dahil doon ay natagpuan ko siya. Pumunta ako sa lugar kung saan siya nakatira at hindi naman ako nagkamali. Hindi rin nasayang ang pagod ko nang makita siya sa isang parke. Handang-handa na akong magpaliwanag sa kanya.
Mag-isa siyang nakaupo sa isang bench habang nakatingin sa mangilang bata na naglalaro at nagtatakbuhan. Suot niya ang bulaklaking bestida na kulay malinaw na asul at bahagyang nakapusod ang buhok niyang hanggang balikat. Ang ganda-ganda niyang babae, para siyang buwan na magbibigay linaw sa madilim mong gabi.
Kahit na kinakabahan at nangangatog ang mga binti ay pinilit ko na lakasan ang loob at ihakbang ang mga paa palapit sa kanya. Hindi pa man ako nakalalapit ay saksing-saksi ko na ang ngiti niya sa pinapanood na siyang nagpakuyom ng kamao ko. Paanong naatim ng Noa na iyon na saktan ang tulad niya? Nakagagalit, nakaiinis.
Huminga ako nang malalim at saka nagpatuloy sa planong paglapit sa kanya nang may mauna sa akin. Isang matangkad na lalaking kulot na nakasakay sa bisikleta at may bitbit na isang plastik na may lamang dalawang milk tea ang dumalo sa kanya. Ang kaninang matamis na ngiti ng dalaga ay lalo lumawak at mas tumamis nang makita ang lalaki. Napahinto ako sa paglapit sa kanya at pinagmasdan silang dalawa.
Kapwa silang masayang nag-uusap at pinagmamasdan ang mga batang naglalaro pa rin hanggang ngayon. Napakaganda nilang pagmasdan na magkasama. Doon ako tumalikod at ibinasura ang plano. Hindi ko na guguluhin pa si Ana.
Masaya na siyang muli ngayon kasama ang lalaking iyon. Mukhang ito ang patunay ng kasiguraduhan na nakalimutan na niya ang dating nobyo at maligayang tumatahak sa panibagong daan na iiwas sa kanya sa kasakitan.
Mabagal akong naglalakad papunta sa paradahan pauwi. Nagmuni-muning bahagya hanggang sa maisip na mas mabuti pang hindi na magtagal dito at piliin na umuwi at manahimik na lang. Nakatatawang isipin na parang ako na lang pala ang may diperensiya sa saglit na pagkakamali ko. Ako na lang din pala ang apektado rito? Parang gusto kong sabunutan ang sarili sa nahihinuha.
Ilang buwan na akong naiinis...
Hindi na rin ata matatagal ang inis ko hangga't nabubuhay dahil sa nakita. Ang lalaking dapat ay hindi na ako ginulo simula pa lang ay narito't nakasalubong ko pa. Gulat na gulat siya na nakatitig sa akin habang mangilang beses ang pagkurap na animo'y isa lang akong panaginip sa kanyang paningin. Hindi niya ba alam na ako ang mas nagimbal sa kanya at sa kahawak kamay niyang kasama na kapansin-pansin ang suot na pamilyar na sapatos na minsan ay hindi ko ninais na suotin. Hindi ko rin inaasahan na siya ang magiging puno't dulo ng lahat.
Muntik na akong masira dahil sa'yo, Leah!
