Noong bata ako, hindi napalis ng malaking hangin ang kaisipan na sana ay ipinanganak na lang ako na lalaki. Hindi dahil iyon talaga ang gusto ko kundi dahil maraming naniniwala na mas angat ang kakayahan ng kalalakihan kumpara sa kababaihan. Hindi limitado ang kanilang kilos, ang lakas, ang pag-uugali na mayroon sila, ang natural na talino at awtoridad na mula kapanganakan ay pagmamay-ari na nila. Subalit sa paglipas ng mahabang panahon ay unti-unting nagbabago ang lokasyon ng bagyo na kung dati ay sa mga lalaki lang ang pokus ng atensyon, ngayon ay humahabol na ang mga babae. Marami na ring nagsilitawan na ibang kasarian na sinisikap na iangat ang kanilang bandera. Lahat tayo ay may kanya-kanyang pinaglalaban, lahat din ay may iba-ibang pinaniniwalaan pero ano nga ba ang tama? Subalit ang mas nais kong itanong ay kung may tama nga ba sa mundong ito? Tila wala kasi akong mahanap.
"Claire?" Kapwa sambit ng dalawang tao na nasa harap ko ngayon at ang mas masaklap, kilala ko at may konting puwang pa ang mga ito sa buhay ko.
Ayoko sa katauhan ng isang babae, ayoko rin sa katauhan ng isang lalaki. Saan ako nababagay?
Ito ang nasa isip ko habang pinagmamasdan lang si Noa na malalaki ang butil ng pawis na namumuo sa noo at si Leah na hindi man lang makatingin sa akin. Pinasadahan ko ng tingin ang suot niyang kulay abo na sapatos na siyang napansin naman niya kaya kahit pasimple niya itong tinatago sa akin ay hindi matago-tago dahil simbolo lang naman iyon ng lantarang baho na mayroon siya.
Ngingiti ba ako sa kanila? Nakaiilang naman. Ano ang sasabihin ko? Hi? Hello?
Nakaramdam akong muli ng pagkabagot, hindi rin komportable tulad ng kung paano ang naramdaman ko nang mga panahon na nakikinig ako sa mga awitin ng banda ni Noa. Ang saglit na kagustuhan ko na makilala ang lalaki ay napalitan ng pangmatagalan na poot.
Paano na lang kung makita sila ni Ana ngayon?
Nang maisip iyon ay natuliro ako. Hindi imposible na mangyari iyon. Ayokong masaksihan muli ang mga matang puno ng sakit at lumbay. Sana ay hindi na sila magkita pa. Pakiusap... nakikiusap ako.
"Hey." May humawak sa balikat ko. Walang pasubali akong tumingin dito diretso sa likod na kung saan ay makikita si Ana na nakatitig sa akin pagkuwa'y kay Noa at sa kasama nito. Katabi naman niya si Nore na seryoso lang din ang tingin sa dalawa.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Literal na sana akong pipikit nang mapatingin ako sa mga mata niya. Walang ekspresyon.
Hanggang balikat ang itim at natural niyang bagsak na buhok. Bilog na bilog ang mga mata na humahalo sa kulay tsokolate at itim. Mahahaba ang pilikmata at may kakapalan ang kilay na hindi na nangangailan ng eye brow para lang kumapal.
Siya si Ana.
Iyon din ang pinakaunang beses na nagkaroon kami ng interaksyon. Sa isang simpleng "hey" niya ay hindi ko alintana na maraming magbabago.
Marami siyang binago sa akin.
Bago nga lang niya nagawa iyon ay sa tingin ko, malaki ang naging ambag ko para sa sarili niyang pagbabago.
Hindi ako umalis sa tabi niya nang inamin niya sa akin na gusto niya si Nore. Sobra ang suporta ko sa kanya nang mga oras na iyon dahil naniniwala akong si Nore ang magbibigay sa kanya ng mga puwang na may kakulangan sa kanyang buhay. Naniniwala akong si Nore ang nawawalang piraso na matagal na niyang hinahanap para mabuo ang sarili.
Ngunit tila ako rin ay naguluhan nang magkagusto rin siya sa pinsan kong si Peter. Doon na napakunot ang noo ko. Anong ginagawa niya? Bakit mas gumugulo ata siya.
May parte sa akin na nagnanais na husgahan ang taong tulad niya. Kung ayokong nakikita siyang nasasaktan, mas ayokong makita na masaktan ang pinsan ko. Sa likod ng aking namumuong mga negatibong kaisipan ay mas pinili ko pa rin na siya'y pakinggan.
Hindi ako umalis sa tabi niya. Mismo ako'y nakukulangan sa sariling liwanag na dala datapwat maging siya ay walang-wala, binuwis ko ang mumunting liwanag na iyon para sinagan siya.
Hinanap ko siya.
Masyado na akong malayo sa pinanggalingan ko. Nananatili na lang ako sa tabi niya, hindi iniwan at patuloy na binigyan ng liwanag.
Hinanap ko siya sa pinakadulu-duluhan... para samahan siyang makabalik sa parteng may kaliwanagan.
Ako naman ata ngayon ang nawala... ako ang naguluhan sa sarili.
Minsan isang maulan na gabi, pinasyalan ko siya sa kanila kahit na napakalayo ko. Hindi kasi ako mapakali dahil ang huling pag-uusap namin ay hindi na raw niya kaya. Nang umamin si Nore sa kanya ay hindi niya ito tinanggap. Tinapon niya ang kapwa nararamdaman sa lalaki at sa pinsan ko. Kasabay pa ang pagbuhos ng matinding pressure na nararamdaman niya sa loob ng kanilang bahay at eskwelahan. Hindi alam ni Eyang kung paano masusuportahan si Ana kaya maging ako na kahit nanganganib din sa sariling kadiliman ay pinasok ko pa rin ang mas madilim niyang kalawakan.
Wala siya sa kanila... sobra ang kabalisahan ko nang malaman iyan. Tinakbo ko ang lokasyon ng bahay nila papunta sa parke na tambayan nila ni Nore pero hindi ko siya makita.
Hindi ko tipo ang umiyak pero sa mga oras na iyon, gusto kong humagulgol at sumigaw. Daig ko pa ang pinatay ng tatlong beses dahil hindi ko alam kung anong gagawin. Nasaan na ba siya?
Mas lumalakas na ang buhos ng ulan pero hindi pa rin siya mahagilap ng aking paningin ni ang anino niya. Pinuntahan ko na ang lahat ng tambayan pero wala siya. Iyon naman pala, nasa terrace siya ng bahay nila Nore... masaya ang dalawa na humihigop ng kape.
Ang parang tatlong beses na pakiramdam ng pagpatay sa akin ay umulit-ulit pero hindi ko maramdaman ang sakit.
Ang kaninang kabalisahan ay nawala, ang bigat ng nararamdaman ay naglaho rin ng hindi ko nalalaman. Nawala ang lahat sa loob ng aking dibdib. Tila wari ako ay namanhid.
Habang pinagmamasdan ko ang dalawa, unti-unting sinabayan ng aking mga nanlulumong mga mata ang sunud-sunod na patak ng ulan. Nang gabing iyon, doon ko napagtanto... ayoko sa katauhan ng babae, ayoko rin sa lalaki. Subalit ang hindi ko pagkagusto sa idea na iyon ay siya pa lang nasa akin ngayon.
Siya ang hinahanap ko. Siya pala ang gusto ng aking puso.
Agad din akong sumuko... batid kong wala rin naman itong patutunguhan. Malamang at sa malamang, matatapos ang gabing iyon na naayos na nilang dalawa ang relasyon. Ako? Panonoorin ko na lang siyang maglakad na animo'y papunta siya sa aking direksyon pero hindi. Pagmamasdan ko na lang ang marikit niyang ngiti na ibibigay sa iba, sa tunay niyang minamahal. Tatanawin ko na lang din ang malaliman niyang pagsulyap sa taong hindi naman ako at papangarapin ko na lang ang isang pilak ng singsing na kapwa nakasuot sa aming mga palasingsingan.
Ang 'siya' na aking hinahanap-hanap... ay sa panaginip ko na lamang matatagpuan.