Pinagmamasdan ko si Ana na tahimik na nakaupo sa isang sulok pero abala sa pagkakalikot ng cellphone. Nakangiti siya at minsan ay bubungingis na parang kinikilig. Sa nakikita ko ngayon, hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Magiging masaya ba ako dahil sa wakas ay wala na ang bakas ng kakambal ko sa puso niya? O magiging malungkot dahil sa naudlot nilang istorya?
Dalawang taon matapos pumunta sa Canada si Daniel para magpagamot sa iniindang sakit kaya ako ang pumalit sa kaniya na bumalik sa Pilipinas. Hiwalay na ang mga magulang namin at dahil do'n, pinahatian kami ng mga ito. Kay dad siya at ako naman ay kay mom. Mukha ngang nagkaayos sila mom at dad nang malaman na may sakit si Daniel. Nang bumalik siya rito, kinuwento niya sa akin ang tungkol kay Ana, ang babaeng hindi niya magawang lapitan.
Torpe ang kuya niyo.
Unang nakita ni Daniel si Ana nang naglalakad ito habang kasalukuyan siyang nakasilip sa puno ng atis. Mahilig si Daniel sa mga ibon kaya nang makita niya na may pugad doon ay talagang pinagtuonan niya ito ng pansin maliban na lang nang mga oras na 'yon. Kahit na nakatingin si Daniel sa pugad na nasa puno ng atis, ang buong atensyon naman niya ay nasa babae. Maiksi ang buhok, kayumanggi ang balat, parang elementary raw ang height, siga kung maglakad pero bakas na bakas ang pagkababae nito kahit na para ring tibo. Hindi ko makalilimutan ang ekspresyon ni Daniel habang kinukwento niya si Ana. Sa tuwing magnanakaw raw siya ng tingin ay maasim daw ang mukha nito na titingin sa kaniya kaya kunwari ay sa iba siya nakatingin kahit na ang totoo ay pinasadahan na niya ito ng sulyap. Iniisip ni Daniel na baka may galit sa kaniya ang babaeng gusto niya sa hindi malaman na dahilan kaya naman takot at duwag siya na unang lumapit dito.
Ramdam na ramdam ko kung gaano kagusto ni Daniel si Ana. Gusto ko nga siyang bulyawan at sabunutan nang mga oras na nagkukuwento siya tungkol sa babaeng gusto dahil kahit minsan ay hindi man lang daw niya ito kinausap. Kung hindi ko ito kakambal ay kanina ko pa siya binatukan. Sa aming dalawa, ako ang unang lumabas kaya ako ang ate kahit hindi ko bagay. Sa kabila ng mga biruan naming dalawa ay naaawa ako sa kalagayan niya. Kahit sa huling sandali ay hindi niya nakausap si Ana maliban na lang sa sulat na ibinigay niya rito.
Maging ako ay hindi alam kung ano ang laman niyon. Tanging si Daniel at Ana lang ang nakaaalam.
"Karen!" agaw ni Ana sa atensyon ko. Masaya siyang lumapit sa akin kaya ginantihan ko rin siya ng ngiti.
Nang makauwi sa Pilipinas ay sinadya ko na lumipat sa eskwelahan kung saan nag-aaral si Daniel at makikita si Ana. Hindi ko rin naman inaasahan na magiging kaibigan ko siya sa paglipas ng panahon. Kailan nga ba kami nagsimula?
Ah, naaalala ko na. Isang taon na ang nakalilipas nang mamaalam si Daniel. Kapwa kami humahagulgol ni Ana, kapwa hindi makapunta sa Canada at kapwa walang magawa sa tadhana na ipinataw sa kaniya.
Masaya na rin ako dahil nakabuo kami ni Ana ng pagsasamang hindi natural... kasama ang babaeng laging tulala sa pintuan ng classroom namin.
"Tingnan mo si Mika, same routine na naman sa pagtulala sa pintuan. Doon ba manggagaling ang the one niya?" Sabay kaming nakornihan ni Ana sa sinabi niya. Paano ba namang hindi niya sasabihin 'yan, kay Mika na mismo nanggaling.
Doon niya inaabangan ng tingin araw-araw ang crush niyang si Mark na hindi kabilang sa section namin. Para raw itong anghel na nakatago sa likod ng sariling anino kaya hindi nakikita ang kabutihang taglay nito na siya lang daw ang nakakikita.
Buhay nga naman, sa mga hindi pangkaraniwang mga tao ako nakipagkaibigan.
"Karen, may sasabihin pala ako." Sa pangalawang pagkakataon, inagaw muli ni Ana ang atensyon ko. May pinakita siyang mensahe sa cellphone niya. Nagtataka ko itong tiningnan at binasa.
Wala pa mang ilang segundo, ang nagtataka kong ekspresyon ay nawala. Naging blangko ako pero agad ko ring binawi at nakangiting tumingin sa kaniya.
Plastik ka, Karen.
"Wow. Umamin na pala sa'yo si Mikael! Congrats!" Sinubukan kong hindi magpaapekto. Ito ba ang rason kung bakit ka nakangiti kanina?
"Anong gagawin ko?" tanong niya. Gusto kong umiwas ng tingin sa kaniya pero mas gusto kong iwasan ang tanong niya. Anong gagawin mo, Ana?
Anong gagawin mo sa taong gusto ko na umamin sa'yo na gusto ka niya?
Mundo nga naman, akala mo ay mapagbiro pero mapanakit pala. Hindi ko alam kung anong isasagot ko sa tanong niya. Ibig bang sabihin ay nasa akin ang sagot kung ano ang dapat niyang gawin? Paano kung sabihin kong i-reject mo siya, Ana? Gagawin mo ba? O paano kung sabihin kong i-push mo at subukan para tuluyan mo ng tanggapin ang kapalaran niyong dalawa ni Daniel? Ano?
"Ikaw, ano bang nararamdaman mo? Gusto mo rin ba siya?"
Noon pa man ay may tuksuhan na ang mga kaklase namin sa kanilang dalawa dahil napaghahalataang may gusto nga si Mikael kay Ana. Isa ako sa mga hindi naniniwala.
Nakaiinis.
"Ayoko sana siyang i-reject." Maglaho ang saya sa puso ko. Hindi ko alam kung nakita niya 'yon kaya nasabi niyang, "pero hindi ko siya gusto."
"Paano ba sasabihin sa kaniya na hindi ko siya gusto na hindi siya nire-reject?" tanong niya.
Ang lahat ng mga negatibo at positibong bagay na pumapasok sa isip ko ay nauwi lang sa iisang solusyon at pagkakataon.
"Gusto ko si Mikael, Ana." Ilang segundo siyang napipi bago ngumiti sa akin. Ito dapat ang klase ng ngiti na ibinigay ko sa kaniya kanina. Pero ano? Siya pa ang nagbigay sa akin nito.
Ang sama mo, Karen.
Ang naging solusyon namin ay ang pag-amin ko kay Mikael na gusto ko siya. Masusunod ang kagustuhan ni Ana na hindi i-reject ang lalaki pero ipababatid sa indirek na paraan na hindi niya ito gusto.
Ako ang may gusto kay Mikael.
Nalaman ng lahat ang balitang iyon. Ang love team na Mikael at Ana ay parang isang gamit na papel na itinapon na sa basurahan, napalitan na ng pangalan ko. Sumiklab ang malaking balita na gusto namin ni Mikael ang isa't isa.
Hindi ko alam kung iyon ba ang dahilan pero madalas na akong sulyapan ng lalaki. Ngingiti siya at kakawayan ako. Ilang beses niya iyon ginagawa sa ilang buwan hanggang sa may napansin ako. Para sa akin ba talaga ang tingin na iyon?
Umamin na ba sa akin si Mikael?
Gusto nga ba talaga niya ako?
"Gusto ka niya." Nandiyan pa rin ang suporta ni Ana pero halata mo na ang kaibahan nito kumpara no'ng una. Parang may bahid na ng kalungkutan at... muhi?
"Paano mo nasabi? Wala namang assurance." Para akong bata na nagta-tantrums sa harap ng kaibigan ko.
"Mamayang uwian, hindi muna tayo sabay uuwi. Aabangan ka niya."
Parang sasabog ang puso ko sa sobrang saya, kilig at kaba sa kung anong mangyayari mamaya. Pagkatapos ba ng araw na ito, may boyfriend na ako? Iniisip ko pa lang ang bagay na iyon ay sobra-sobra na ang kilig at saya ko. Kailangan araw-araw na akong maganda. Ano kayang amoy ng pabango ang gusto niya?
Kalma, Karen. Kumalma ka.
Sumapit ang maghapon, tama nga ang sinabi ni Ana. Hindi niya ako sinabayan ng paglabas kaya mula second floor ng building ay bumaba ako at sa gilid ay nakita ko si Mikael na naghihintay sa akin. Dahan-dahan at kabado akong lumapit sa kaniya na hindi inaalis ang pinakamatamis kong ngiti na ngayon ko lang ibinigay sa isang tao. Iba rin ang ngiti niya nang makita ako. Nagsisisi ako kung bakit nagduda ako sa mga nakalipas na buwan. Dapat ay hindi ko inisip na gusto pa rin niya si Ana. Ako na. Ako na ang gusto niya. Para sa akin nga talaga iyon. Ang mga tingin niya, ngiti at pagkaway.
"Gusto kita, Karen."
Parang isang panatag na tinig mula sa agos ng pagbaba ng tubig sa talon ang narinig ko. Gustong sumabog ng puso ko. Hindi ko na makontrol ang saya na nararamdaman ko kaya walang pasubali ko siyang ninakawan ng saglit na halik. Napatulala siya sa ginawa ko at pagkatapos ay napangiti. Niyakap niya ako nang mahigpit. Isang minuto rin ang tagal bago niya ako binitawan saka hinawakan ang kamay para sabay kaming maglakad. Tama, matatapos nga ang araw na ito na magkaka-boufriend ako. Tumingin ako sa langit nang mahagip ng mga mata ko si Ana sa corridor ng second floor ng building, nakatingin sa amin. Nawala ang saya sa puso ko.
Malungkot si Ana, Daniel.