Kabanata 6

398 39 25
                                    

Pinagpipitagan

 “Jawo, ikaw ba ‘yan anak?” hindi ako nakilala ng nanay. Paano ba naman kasi natakpan ng natuyong putik ang gwapo kong mukha.

“Opo,” sagot ko.

“Anong nangyari sa’yo ba’t ganyan ang hitsura mo?”

“Nalaglag po ako sa luglugan ng kalabaw. Kaya ito inay libreng body scrub,” sagot ko.

“Naku itong batang ‘to talaga! Maligo ka na nga. Amoy kalabaw ka na rin,” natatawang sabi ni nanay.

 “At least hindi mukhang kalabaw ‘nay.”

Naligo na ako sa may poso. Malamig ang tubig at ramdam na ramdam ko ito sa bawat patak. Kanina habang naglalakad ako pauwi napagtanto ko kung bakit ako itinulak noong mama. Hinahabol siya ng parak, itinulak niya ako para kapag dumaan ito, sa akin mababaling ang atensyon ng pulis para naman makaeskapo siya. O baka naman nasagi niya lang talaga ako? Pero mas gusto ko ang una kong naisip, mas may aksyon at kahulugan. Parang eksena sa pelikula ni Dolphy pero nakakadiri lang.

Kamusta na kaya si Amihan? Umiiyak pa rin kaya siya? At bakit ko siya iniisip? Taragis naman!

Nagmadali akong maligo dahil ang lamig talaga ng tubig. Inayos na ni nanay ang susuotin ko, nakahanda na rin ang hapunan. Nakita ko si nanay katabi si Kuya Nep mahimbing na ang tulog. Si Inang Simplicia na nasa katre payat na payat pa rin. Kung nandito ba ang tatay magkakaroon ba ng kaibahan ang buhay ko? Siguro? Hindi? Hindi ko alam.

Alas nuebe na ng gabi pero hindi pa rin ako makatulog. Binabagabag ako ng isang bagay na kahit kailan hindi ko nakilala. Ang tatay ko. Walang nabanggit si nanay tungkol sa kanya. Hindi rin naman ako matanong na tao kaya hindi ko na inusisa.

Pero kahit pala anong gawin kong pangaalimura sa kanya dahil sa ginawa niya hindi pa rin nito maiibsan ang katotohanan na nangungulila ako sa kanya.

Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Epekto ba ito ng pag-iyak ni Ami? O sadyang mapagkunwari lang ako na matapang at hindi ko siya kailangan? Gumuguho na ba ang pader ng galit na itinayo ko dahil sa patay na nakita ko kanina? Paano kung kamag-anak ko si Eduardo Lakundula? Paano kung siya ang ama ko? Ang daming tanong sa isip ko pero wala akong makuhang sagot.

Lumabas ako ng bahay gusto ko ng sariwang hangin. Gusto kong mag-isip. Maganda ang kalangitan. Makinang ang mga bituin. Naglakadlakad ako. Tahimik ang lugar namin. Hindi tulad sa Maynila na parang normal na lang ang krimen. Dito? matiwasay, may ilang bungangerang kapitbahay pero mapagbigay. May mga chismosa pero mas marami ang mapagkakatiwalaan. Payak at pinagpala ang pamumuhay namin dito.

Hindi ko namalayan na nakarating na ako sa ipinasarang pabrika, malapit sa bukid ni Lolo Erning. Ipinasara ito dalawang araw matapos ang kapanganakan ko. Bale, halos labing anim na taon na itong sarado.

Babalik na sana ako pero may narinig akong tunog ng pinaandar na sasakyan. Lumapit ako, kakaiba ang pakiramdam ko. Hindi pangkaraniwan ang ganitong pangyayari.

Kanino ang kotseng ito? Ang kilala kong may Porsche sa Pilipinas ay si PNOY lang pero ibenenta na niya ito. Isang kulay itim na Porsche Panamera ang nakaparada sa likod ng lumang pabrika. Mahilig ako sa kotse kahit wala akong pambili nito pero sigurado akong isang Porsche ‘yon. Ilang dolyar ang halaga nito? Baka kahit habang buhay akong magtrabaho sa Florist Gump e, hindi ko mabayaran ang ganyang kotse.

Lumapit pa ako dahil hindi araw araw ay makakakita ka ng ganito kaastig na sasakyan. Nagtago ako sa likod ng kumpol ng bougainvillea, kakulay pa ng damit ko ang mga bulaklak. Kulay kahel. Camouflage ko ang mga bulaklak. Syempre, iniwas ko ang gwapo kong mukha sa mga tinik. Sayang! Di ako nagdala ng kamera. Oo nga pala! Wala akong ganoon.

Nagmamasid lang ako, hindi naman umalis ang sasakyan mukhang nagyabang lang ang may-ari ng paandarin ito kanina o sadyang tadhana ito? Gusto ng tadhana na makita ko ang Porsche na ito! Putragis Jawo napakaswerte mo!

May lumabas na dalawang lalaki. Nakaitim na jacket. Hindi ko gaanong maaninag ang mukha nila. Pero kitang kita ko ang peklat sa pisngi noong isang lalaki. Kinilabutan ako. Hindi ko maipaliwanag pero hindi ko gusto ang ganitong pakiramdam.

“Madali lang naman suhulan ang mga iyon. Napanood mo ba kanina? Tawas ang sinunog nila. Kaya huwag kang mag-alala basta tuloy ang plano,” sabi noong lalaking may peklat.

“Siguraduhin mo lang Arturo,” sagot ng kasama nito.

Umalis na sila sakay ng Porsche Panamera. Sino sila? Tinignan ko ang dalawa kong kamay, bakit ito nanginginig? Napatayo ako bigla, “tangina!” sigaw ko. Tumama ang tinik sa pisngi ko. Tumama ang rebeldeng tinik sa makinis at mapula kong pisngi.

Bakit ganito kalupit ang tadhana? Bukod sa pamilya ko, kagwapuhan ko na lang ang tangi kong maipagmamalaki at ngayon nagkasugat pa.

Umalis na ako. Naalala ko yaong palabas na  The Ruins. Buhay ang mga halaman at pumapatay. Bwisit naman Jawo, tinakot mo pa ang sarili mo!

Hindi na ako naglakad, tumakbo na ako. Baka totoo ‘yon pero bumalik ako sa paglalakad nang maisip ko na bougainvillea iyon at 21st century na ngayon. Isa pa, isa akong alamat at hindi ako mapapatay ng bougainvillea lang. Napahawak ako sa mukha ko, “Aray!”

May sugat nga pala ang pinagpipitagan kong mukha. Bwisit!

Nakakapagpamurang KamalasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon