Track 2. Missing Aircraft 260-702

16 1 5
                                    

Sa mundong nag-uugnay ng iba't-ibang tadhana ay matatagpuan tayong dalawa. Magkakilala lang sa pangalan pero ang mga atensyon ay sa iba nakalaan. O baka ikaw lang ang ganoon?

Ang sabi ng mga kaklase natin, mabait ka. Pero bakit naman ibinuga mo sa'kin ang milktea na iniinom mo? Ang sabi mo sa kasa-kasama mong kaibigan na kulot ang buhok ay hindi mo gusto ang lasa kaya hindi mo napigilan na iluwa at itapon ang laman nito. Pero kailangan ba talaga, sa akin pa? Bastos! Hindi ka man marunong mag-sorry.

Nag-aalala ka sa akin pero hindi mo naman magawang magsalita na parang ipinapakita mong napaka-sincere mong tao pero hindi naman. Mangiyak-ngiyak akong nilagpasan siya at lumabas ng classroom para lang takasan ang kahihiyan na ginawa niya na ako ang pumasan. Wala kasi siyang hiya!

Gamit ang tuyong diyaryo na hiningi ko sa janitor ay nilinis ko ang sapatos kong malagkit-lagkit at mabasa-basa pa. Sumunod ay pumunta ako sa banyo na kahit kailan ata ay hindi napondohan ng tubig. Barado na naman! Ang baho. Ang baho-baho sa banyo! Josko.

Akala ko nga magiging biktima na ako ng bully simula nang araw na 'yon pero laking pasasalamat ko na lang na hindi nangyari. Akala ko bully king siya. Mabuti na lang at hindi. Pero nakaiinis pa rin ang pinaggagawa niya.

Ang sabi ng mga kaklase natin ay gwapo ka. Ilang beses kitang ninakawan ng tingin para masiguro kung tama ba ang sinasabi nila o ako lang ba ang hindi bulag. Nang mangilang beses kong pagmasdan ang pinagmamalaki mong itsura ay parang gusto kong i-déjà vu vibe sa'yo kung paano mo ibinuga sa'kin ang milktea na iniinom mo noon. Ano kayang mararamdaman mo? Sino kasing nagsabi na gwapo ka? Ah, 'yong mga bulag ba?

Kasingtangkad mo ang isang unggoy na nagliliwaliw sa isang malaking puno na walang kasamang ina. Ligaw, kumbaga. Hindi rin magkamayaw ang malaking nunal na nasa gilid ng ilong mo, sa kaliwang bahaging pisngi. Kung hindi lang din dahil sa apelyido mo, aakalain kitang kabilang sa mga katutubo. Well, dugong Pilipino. Pure Pilipino ka no'n, ayaw mo pa ba? Hindi kulot ang buhok mo na kahit papaano ay ikinatuwa ko. Naiinis din kasi ako sa kasama mong kulot, lagi ring nakatingin sa akin. Inaano ko ba siya? Bagay talaga kayong magkasama. 

Sinong mag-aakala na baliw na baliw sa'yo ang mga mga babae nating kaklase?! Nagkakalokohan ata tayo rito. May gayuma ka sigyurong ginagamit. Pwes, walang epek sa akin 'yan.

Ang sabi ng mga kaklase natin ay mayaman ka kaya ka mapagbigay. Sabihin mo sa akin, kailan ka nagbigay? Bakit hindi ako kasama sa mga binigyan mo? Grabe ba talaga ang init ng ulo mo sa akin? Hindi ko maipagkakaila ang katotohanan na mayaman ka. Diyan lang ako hindi against. Oo, mayaman ka. Pero, teka lang. Mapagbigay? Ibang usapan na ata 'yan.

Unang beses kitang nakita na nagtatakang nakatingin sa isang puno na parang bata. Gusto ko pang matawa nang malakas. Para kasing papasukan na ng langaw ang bibig mong nakanganga. Ginoo, anong tinitingin-tingin mo sa malaking atis?Nag-iisip ka ba kung kukunin ng kamay mo 'yan? O hihiga ka at hihintayin mo na lang na mahulog tulad ni Juan?

Isang kang katatawanan. Iyan ng una kong impresyon sa'yo. Malay ko bang magiging kaklase kita? Ang liit naman ng mundo. No'ng una, gusto kong mapalapit sa'yo kaso ikaw na mismo ang kusang lumalayo. Sa kalalayo mo, nagmumukha na akong bacteria. Sa buong klase, ako lang ang hindi mo kinakausap. Kaya paano mo ako bibigyan ng kung anong meron ka?

Minsan gusto kitang prangkahin sabay tiris sana sa nunal mo... kung puwede lang talaga, dati ko pa sana ginawa.

Ang sabi ng mga kaklase natin na balang araw ay magiging isa kang eroplano. Anong ibig sabihin nila ro'n? Napakawirdo.

Ito ang hindi ko malaman, kung paano sasagutin ang sariling katanungan. Pero minsan isang araw, bigla ko na lang napansin ang bag mo. May eroplanong keychain. Iyon ba ang dahilan kung bakit sinabi nila na magiging isang eroplano ka? Ah, pagiging piloto ba ang pangarap mo? Sumakit ang ulo ko kaiisip dahil ayokong isipin na piloto talaga ang pangarap mong kurso. Ang taas ha?

Lost WomenWhere stories live. Discover now