Sa ilalim ng bilog na buwan, abala ako sa pagbili ng mga bibilhin sa isang grocery store. Ilang minuto nga rin ako kanina sa labas dahil kinukuhanan ko pa ng litrato ang maliwanag na buwan. Ang lapit-lapit din kasi nito at akala mo ay para siyang tumatagos sa kaluluwa mo. Nakahuhumaling siyang titigan kaya naman hindi na ako nagdalawang isip na mangolekta ng souvenir niya gamit ang camera. Napatigil na lang nang tinext na ako ni mama. Pinapauwi na niya ako. Ang tagal ko raw mamili.
Habang pumipili ng snacks ay nakatanggap ulit ako ng isa pang text galing naman kay Eyang na nakilala ko nang magkolehiyo.
'Ana, may concert ang Seventeen next month!! Shocks, team bahay na naman ako.'
Nakangiti ako na ibinulsa ang cellphone bago dumeretso sa counter para magbayad ng mga pinamili. Baliw na baliw talaga si Eyang sa Seventeen, hindi ko alam kung anong nakita niya sa mga singkit na iyon. Pero infairness, puro gwapo, magaling kumanta at sumayaw. Ang kaso nga lang, may chance ka ba sa mga iyon?
Napailing na lang ako at baka saan pa mapadpad ang isip ko. Nang makalabas ako ay nag-abang ako ng masasakyan pero limang minuto na ang lumipas ay wala pa rin. Kahit sana magpakita lang ang isang tricycle, solve na ako.
Sa abala ko sa paghihintay ay may dalawang tao akong nakita na papalapit sa grocery store. Mukhang bibili ang mga ito kaya hindi ko na binigyan pa ng pansin. Nananatili ako sa puwesto hanggang sa bigla akong tinawag ng isa.
"Ana." Napatingin ako sa may-ari ng boses. Si Mikael.
Kasama niya si Karen na hindi nakatingin sa'kin habang matamis naman ang ngiti ni Mikael kaya ginantihan ko rin siya ng ngiti. Dalawang taon na rin ang nakalilipas magmula nang hindi na kami nagkausap ni Karen at nawala na lang na parang bula si Mika matapos nilang mag-usap ni Mark tungkol sa kapatid nitong si Ray.
Napakagulo ng mga pangyayari noong nasa highschool kami. Lalo bang lumala ngayon? Maayos naman ang sa akin kahit papaano.
"Nag-grocery ka rin? Sabay ka na sa amin kung wala pang pumarada na masasakyan. Saglit lang kami sa loob," yaya ng lalaki sa akin pero tumanggi ako. Hindi mo ba nababasa ang sitwasyon, Mikael?
Pero pinipilit niya. Maging si Karen ay tumatanggi na rin at naiinis na sa pamimilit ng kasintahan niya. Ayokong maging third wheel sa inyo, 'no! Saka kita mo naman na hindi kami maayos ng girlfriend mo tapos ipipilit mo pa.
"Namamasahe po ako, sabay ka na po." Naputol ang namumuong tensyon sa pagitan namin dahil sa estrangherong nagsalita. Nakabisekleta siya at may suot na gray na hood. Kulot ang buhok at maputi pero hindi namin maaninag ang mukha. Mas matangkad siya kaysa kay Mikael. Pero kahit ano pa ang uri ng paglalarawan ko sa kanya ay hindi ko siya kilala. Medyo weird.
"Namamasahe ang nakabisikleta? Sinong niloloko mo?" Takang-taka si Mikael. Gusto ko ng makaalis dito kaya walang pasubali kong nilagay ang bitbit na plastik sa basket ng bisikleta ng lalaki at umangkas sa likod niya.
"Okay na, Mikael. Kakilala ko naman siya. Babye! Ingat kayo sa pag-uwi!" paalam ko sa magkasintahan sabay bahagyang kurot sa lalaki para paandarin na ang bisikleta. Nang makuha nito ang gusto kong iparating ay pinaandar na nga niya ito.
"Hindi ka naman kidnapper, 'no?" wala sa sariling tanong ko sa kanya. Ramdam ko ang pagtawa niya. Seryoso, 'di ba? Baka kidnappin niya ako.
"Hindi ka naman bata," sagot niya. Napairap ako. Ang corny. "Kita ko kasing pinipilit ka kahit hindi ka naman komportrable at saka kilala naman kita kaya hatid na kita sa inyo," dagdag niya pa na ikinakunot ng noo ko.
"Kilala mo ako?" takang tanong ko.
"Oo. Ako lang ang hindi mo kilala kasi hindi mo naman kinikilala." Sasagot na sana ako nang marahas siyang huminto. Napasubsob ako sa likod niya.