Sabi nila ang buhay ng isang nilalang ay hindi tungkol sa itinagal niya sa mundong ito kundi sa naging kontribusyon niya upang maipalaganap ang kabutihan. Lagi kong iniisip, bakit kailangang pang ipanganak ang isang nilalang kung darating din ang panahon na mamamatay siya? Minsan may mga bagay talaga na kahit ayaw natin, kailangan itong mangyari dahil ito ang siklo ng buhay.
"Amihan? Nakikinig ka ba?" lumingon ako upang makita ang mukha ni Tom.
"Hindi e, pasensya na iniisip ko kasi si Baste, alam mo naman namatay 'yung aso kasi na-vetsin," nahihiyang sagot ko. Ang huli kong tanda sa usapin namin ay ang pagdadalawang isip niya kung kukuha pa ba siya ng abogasya o susundin niya ang gusto ng mga magulang niya kahit sinabi na ng mga ito na susuportahan nila kahit na anong kurso ang kunin niya.
"Amihan, sabihin mo nga sa akin kung ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa sitwasyon ko? Nawala ko ang huling regalo sa akin ni Jawo," kita ko sa mukha niya ang pagkainis sa nangyari.
"Alam ko naman na nahihirapan ka. Kahit ako e, sino ba namang mag-aakalang mangyayari yaon?" paliwanag ko sa kanya. Alam kong kanina niya pa iniisip kung paanong nawala niya ang kwintas na binigay sa kanya ni Jawo.
Umupo siya sa tabi, ganoon din naman ang ginawa ko. Tinignan ko ang papalubog na araw. Paborito ni Jawo ang papalubog na araw. Kahit pa sinabi niya noon sa amin na hindi ito maganda dahil ipinaaalala sa kanya nito ang pag-iwan ng kanyang ama. Pero nakikita ko siya tuwing tinitignan niya ito. May kakaibang kislap sa mga mata niya. Parang tala, nagbibigay pag-asa. Parang ginagabayan ka ng ningning ng mga ito.
"Nakita ko nga pala kanina sa balita, buti na lamang at nakulong na ang Arturo na 'yon. Ang laki ng galit niya sa pamilya ni Jawo. Nararapat lamang sa kanya ang sinapit niya," sambit ko. Galit ang laging ugat ng kasawian. At sa palagay ko sa kaso ni Arturo, kinain siya ng inggit at poot.
"Amihan, gusto mo ba si Jawo?"
Bago pa ako makasagot ay biglang may bumusinang kotse sa harap namin. Napahawak ako sa aking bibig. Kasabay ng pagtama ng huling sinag ng araw ang pagbaba niya.
"Jawo?"
Ngumiti siya. Lumabas ang biloy niya sa pisngi. Naluha ako sa tuwa. Halos isang buwan namin siyang hindi nakita. Tumakbo ako at hinagkan siya.
"Aray! Amihan, grabeng tsansing 'yan," biro niya habang iniinda ang sakit.
"Hindi bagay sa'yo ang saklay kaya dapat ay bilisan mo ang pagpapagaling," sambit ko habang pinupunasan ang luha sa pisngi ko. Masaya ako. Sobra.
Lumapit sa kanya si Tom at niyakap siya. Nakaktuwang isipin ang eksenang ito, sabay-sabay kaming lumaki at nakakataba ng puso na makitang walang nagbago sa aming tatlo.
"Pre, namiss kita," sabi ni Tom sabay singhot. Natawa ako ng mahina sa reaksyon niya. Mahal niya talaga si Jawo. Magkapatid ang turingan nila, walang duda roon.
"Tangina Tom, anong kabaklaan na naman 'yan?" ano pa nga ba? May saklay o wala ganyan talaga siya.
"Nasaan si Tita?" tanong ko.
"Nauna na, kasama ang mga magulang ni Tom. Ako naman kasama ko si Chief este ang ating big time na General. Director General June Miravalles," buong pagmamalaking bigkas niya. Ngumiti siya at nakita kong muli ang ningning sa mga mata niya.
"Alam niyo mga bata, tara na. Huwag niyo ng pansinin ang isang ito at kakaturok lang ng gamot diyan kaya alam niyo na... medyo ganon," sabay muwestra ni Chief ng kamay niya na nagpapakitang baliw si Jawo. Nagkatinginan kami ni Tom at sabay na tumawa.
Sumakay kami sa sasakyan at handa ng pumunta sa puntod ng ama ni Jawo. Oo, sa wakas nakita na rin ang himlayan niya. Ang lalaking may pilat ang naging susi ng lahat. Nakita niya ang kwintas ng ama ni Jawo at ang kwintas niya na napulot ni Jawo ng maaksidente siya. Kaibigan siya ng tatay ni Jawo. Ang kwintas na 'yon pala ay isang susi kapag pinagdugtong. Itinabi ng mamang may pilat ang abo nito, alinsunod sa naging bilin nito. Ang pagkasangkot ng mama sa kabaliwan ni Uro ay dahil gusto nitong protektahan si Jawo mula sa kanya.
Minsan talaga, ang akala nating may mga pilat ay basagulero o mamamatay tao, nakakalimutan natin na ang mga pilat kadalasan ay hindi dahil sa pakikipag-away, kadalasan produkto ito ng pagsubok nating gawin ang mga bagay na akala ng iba ay hindi natin kaya. Kahit pangit ang pilat, isa itong marka ng katapangan. Simbolo na nabubuhay ka dahil mayroon kang paniniwala. Simbolo na kahit masugatan ka, babangon at babangon ka.
Napabuntong hininga ako. Marami akong pilat hindi sa pisikal kong katawan ngunit sa kalooban. Pero dahil sa mga nangyari, alam kong nabubuhay ako dahil may dahilan ito. Habang tumitibok ang puso ko naniniwala akong may magiging kontribusyon ako sa mundong ito.
Nasanggi ko ang braso ni Jawo ng biglang pumreno si Chief, umaray siya at napamura.
"Chief ano pong nangyari?"
"Flat tire," sagot nito.
Narinig kong nagmura si Jawo.
"Bumaba muna kayo at papalitan ko lang ito ng gulong. Jaworski, kapag ikaw talaga ang kasama ko kung ano-ano ang nangyayari sa akin," pagbibiro nito. Umirap si Jawo sabay sabing, "Walang anuman Chief, Director General ka na, kasi nakasama mo ako."
Hindi na muling nagsalita si Chief.
Tumayo kami sa gilid. Nag-usap si Tom at Jawo, hindi ko naman marinig. Kaya hinayaan ko na lang at dumistansya pa ako lalo. Magdidilim na. Parang uulan na rin. Sinilip ko si Chief, buti na lamang at may flashlight siya. Maya-maya pa'y naramdaman ko ang presensya ni Jawo sa tabi ko.
"Si Tom?"
"Tinutulungan si Chief,"
Katahimikan ang bumalot sa amin.
"Kumusta?" tanong ni Jawo. Tinignan ko siya ngunit diretso ang tingin niya.
"Ako dapat ang nagtatanong niyan e, pero ayos lang, sa palagay ko," kabado kong sagot. Hindi ko alam kung dahil ba sa lamok na kasalukuyang umiikot sa akin kung bakit ako biglang kinabahan o dahil sa tiyan ko na parang sinasabing gutom ako kahit hindi? Alinman doon, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko.
"Akala ko hindi na ako darating sa puntong ito," nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga. Tumingin ako sa kanya at hindi ko inaasahang magtatagpo ang mga mata namin.
"Amihan, mahal kita," tinitigan ko siya sa mga mata. Nakikita ko ang pag-asa, ang liwanag, ang kasiyahan sa pares ng mga mata niya. Paano niya nagagawa yaon sa kabila ng lahat ng ito?
Bumilis pa lalo ang pintig ng puso ko habang napoproseso ng utak ko ang sinabi niya. Nagbibiro lamang ba siya?
"Jawo, nababaliw ka na," kabadong sagot ko.
"Siguro nga tama ka, nababaliw na ako. Baliw nga siguro ako kasi bago ako mawalan ng malay noong nabaril ako imahe mo ang huli kong nakita, ang nakangiti mong mukha. Baliw ako kasi natakot ako, natakot akong baka hindi na kita muling makita kaya lumaban ako. Nandito na ako ngayon. Amihan, dinggin mo ako," sambit nito.
Kaya ba ako tinatanong ni Tom kanina? Kaya ba? Tinignan ko siya sa mata, minsan ang tahanan ay hindi isang bagay kadalasan tao ito. Si Jawo, kahit presko siya, nanatili siya sa tabi ko. Naramdaman ko sa kanya ang tahanan, naramdaman ko sa kanya ang pag-ibig. Kahit pilit kong itago, kahit pilit kong itanggi - mahal ko siya.
"Mahal din kita," hindi ko inakalang lalabas ito sa bibig ko. Niyakap niya ako. Niyakap ko rin siya.
"Salamat sa Diyos sa pagkakataong ito," sambit ni Jawo. Kasabay nang pagkalas namin sa pagkakayakap ang pag-ulan. Nagmadali akong tumakbo. Ngunit naalala ko si Jawo kaya agad akong bumalik.
Magkaharap kami ng sabihin niyang,"Huwag natin kalabanin ang ulan dahil para itong buhay natin, kailangan natin itong sabayan."
Tama nga siguro si Jawo, para mabuhay kailangan nating sabayan ang hamon nito. Kailangang maging matatag tayo.
"Ako si Jaworski Lakandula, anak ng Diyos, nakasaklay man, isa pa ring alamat. Isang gwapong alamat na nagmamahal ng isang dilag," bulong niya sa pagitan ng ulan. Kasabay nito ang pag-abot niya sa kamay ko at sabay kaming lumakad pabalik. Basang basa ako sa ulan ngunit masayang masaya ako dahil pinahintulutan ng Diyos na manatili sa amin si Jawo.
Salamat, Panginoon.
Salamat.
BINABASA MO ANG
Nakakapagpamurang Kamalasan
Humor"Nakakapagpamura man ang buhay ko, malas man ako sa pantaha niyo. Gwapo naman at ang matindi pa e, isa pa ring alamat." - Jaworski Lakandula © ubiquitous_stories