Hi! salamat sa pagsubaybay sa kwento ni Jawo. Pagpalain ka ni Lord!
Bayani
Bumalik si Amihan kinabukasan. May dala-dala siyang printouts ng mga detalye ukol kay Arturo Jimeno.
“Dati siyang Chief Inspector, Jawo. Nasangkot sa graft and corruption. Nasibak sa pwesto at alam mo na ang kasunod,” tumango ako kay Amihan.
“Salamat, salamat,” sambit ko. Hindi na siya nagtagal dahil may aasikasuhin pa raw siya, kung ano man iyon ay hindi ko na alam.
Nandito pa rin ang mga pulis na ipinadala ni Chief. Malamlam ang atmospera sa bahay. Maaga kaming nagising at ang nanay ay isinama kanina ni Chief upang ayusin ang death certificate ni Tatay. Kami nila Inang ang naiwan dito kasama ang isang nars na siyang umaasikaso sa kanya. Hindi naman kami makaluwas dahil sa kalagayan ng Inang, suka siya ng suka. Ngayon lamang uminam ang pakiramdam niya.
Nagtimpla ako ng kape at naupo sa may kwarto katapat ng pigura ng Birheng Maria. Binabasa ko ang mga dinala ni Amihan.
“Arturo Jimeno. Ipinanganak noong Agosto 24, 1968. Mula sa Tondo. Ang pinakabatang Chief Inspector sa kanyang lugar. Nakulong noong 1997 nang masangkot sa kasong graft and corruption,” inilipat ko sa ikalimang pahina. At muntik ko nang maibuga ang tangan kong baso ng makita ko ang isang artikulo ukol sa kanya at sa aking ama.
“SPO3 Agape Lakandula to witness against Chief Inspector Jimeno,” tinignan ko ang petsa ng pagkakalathala. Putang ina! Hunyo 12, 1997. Isang linggo bago ako ipanganak. Araw ng Kalayaan.
Tumestigo ang Tatay laban kay Arturo. Nakulong ito ng dahil sa kanya. Pero kung tumestigo siya, bakit nakulong din siya? Napagbintangan siyang pumatay sa Director General pero ano ang kabuuang istorya? Hindi ko maintindihan. May kulang, may nawawalang parte. Nailamukos ko sa mukha ko ang aking mga palad. Nagluluksa ako. Isa akong anak na nawalan ng ama.
Iniligpit ko muna ang mga papel na mula kay Amihan at pumikit.
“Panginoon, tulungan mo ako,” usal ko. Pagdilat ko ng aking mga mata namataan ko ang Bibliyang inabot sa akin sa bar. Sa tabi nito ang kwintas ng mamang nagligtas sa akin ng muntik na akong masagasaan.
Kinuha ko ang Bibliya at binuklat. Sa unang pahina ay may nakasulat na letrang hindi ko maunawaan. Tila sulat ng isang doktor. Niyakap ko ang Bibliya, umusal muli tsaka ako tumayo.
Nilapitan ko ang mga pulis na nakabantay sa aming bahay.
“Pwede ho ba akong lumabas?”
“Hindi,” mabilis nitong sagot. “Kabilinbilinan ni Chief na huwag kang palalabasin ng mag-isa,” dagdag pa nito.
“Sino ho bang nagsabing lalabas akong mag-isa?” isang litong tingin ang ibinato niya sa akin. “Samahan niyo po ako. Kalahating oras lang po ang hinihingi ko.”
Sasagot na siya ng may narinig kaming humintong sasakyan. Si Chief pala ang dumating. Sumaludo ang mga pulis at ako naman ay yumuko. Hinagkan ko ang aking ina. Ngumiti siya ngunit hindi ito umabot sa kanyang mga mata.
Buntong hininga ang bungad ni Chief sa akin ng tawagin niya ako upang maupo kasama ng Nanay. “Nakuha namin ang death certificate ni Kuya Aga pero ang hindi ko maunawaan ay nang ipahukay ko ang libingan niya sa Palawan ay wala raw itong laman.”
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Naalala ko ang eksena sa Surf Bar, ang bangkay ni Eduardo Lakandula, ang wirdong pangalan ng may-ari nito, naalala ko ang Tom and Friends. Naalala ko si Tom, teka nasaan na nga ba si Tom?
“Ang ibig sabihin po ba nito e, narito sa harap natin ang papel na katunayang patay na siya pero ang labi niyang magpapatunay na totoo ang mga papel na ito ay nawawala?” tumango siya. Bumagsak ang balikat ko. Narinig kong humikbi ang nanay. Labi na lamang niya ang masisilayan ko pero bakit parang ipinagkakait pa rin sa akin ng tadhana?
BINABASA MO ANG
Nakakapagpamurang Kamalasan
Humor"Nakakapagpamura man ang buhay ko, malas man ako sa pantaha niyo. Gwapo naman at ang matindi pa e, isa pa ring alamat." - Jaworski Lakandula © ubiquitous_stories